“Dapat Ba Akong Lumipat?”
1 Bilang pagtugon sa utos ni Jesus na “humayo kayo . . . gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” maraming naaalay na mga lingkod ni Jehova ang lumipat upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. (Mat. 28:19) Sila ay tumutulad kay Pablo, na tumugon sa panawagang: “Tumawid ka patungong Macedonia at tulungan mo kami.” (Gawa 16:9) Paano ito magagawa sa isang praktikal na paraan?
2 Magpatuloy Nang Unti-Unti: May teritoryo bang bihirang nagagawa sa inyong kongregasyon? Kung oo, maaari ninyong ituon ang inyong mga pagsisikap sa mga lugar na yaon. Bago magpasiyang pumunta saanman, konsultahin ang inyong matatanda upang makita kung sa palagay nila ay may kakayahan kayo upang lumipat. Maaari rin ninyong itanong sa inyong tagapangasiwa ng sirkito kung may alam siyang malapit na kongregasyon kung saan maaari ninyong mapalawak ang inyong ministeryo. Sa kabilang panig, matapos na maingat na tuusin ang gastusin, baka nanaisin ninyong isaalang-alang na tumulong sa iba pang bahagi ng bansa o sa ibang lupain. Kung ito ang nais ninyo, dapat na sumulat kayo kasama ng inyong lupon ng matatanda sa tanggapang pansangay kung saan kayo interesadong maglingkod, na binabanggit sa maikli ang inyong teokratikong kalagayan. Magiging katalinuhan na bisitahin muna ang lugar bago magpasiya kung gagawa ng permanenteng paglipat o hindi.
3 Maging Maingat sa Pandarayuhan: Dumarami ang bilang ng ating mga kapatid na lumilipat sa ibang lupain dahil sa sila’y naghahanap ng alinman sa mas mabuting antas ng pamumuhay o ginhawa mula sa paniniil. Samantala, ang ilan ay naging biktima ng mga taong walang konsensiya na nangakong tutulungan silang makapanirahan sa bagong lupain subalit kinuha lamang ang kanilang pera at pagkatapos ay iniwan sila. Sa ilang kaso, tinangka pang puwersahin ng mga taong ito ang mga nandarayuhan tungo sa imoral na pagkaalipin. Nang sila’y tumanggi, sila’y iniwan sa isang kahabag-habag na kalagayan sa bansang kanilang pinasukan. Kaya ang naging kalagayan ng mga nandarayuhan ay naging mas masahol pa kaysa sa noong sila’y nasa kanilang lupang tinubuan. Kailangan pa man din nilang makituloy at magpatulong sa mga kapatid, na naglalagay ng pasanin sa ibang mga pamilyang Kristiyano na nakikipagpunyagi rin sa kanilang sariling mga suliranin at mga kahirapan. Ang mga miyembro ng ilang sambahayan ay nagkahiwa-hiwalay sa isa’t isa sa pisikal, at humina sa espirituwal ang mga pamilya dahil sa gayong maling paglipat.—1 Tim. 6:8-11.
4 Kung nais ninyong lumipat dahil sa personal na bentaha, isaisip na saanman kayo tumira, may mga suliraning kailangang harapin. Mas madaling mapagtagumpayan ang mga suliranin kung saan alam na ninyo ang wika at ang kultura, sa halip na magsimula nang panibago sa di-pamilyar na mga kapaligiran.