Tanong
◼ Kailan angkop na bumuo ng isang grupo na banyaga ang wika?
Kapag ang teritoryo ng kongregasyon ay may malaki-laking populasyon ng mga taong banyaga ang wika, dapat sikaping organisahin ng matatanda ang gawaing pangangaral upang matulungan ang mga taong gumagamit ng wikang iyon. (km 7/02 p. 1) Maaaring ang komunidad na nagsasalita ng banyagang wika ay nakakalat sa mga teritoryo ng dalawa o higit pang magkakatabing kongregasyon. Sa gayong kaso, magbibigay ang (mga) tagapangasiwa ng sirkito ng kinakailangang tagubilin, sa gayo’y tinutulungan ang mga kongregasyong nasasangkot na makipagtulungan sa gawaing pangangaral. Sa pana-panahon, maaaring isaayos ang isang pahayag pangmadla o Pag-aaral sa Bantayan upang mabatid kung gaano karaming tao ang susuporta sa mga pulong na gumagamit ng banyagang wika.
Maaaring buuin ang isang grupo na banyaga ang wika kapag naabot ang sumusunod na mga kahilingan: (1) May mga mamamahayag o interesadong mga tao na higit na nakauunawa sa mabuting balita sa banyagang wika. (2) May kuwalipikadong matanda o ministeryal na lingkod na makapangunguna at makapagdaraos ng kahit man lamang isang pulong sa bawat linggo. (3) Isang lupon ng matatanda ang handang sumuporta sa grupo. Kapag naabot ang mga kahilingang ito, dapat itong ipaalam ng matatanda sa tanggapang pansangay upang ang grupo ay pormal na kilalanin at makapagbigay ng karagdagang tagubilin.
Ang karamihan ng mga grupo ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagdaraos ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat sa bawat linggo. Sa kalaunan, maaaring pahintulutan ng matatanda na magdagdag ng iba pang pulong, gaya ng Pahayag Pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan. Ang Atas Blg. 2, 3, at 4 sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay maaaring ganapin sa isang hiwalay na silid-aralan kung maaaring magsilbi bilang tagapayo ang isang kuwalipikadong matanda o ministeryal na lingkod na nakapagsasalita sa wikang iyon. Gayunman, sasama ang grupo sa sumusuportang kongregasyon para sa nakapagtuturong pahayag, mga tampok na bahagi sa pagbasa sa Bibliya, at Pulong sa Paglilingkod. Maaari ring magsaayos ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan para sa grupong iyon.
Ang lahat ng nasa grupo ay dapat maingat na gumawa sa ilalim ng pangangasiwa ng lupon ng matatanda. Dapat maglaan ang matatanda ng timbang na pangangasiwa at magkusa sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng grupo. Kapag dumadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito sa sumusuportang kongregasyon, isasaayos din niya na gumawang kasama ng grupo upang mapatibay ito sa espirituwal na paraan. Sa pamamagitan ng pagpapala ni Jehova, ang grupo na banyaga ang wika ay maaaring maging isang kongregasyon sa kalaunan.