Ang mga Pulong ay Nagdudulot ng Kapakinabangan sa mga Kabataan
1 Isang tin-edyer na babae ang nagsabi: “Kung minsan ay naiisip kong ang mga kabataan ang may pinakamahirap na panahon sa buhay. Kami ay nasa palibot ng mga taong nangangalunya, nagdodroga at naglalasing.” Gayon ba ang inyong nadarama? Kung oo, ano sa palagay ninyo ang makatutulong sa inyo na mapaglabanan ang masasamang impluwensiyang ito? Kayo ay nangangailangan ng pananampalataya, matibay na pananampalataya sa pagiging matuwid ng mga daan ni Jehova, sapagkat kung wala iyon “imposibleng palugdan [siya] nang mainam.” (Heb. 11:6) Ang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon ay tutulong sa inyo na mapatibay ang inyong Kristiyanong paninindigan at determinasyon na iwasan ang masama.
2 Marami ang Maibibigay sa Inyo ng mga Pulong: Ano ang nagpapangyari na maging kasiya-siya ang isang masarap na pagkain kasama ng matatalik na kaibigan? Hindi ba’t ang kombinasyon ng mabuting pagkain at kasiya-siyang pakikipagsamahan sa isang maalwang kapaligiran? Buweno, ang ating mga pulong ay nagbibigay ng gayunding kasiya-siyang karanasan, subalit sa isang espirituwal na diwa.
3 Ang mga bagay na pinag-uusapan sa mga pulong ay nakapagpapatibay, mula sa mga bagay na tumatalakay sa pang-araw-araw na mga suliranin sa buhay hanggang sa mga pag-aaral ng kalugud-lugod na mga hula sa Bibliya. Naghaharap ito ng praktikal na tagubilin na nagtuturo sa inyo kung paano magkakaroon ng pinakamabuting paraan ng pamumuhay at upang mapakitunguhan ang mga hamon na mapapaharap sa inyo. Ang mga kasamahang masusumpungan mo sa mga pulong ang siyang pinakamabuti saanman, at ang espirituwal na kapaligiran ay kasiya-siya at ligtas. (Awit 133:1) Hindi kataka-taka na ang isang kabataang babae ay nagsabi: “Ako ay nag-eeskuwela nang maghapon, at ito ay nakapanghihimagod sa akin. Subalit ang mga pulong ay tulad ng isang oasis sa disyerto, kung saan ako nagiginhawahan upang matapos ko ang susunod na araw sa paaralan.” Sabi pa ng isang kabataang babae: “Nasumpungan ko na ang matalik na pakikipagsamahan sa iba na umiibig kay Jehova ay nakatutulong sa akin na makapanatiling malapit sa kaniya.”
4 Sa pagiging nakatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, matututuhan mong magtipon ng impormasyon sa Bibliya, buuin ito sa isang pahayag, at pagkatapos ay iharap ito sa isang paraang nakikipag-usap sa harapan ng mga tagapakinig sa Kingdom Hall. Isipin na lamang ang kapakinabangan ng pagiging nasanay na magturo nang may kabihasahan ng nagliligtas-buhay na mga katotohanan sa Salita ng Diyos! Saan pa maaaring tamuhin ng mga kabataan ang gayong mahalagang pagsasanay?
5 Kung Paano Lubusang Makikinabang Mula sa mga Pulong: Upang lubusang makinabang mula sa mga pulong, may nasasangkot na tatlong mahalagang bagay. Ang mga ito ay ang paghahanda, pakikibahagi, at pagsasagawa nito.
6 Paghandaan ang mga Ito: Mag-iskedyul ng panahon upang maghanda para sa mga pulong sa regular na paraan. Huwag hayaang ang aralin sa paaralan, part-time na trabaho, o mga paglilibang na umagaw sa inyo ng panahon na kailangan ninyo upang repasuhin nang patiuna ang materyal na tatalakayin sa bawat pulong. Kapaki-pakinabang ang pagkakaroon ng isang mabuting rutin. Una at pinakamahalaga, ipagpatuloy ang iskedyul ng lingguhang pagbabasa sa Bibliya para sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Nangangailangan lamang ito ng ilang minuto bawat araw upang basahin at bulay-bulayin ang iniatas na mga kabanata. Magtakda ng panahon upang maghanda para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at Pag-aaral ng Bantayan. Ginagawa ito ng ilan kahit na isa o dalawang araw man lamang bago ang mga pulong na ito. Kung posible, gawin ang gayundin para sa mga bahagi na naka-iskedyul sa Pulong sa Paglilingkod bawat linggo.
7 Makibahagi sa mga Ito: Sinasabi ng Bibliya na sa edad na 12, si Jesus ay nasumpungan sa templo, na nakikinig, nagtatanong, at sumasagot. (Luc. 2:46, 47) Sa ibang salita, siya ay lubusang nasangkot. Higit kang makikinabang sa mga pulong kung magsisikap ka na makibahagi sa mga ito.—Kaw. 15:23.
8 Kailangang magbuhos ka ng pansin sa itinuturo sa mga pulong. Kung minsan, ang pakikinig sa isang pahayag ay mas mahirap kaysa pagbibigay nito. Bakit? Ang iyong isip ay maaaring gumala-gala kapag may ibang nagsasalita. Paano ninyo mapaglalabanan ito? Sa pamamagitan ng pagkuha ng mga nota. Isulat ang mahahalagang punto na nanaisin ninyong balikang muli. Ang pagkuha ng nota ay makatutulong sa inyo na mapanatiling nakatuon ang inyong isip sa programa. Gayundin, hanapin ang mga kasulatan, at subaybayan ang mga ito habang binabasa ng tagapagsalita.
9 Karagdagan pa, gawing tunguhin na makibahagi sa bawat tanong-sagot na pagtalakay sa mga pulong. Kayo ay makikinabang nang higit pa kung pag-iisipan ninyong mabuti kung ano ang gusto ninyong sabihin. Ang Kawikaan 15:28 ay nagsasabi: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.”
10 Pagsasagawa ng Inyong Natutuhan: Ang pangwakas na hakbang ay ang tiyakin na “gumagana rin sa inyo” kung ano ang inyong natututuhan. (1 Tes. 2:13) Habang ikinakapit ninyo ang maiinam na punto na inyong natututuhan sa bawat pulong, kayo ay higit na mapapalapit sa Diyos na Jehova. Siya ay magiging tunay sa inyo, at inyong mararanasan ang malaking kagalakan at kasiyahan habang kayo ay “patuloy na lumalakad sa katotohanan,” anupat dinidibdib iyon.—3 Juan 4.
11 Mga kabataang kapatid na lalaki at babae, habang kayo ay naghahanda nang regular para sa mga pulong, nakikibahagi sa mga ito, at nagsasagawa ng inyong mga natututuhan, lubusan kayong masisiyahan sa mga pulong. Kasabay nito, maaari ninyong makuha ang lahat ng kapakinabangan mula sa mga ito. Titibay ang inyong pananampalataya, gayundin ang inyong kapasiyahang manatiling tapat sa inyong makalangit na Ama, si Jehova.—Awit 145:18.