Alalahanin ang Tapat na mga May-edad Na
1 Bagaman isang balo at matanda na, ang 84-na-taóng-gulang na si Ana ay “hindi kailanman lumiliban sa templo.” Ang kaniyang katapatan ay nagpakilos kay Jehova na pagkalooban siya ng isang pantanging pagpapala. (Luc. 2:36-38) Sa ngayon, maraming kapatid na lalaki at babae ang nagpapakita ng espiritu na katulad ng kay Ana sa kabila ng mahihirap na kalagayang napapaharap sa kanila. Kapag ang tapat na mga indibiduwal na ito ay kailangang makipagpunyagi sa mga problema sa kalusugan o mga limitasyon dahil sa katandaan, maaari silang masiraan ng loob kung minsan. Ating isaalang-alang ang ilang praktikal na paraan kung paano natin sila maaaring patibayin at tulungan upang mapanatili nila ang isang mahusay na espirituwal na rutin.
2 Mga Pulong at ang Ministeryo: Kapag maibiging naglalaan ng transportasyon ang iba, maraming tapat na may-edad na ang mas madaling makadadalo nang regular sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nakapagpapatibay ito sa espirituwal na paraan sa tapat at matatagal nang lingkod na ito at sa gayo’y nakikinabang din ang kongregasyon. Nagkaroon ka na ba ng bahagi sa mainam na gawaing ito?—Heb. 13:16.
3 Ang regular na pakikibahagi sa ministeryo ay nagbibigay ng kagalakan at kasiyahan sa tunay na mga Kristiyano. Subalit ito ay maaaring maging hamon para sa mga may-edad na at may-kapansanan. Posible bang maisama mo ang isa sa mga minamahal nating may-edad na bilang “kamanggagawa” sa ilang pitak ng gawaing pagpapatotoo? (Roma 16:3, 9, 21) Marahil ay maaari mo siyang anyayahang sumama sa iyo na makibahagi sa pagpapatotoo sa telepono o samahan ka sa pagdalaw-muli o sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Kung hindi na kaya ng may-edad nang kapatid na umalis ng bahay, maaari bang magtungo sa bahay niya ang estudyante sa Bibliya para doon mag-aral ng Bibliya?
4 Pag-aaral at Pagsasamahan: Sa pana-panahon, inaanyayahan ng ilan ang isang may-edad na o may-kapansanan upang dumalo sa kanilang pampamilyang pag-aaral, anupat idinaraos pa nga ang pag-aaral sa bahay niya. Dinala ng isang ina ang kaniyang dalawang batang anak sa tahanan ng isang may-edad nang kapatid na babae para sa kanilang pag-aaral sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, at napatibay ang lahat sa pagsasamahang iyon. Pinahahalagahan din ng gayong mga indibiduwal na sila’y maanyayahan sa isang salu-salo o sa ibang sosyal na okasyon. Kung ang mga may-kapansanan ay napakahina anupat hindi puwedeng dalawin nang matagal, marahil ay maaari mo silang tawagan o dalawin nang sandali upang basahan sila, manalanging kasama nila, o bahaginan sila ng isang nakapagpapatibay na karanasan.—Roma 1:11, 12.
5 Pinahahalagahan ni Jehova ang tapat na mga may-edad na. (Heb. 6:10, 11) Matutularan natin siya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ating pagpapahalaga sa kanila at sa pagtulong sa kanila na mapanatili ang isang mahusay na espirituwal na rutin.