Pag-aaral sa Hula ni Daniel
1 Pasimula sa linggo ng Abril 17, ating pag-aaralan ang Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Marami ang nakabasa na ng kawili-wiling aklat na ito, subalit ngayo’y may pagkakataon tayong tamasahin ang mga kapakinabangan ng panggrupong pagtalakay ng materyal. Ang lahat ng mamamahayag, mga taong interesado, at mga anak ay inaanyayahan, oo, pinasisigla, na maging presente sa bawat linggo para sa masusing pag-aaral ng aklat ng Daniel.—Deut. 31:12, 13.
2 Iskedyul ng Pag-aaral at mga Tagubilin: Ang kumpletong iskedyul ng pag-aaral para sa aklat ng Hula ni Daniel ay inilagay sa isyung ito ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Tiyaking mag-ingat ng isang kopya kasama ng inyong aklat na pag-aaralan. Ipinakikita ng iskedyul ang kabanata at mga parapo mula sa aklat at ang mga talata mula sa Daniel na tatalakayin sa sesyon bawat linggo. Ang mga talababa ay nagpapaliwanag kung paano at kailan isasaalang-alang ang ilang materyal na nasa aklat. Sa katapusan ng bawat lingguhang pag-aaral, hinihimok ang mga konduktor na repasuhin sa grupo ang espesipikong mga talata sa Daniel na nakalista sa iskedyul para sa linggong iyon. Habang ipinahihintulot ng panahon, ang mga talata ay maaaring basahin at komentuhan. Ang ilang talata ay masasaklaw sa dalawang magkasunod na linggo dahilan sa patuloy na pagsasaalang-alang sa aplikasyon ng mga ito.
3 Maghanda Para sa Isang Masusing Pag-aaral: Isang pagsisikap ang isinagawa upang magkaroon ng sapat na panahon bawat linggo, para hindi maging apurahan ang pagtalakay ng iniatas na materyal. Ang apat na leksiyon ay maikli lamang. Kaya, sa katapusan ng pag-aaral sa linggo ng Hunyo 5, maaaring isama ng konduktor ang isang repaso ng Daniel 2:1-40. Para sa linggo ng Hunyo 26, maaari niyang repasuhin ang Daniel 3:1-30. Dapat ilakip sa linggo ng Setyembre 4 ang masusing pagtalakay sa mga ilustrasyon at mga kasulatan sa pahina 139. Ang tsart sa pahina 188 at 189 ay dapat na talakayin sa pag-aaral sa linggo ng Oktubre 2.
4 Maghandang mabuti para sa pag-aaral bawat linggo, at tamasahin ang pakikibahagi rito. Pahalagahan ang inyong pribilehiyo ng pakikisama sa nakikitang organisasyon ni Jehova at pakikinabang mula sa malalim na kaalaman at kaunawaang inilaan sa pamamagitan ng kaniyang tapat na mga pinahiran. (Dan. 12:3, 4) May kabaitang pasiglahin ang iba na dumalo nang palagian sa pag-aaral sa aklat. Tayo nawang lahat ay magbigay-pansin sa makahulang salita ng Diyos samantalang isinisiwalat ito sa kagila-gilalas na aklat ng Daniel.—Heb. 10:23-25; 1 Ped. 1:19.