Panggigipit ng mga Kasama at ang Iyong Pribilehiyong Mangaral
1 Ang panggigipit ng mga kasama ay isang malakas na impluwensiya—sa ikabubuti o sa ikasasama. Ang mga kapuwa natin lingkod ni Jehova ay nakapagbibigay ng positibong impluwensiya na nag-uudyok sa atin sa maiinam na gawang Kristiyano. (Heb. 10:24) Gayunman, ang mga di-Saksing kasambahay, katrabaho, kaeskuwela, kapitbahay, o iba pang kakilala ay maaaring manggipit sa atin na sundin ang isang landasing salungat sa mga simulaing Kristiyano. Maaaring magsalita sila “nang may paghamak tungkol sa [ating] mabuting paggawi may kaugnayan kay Kristo.” (1 Ped. 3:16) Paano natin mapananatili ang ating determinasyon na patuloy na mangaral sa kabila ng negatibong panggigipit ng mga kasama na maaaring mapaharap sa atin?
2 Mga Kasambahay: Kung minsan, maaaring hindi magustuhan ng isang asawang lalaki at ama na hindi isa sa mga Saksi ni Jehova na makibahagi ang kaniyang asawa at mga anak sa pangmadlang ministeryo. Ito ang kalagayan ng isang pamilya sa Mexico. Ang asawa’t pitong anak ng isang lalaki ay napasakatotohanan. Noong una ay salungat siya sapagkat hindi niya gusto na ang kaniyang pamilya ay mangaral at mag-alok ng literatura sa Bibliya sa bahay-bahay. Sa pakiramdam niya ay napakababa ng gawaing ito. Gayunman, ang kaniyang asawa at mga anak ay nanindigang matatag sa kanilang pasiya na maglingkod kay Jehova at makibahagi nang palagian sa ministeryo. Sa kalaunan, nakita ng lalaki ang halaga ng pagtanggap sa kaayusan ng Diyos para sa gawaing pangangaral, at inialay rin niya ang kaniyang sarili kay Jehova. Umabot nang 15 taon bago niya tinanggap ang katotohanan, ngunit nagawa kaya niya iyon kung hindi nagtiyaga ang kaniyang pamilya sa kanilang pribilehiyo na mangaral?—Luc. 1:74; 1 Cor. 7:16.
3 Mga Katrabaho: Ang mga pagsisikap mong magpatotoo sa iyong mga katrabaho ay maaaring hindi tanggapin ng iba. Isang sister ang nagsalaysay na nang bumangon ang isang pag-uusap sa kaniyang opisina tungkol sa katapusan ng mundo, tinuya siya sapagkat iminungkahi niyang basahin nila ang Mateo kabanatang 24. Ngunit, pagkaraan ng ilang araw, isa sa kaniyang mga katrabahong babae ang nagsabi sa kaniya na binasa nito ang nasabing kabanata at namangha ito. Naipasakamay sa kaniya ang isang publikasyon, at naisaayos ang isang pag-aaral ng Bibliya sa kaniya at sa kaniyang asawa. Ang unang pag-aaral ay tumagal nang hanggang alas dos ng madaling araw. Pagkatapos ng ikatlong pag-aaral, nagsimula na silang dumalo sa mga pulong, at di-nagtagal pagkaraan nito ay itinigil na nila ang paggamit ng tabako at nagsimulang makibahagi sa ministeryo. Mangyayari kaya ito kung hindi nagsikap ang ating sister na ibahagi sa iba ang kaniyang pag-asa?
4 Mga Kaeskuwela: Karaniwan na para sa mga kabataang Saksi na makaranas ng panggigipit ng mga kasama sa paaralan at mangamba na hahamakin sila ng ibang mga kabataan dahil sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Isang Kristiyanong tin-edyer sa Estados Unidos ang nagsabi: “Natatakot akong magpatotoo sa ibang kabataan sapagkat nangangamba ako na maging katatawanan.” Kaya iniwasan niya ang mga pagkakataon na makapagpatotoo sa kaniyang mga kasama sa paaralan at sa teritoryo. Paano ka magkakaroon ng lakas upang harapin nang may-tapang ang panggigipit ng mga kasama? Magtiwala kay Jehova, anupat umaasa sa kaniyang ngiti ng pagsang-ayon. (Kaw. 29:25) Magalak ka sa iyong kakayahan sa paggamit ng Salita ng Diyos sa iyong ministeryo. (2 Tim. 2:15) Ang kabataang kababanggit lamang ay nagsimulang manalangin kay Jehova, na humihiling sa kaniya na tulungan siyang linangin ang pagnanais na makipag-usap sa kaniyang mga kaeskuwela. Nagsimula siyang magpatotoo nang impormal sa paaralan, nagkaroon ng mabubuting resulta, at di-nagtagal ay nakikipag-usap na siya sa lahat ng kakilala niya. Nagtapos siya sa pagsasabing: “Ang mga kabataang iyon ay nangangailangan at nagnanais ng isang pag-asa para sa hinaharap, at ginagamit tayo ni Jehova upang tulungan sila.”
5 Mga Kapitbahay: Maaaring may mga kapitbahay tayo o iba pang kakilala na nagpapakita ng pagkainis sa atin dahil sa kung sino tayo at kung ano ang ating paniniwala. Kung pinangangambahan mo kung ano ang iniisip nila, tanungin ang iyong sarili: ‘Alam ba nila ang katotohanan na umaakay sa buhay na walang hanggan? Ano ang magagawa ko upang maabot ang kanilang puso?’ Napansin ng isang tagapangasiwa ng sirkito na nakakamit ang mabubuting resulta kapag nagpapatotoo sa mga kapitbahay nang paunti-unti ngunit madalas. Magsumamo kay Jehova ukol sa kinakailangang lakas at karunungan upang patuluyang hanapin ang tapat-pusong mga tao.—Fil. 4:13.
6 Ang pagpapadaig natin sa negatibong panggigipit ng mga kasama ay maaaring magpalugod sa mga sumasalansang, ngunit ang paggawa ba ng gayon ay sa kanilang ikabubuti—o sa atin? Si Jesus ay sinalansang ng mga tao sa kaniyang sariling komunidad. Nagbata pa nga siya sa masasakit na pananalita ng kaniyang mga kapatid sa ina. Ngunit alam niyang matutulungan niya sila tangi lamang sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa landasin na itinakda ng Diyos para sa kaniya. Kaya, si Jesus ay “nagbata ng gayong pasalungat na pananalita ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling mga kapakanan.” (Heb. 12:2, 3) Gayundin ang dapat nating gawin. Maging determinado na samantalahin nang husto ang iyong pribilehiyo na ipangaral ang mensahe ng Kaharian. Sa paggawa ng gayon, “ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”—1 Tim. 4:16.