Maaari Ka Bang Maglingkod Kung Saan May Higit na Pangangailangan?
1 Napag-isipan mo na bang lumipat kung saan may higit na pangangailangan para sa mas maraming tagapaghayag ng Kaharian? Kung inanyayahan kang ‘tumawid . . . at tumulong,’ tutugon ka ba gaya ng ginawa ni apostol Pablo? (Gawa 16:9, 10) Sa maraming kongregasyon, may pangangailangan para sa mga pamilyang may-gulang sa espirituwal, mga payunir upang tumulong sa paggawa sa teritoryo, o kuwalipikadong matatanda at mga ministeryal na lingkod upang tumulong sa pangunguna. Handa ka bang punan ang pangangailangang ito? Paano magiging posible na magtagumpay rito?
2 Kailangan ang Pananampalataya at Pagtitiwala: Sa utos ng Diyos, iniwan ni Abram ang kaniyang sariling bayan ng Ur at naglakbay ng 1,000 kilometro patungong Haran kasama ang kaniyang asawa, pamangking lalaki, at matanda nang ama, si Tera. (Gen. 11:31, 32; Neh. 9:7) Pagkamatay ni Tera, inutusan ni Jehova si Abram, na noo’y 75 taóng gulang, na iwan ang Haran at ang kaniyang mga kamag-anak at maglakbay patungo sa isang lupain na ipakikita ng Diyos sa kaniya. Sina Abram, Sarai, at Lot ay “umalis.” (Gen. 12:1, 4, 5) Sabihin pa, hindi lumipat si Abram upang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan para sa mga ministro. Ngunit ang kaniyang paglipat ay humihiling ng isang bagay. Ano iyon?
3 Kinailangan ni Abram ang pananampalataya at pagtitiwala upang mapagsikapang ganapin ang gayong gawain. Kailangan niyang baguhin ang kaniyang pag-iisip at paraan ng pamumuhay. Kailangan niyang iwan ang katiwasayan sa piling ng kaniyang mga kamag-anak. Ngunit siya’y nagtiwala na paglalaanan ni Jehova siya at ang kaniyang sambahayan. Marami sa ngayon ang nagpamalas ng kanilang pagtitiwala kay Jehova sa katulad na paraan.
4 Paglipat sa mga Kongregasyon na Nangangailangan ng Tulong: Marami pa ring kongregasyon sa Pilipinas ang kulang sa sapat na matatanda at mga ministeryal na lingkod. Kung ikaw ay nasa isang kongregasyon na doo’y maraming may-gulang na mga kapatid na lalaki at nais mong tumulong sa ibang kongregasyon sa inyong sirkito, kung gayon ay makabubuting lumapit sa inyong tagapangasiwa ng sirkito. Kabisado niya ang buong sirkito at ang mga pangangailangan nito at maaari niyang sabihin sa iyo kung saan ka maaaring makatulong. Kadalasang nilalapitan ng mga tagapangasiwa ng sirkito ang mga kapatid na lalaki kapag nabatid nila ang isang pangangailangan at kung ikaw ay nilapitan, magboboluntaryo ka bang tumulong?
5 Panandaliang mga Atas: Nasubukan mo na bang tamasahin ang mayayamang pagpapala na nagmumula sa paggawa sa di-nakaatas na teritoryo, kahit sa maikling panahon lamang? Hindi pa natatagalan, dalawa sa ating mga tagapangasiwa ng sirkito ang nagkusa upang gamitin ang kanilang linggo ng pagpapayunir sa pagsasaayos ng mga grupo ng mga kapatid na handang magpatotoo sa nabubukod na mga teritoryo sa kani-kanilang sirkito na hindi nagawa sa loob ng maraming taon. Sulit ba ang pagsisikap?
6 Isinama ng isa sa mga tagapangasiwang ito ng sirkito ang 35 kapatid upang dalawin ang nabubukod na mga nayon sa isang bulubunduking lugar. Nagdala sila ng sariling pagkain at nanuluyan kung saan puwede sa loob ng isang linggong paglalakbay na iyon. Ang resulta? Nadalaw nila ang mga tao na hindi nakausap ng mga Saksi sa loob ng halos 30 taon. Nakapagpasakamay sila ng kabuuang 60 aklat, 186 na magasin, 50 brosyur, at 287 tract. Nakapagpasimula rin sila ng 74 na pag-aaral sa Bibliya. Ano ang nadama ng mga kapatid? Ganito ang sabi ng tagapangasiwa ng sirkito: “Ang bihirang mangyari na gawaing pangangaral na ito ay tunay na nakapagpatibay hindi lamang sa aming buklod ng pag-ibig na pangkapatid kundi gayundin sa aming pananampalataya kay Jehova.” Tatlo sa grupo ang labis na nasiyahan dito anupat napakilos sila na mag-aplay para maging regular pioneer.
7 Ang pagtanggap ng isang pansamantalang atas upang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan ay maaaring magsilbi ukol sa isa pang layunin. Yaong mga gumagawa nito ay maaaring makakuha ng kapaki-pakinabang na impormasyon na makatutulong sa kanila na ‘tuusin ang gastusin’ ng paglipat sa ibang bahagi ng bansa.—Luc. 14:28.
8 Paglipat Kung Saan May Higit na Pangangailangan: Si Jehova ay determinado na maipahayag ang mabuting balita “sa buong tinatahanang lupa” bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Yamang batid ito, handa ka bang lumipat kahit sa labas ng inyong sirkito kung saan may higit na pangangailangan?
9 Ikaw ba’y retirado? Mayroon ka bang regular na pinagkakakitaan? Kung wala, maisasaayos mo bang magkaroon ka ng sariling pagkakakitaan? Kung hindi ka makalilipat, matutulungan mo ba ang isang miyembro ng pamilya upang maglingkod sa ibang lugar?
10 Kung pagkatapos ng may pananalanging pagsasaalang-alang ay nadama mong kaya mo ang hamon ng paglipat kung saan may higit na pangangailangan, ipakipag-usap ang bagay na ito sa iyong pamilya at sa matatanda sa inyong kongregasyon. Makabubuti rin na ipakipag-usap ito sa inyong tagapangasiwa ng sirkito, yamang maaaring may alam siyang mga lugar sa malapit na nangangailangan ng tulong. Kung nais mong magtungo sa mas malalayong lugar, maaari kang sumulat ng isang liham sa Service Department ng tanggapang pansangay. Ibigay ang iyong liham sa matatanda upang mailakip nila ang kanilang mga obserbasyon at mga rekomendasyon bago ito ipadala sa Samahan.
11 Ano ang dapat mong ilakip sa iyong liham? Ang iyong edad, petsa ng bautismo, mga pananagutan sa kongregasyon, kung may-asawa, at kung mayroon kang menor-de-edad na mga anak. Mahalagang sabihin na kaya mong tustusan ang iyong sarili sa pinansiyal. Sabihin ang pangalan ng mga probinsiya kung saan gusto mong maglingkod, ayon sa iyong personal na mga pangangailangan.
12 Ipinahihintulot ba ng iyong mga kalagayan na makapaglingkod ka kung saan may higit na pangangailangan? Kung oo, sa gayo’y pansinin kung paano patuloy na ibinubuhos ni Jehova ang mayayamang pagpapala sa mga nagtitiwala sa kaniya habang kanilang ipinakikita ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili!—Awit 34:8; Mal. 3:10.