Mga Magulang—Ikintal sa Inyong mga Anak ang Kapaki-pakinabang na mga Pag-uugali
1 Ang kapaki-pakinabang na mga pag-uugali ay hindi likas na natatamo, ni natatamo nang di-sinasadya. Bukod dito, ang pagkikintal ng mabuting mga pag-uugali sa mga anak ay nangangailangan ng panahon. Ang “ikintal” ay nangangahulugan ng “ibigay nang unti-unti” o “papasukin nang patak-patak.” Ang pagiging di-nagbabago ay hinihiling sa mga magulang upang ‘mapalaki nila [ang kanilang mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.’—Efe. 6:4.
2 Mag-umpisa Mula sa Pagkasanggol: Ang kakayahan ng musmos na mga bata na matuto at gumawa ng mga bagong bagay ay kamangha-mangha. Bagaman kadalasang nahihirapan ang mga adulto na matuto ng isang bagong wika, ang mga batang hindi pa nag-aaral ay maaaring matuto ng dalawa o tatlong wika nang sabay-sabay. Huwag ipagpalagay na ang inyong anak ay napakabata pa upang magkaroon ng mabuting mga pag-uugali. Kapag ang pagtuturo sa katotohanan ng Bibliya ay maagang pinasimulan at ipinagpapatuloy, sa sandaling ang isang bata ay nagkakaedad na, ang kaniyang isip ay mapupuno ng kaalaman na “makapagpaparunong sa [kaniya] ukol sa kaligtasan.”—2 Tim. 3:15.
3 Gawing Isang Kaugalian ang Paglilingkod sa Larangan: Ang isang kapaki-pakinabang na kaugalian na dapat ikintal sa bata sa panahong nagkakaisip na ito ay ang regular na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Pinasisimulan ito ng maraming magulang sa pamamagitan ng pagdadala sa kanilang mga anak sa ministeryo sa bahay-bahay habang ang mga anak ay mga sanggol pa. Ang regular na pakikibahagi ng mga magulang sa gawaing pagpapatotoo ay nakatutulong sa kanilang mga anak na magkaroon ng pagpapahalaga at sigasig sa ministeryo. Maipakikita ng mga magulang sa kanilang mga anak kung paano makikibahagi sa pagbibigay ng patotoo sa bawat bahagi ng paglilingkod sa larangan.
4 Ang pagiging nakatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nakatutulong din sa mga anak. Ito’y nagtuturo sa kanila ng mabuting kaugalian sa pag-aaral at kung paano magbabasa taglay ang kaunawaan. Kanilang natututuhan ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya, pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli, at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang gayong pagsasanay ay magpapasigla sa kanila na magpayunir at abutin ang mga pantanging pribilehiyo ng paglilingkod. Buong giliw na ginugunita ng maraming Bethelite at mga misyonero ang unang mga taon nila sa paaralan at itinuturing ito bilang isang paglalaan na nakatulong sa kanila upang magkaroon ng kapaki-pakinabang na pag-uugali.
5 Tayong lahat ay tulad ng luwad sa mga kamay ng Dakilang Magpapalayok, si Jehova. (Isa. 64:8) Habang sariwa ang luwad, mas madali itong hubugin. Habang tumatagal ang pagkatuyo nito, lalo itong tumitigas. Gayundin sa mga tao. Kapag sila ay bata, sila’y higit na malambot—at habang mas bata, lalong mabuti. Ang kanilang murang taon ay mga taon ng pagkakaroon ng isip, kung kailan ang paghubog ay magaganap ukol sa ikabubuti o sa ikasasama. Bilang isang nagmamahal na magulang, maagang pasimulan ang pagkikintal sa iyong mga anak ng kapaki-pakinabang na mga kaugalian sa ministeryong Kristiyano.