Iyon Ba ay Isang Hadlang sa Pangangaral?
1 Ang karamihan ng tao ay abala sa buhay. Ang mga Saksi ni Jehova ay kabilang sa pinakaabala—nag-aaral ng Salita ng Diyos, dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon, at nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Karagdagan pa, tayo ay abala sa pag-aasikaso ng sekular na trabaho, gawain sa bahay o gawain sa paaralan, at marami pang mga pananagutan, na lahat ay nangangailangan ng panahon. Ito ay lalo nang mahirap para sa mga ulo ng pamilya.
2 Dahil sa mahirap na mga kalagayan sa ekonomiya sa iba’t ibang lugar, ang mga ulo ng sambahayan ay maaaring kailangang magtrabaho nang maraming oras at magpunyagi upang mabuhay. Kapag ang mahihirap na sekular na trabaho ay nangangailangan ng karamihan sa kanilang panahon at lakas, kakaunting panahon na lamang ang natitira sa kanila para sa gawaing pangangaral. Yamang sila ay may obligasyong maglaan ng materyal para sa kanilang mga pamilya, maaaring madama ng ilan na puwede na silang magkaroon ng kaunti na lamang bahagi sa ministeryo. (1 Tim. 5:8) Di-maikakaila, sa ngayon ay maraming panggigipit may kaugnayan sa pagtatamo ng mga pangangailangan sa buhay. Subalit ang sekular na gawain ng isa ay hindi kailangang maging hadlang sa pangangaral ng mabuting balita. (Mar. 13:10) Kaya, dapat nating suriin ang ating aktuwal na kalagayan.
3 Yamang ang tanawin ng sanlibutan ay laging nagbabago, maaaring makahiligan ng isang ulo ng pamilya na gumugol ng labis na panahon sa pagtatrabaho, taglay ang tunguhing magparami ng kaniyang reserbang salapi para sa di-inaasahang mga krisis. (1 Cor. 7:31) Bagaman ang mas maraming sekular na trabaho ay waring nagbibigay ng ekstrang materyal na mga bagay o karagdagang mga pagkakataon para sa paglilibang at pag-aaliw, magiging mas maligaya kaya at higit na kontento ang pamilya kung sa pagsasagawa nito ay isinasakripisyo naman ang panahon para sa espirituwal na mga tunguhin at regular na pagdalo sa pulong? Tiyak na nais nating iwasan ang anumang bagay na magsasapanganib sa ating espirituwalidad. Ang pagsunod sa payo ni Jesus na ‘mag-imbak ng mga kayamanan sa langit’ at maging “mayaman sa Diyos” ay isang matalinong landasin.—Mat. 6:19-21; Luc. 12:15-21.
4 Hanapin Muna ang Kapakanan ng Kaharian: Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na unahin ang espirituwal na mga bagay kaysa sa lahat ng iba pang mga bagay. Kaniyang hinimok sila: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’” Bakit niya sinabi iyon? Siya’y nagpaliwanag: “Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.” Kung tayo ay talagang kumbinsido roon, walang hadlang na makapipigil sa atin sa pagsasagawa ng sumunod na sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang [kinakailangang materyal na] mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Titiyakin iyon ng Diyos! (Mat. 6:31-33) Tiyak na hindi ito ang panahon upang magambala ng di-kinakailangang pagkabalisa sa paghanap ng ikabubuhay o ng pagnanais na magkaroon ng maalwang kalagayan sa isang sistema ng mga bagay na malapit nang lumipas.—1 Ped. 5:7; 1 Juan 2:15-17.
5 Ang pangunahing layunin ng sekular na trabaho ay upang magkaroon ang isa ng materyal na mga pangangailangan. Subalit gaano karami ang kailangan natin? Si apostol Pablo ay sumulat: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” Sinisikap ba natin na magkaroon ng higit pa kaysa sa roon? Kung gayon, maaaring inaani natin ang mga kahihinatnan na ibinabala ni Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” (1 Tim. 6:8, 9; Mat. 6:24; Luc. 14:33) Paano natin masasabi kung tayo ay nahahadlangan na ng labis na mga pagnanasa?
6 Kung dahil sa ating sekular na mga tunguhin ay mayroon na lamang tayong kaunting bahagi sa paglilingkod sa larangan o bigong makita ang pangangailangang gumawa ng mga pagsasakripisyo para sa kapakanan ng mabuting balita, kung gayon, kailangang gumawa ng mga pagbabago sa ating mga priyoridad. (Heb. 13:15, 16) Ang isang higit na simpleng istilo ng pamumuhay ay makatutulong nang malaki sa pag-aalis ng hadlang na ito sa ating pangangaral. Ang mga kapakanan ng Kaharian ay dapat na laging maging unang priyoridad sa paggamit ng ating panahon at lakas.
7 Ang Pagpapagal na Hindi sa Walang Kabuluhan: Ang mga salita ni Pablo ay nagpapasigla sa atin na laging “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang [ating] pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Cor. 15:58) Ang pinakapangunahing “gawain ng Panginoon” ay ang pangangaral ng Kaharian at ang paggawa ng alagad. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Upang magkaroon ng lubos na bahagi hangga’t maaari, dapat tayong mag-iskedyul ng panahon bawat linggo sa paglilingkod sa larangan at magsikap na hindi magamit ang panahong iyon para sa iba pang tunguhin. (Efe. 5:15-17) Samakatuwid, ang sekular na trabaho ni ang anumang iba pang bagay ay hindi magiging hadlang sa ating ministeryo.
8 Kapag inilalaan natin ang ating sarili sa paghahatid ng mga katotohanan ng Bibliya sa iba, mararanasan natin ang nakahihigit na kaligayahan na nagmumula sa pagbibigay. (Gawa 20:35) Sa pamamagitan ng pagtataguyod sa gawaing pangangaral ng Kaharian, maaaring tayong umasa sa hinaharap taglay ang pagtitiwala, “sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang [ating] gawa at ang pag-ibig na ipinakita [natin] para sa kaniyang pangalan.”—Heb. 6:10.