‘Maging Handa Kayo’
1 Sa kaniyang kapansin-pansing hula hinggil sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, nagbabala si Jesus laban sa pagiging labis na abala sa pangkaraniwang mga álalahanín sa buhay. (Mat. 24:36-39; Luc. 21:34, 35) Yamang maaaring sumiklab ang malaking kapighatian anumang oras, napakahalaga na sundin natin ang payo ni Jesus: “Maging handa . . . kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mat. 24:44) Ano ang makatutulong sa atin hinggil dito?
2 Pagdaig sa mga Kabalisahan at mga Pang-abala: Ang isa sa espirituwal na mga patibong na dapat nating bantayan ay ang “mga kabalisahan sa buhay.” (Luc. 21:34) Sa ilang lupain, ang karalitaan, kawalan ng trabaho, at mataas na halaga ng bilihin ay nagpapahirap sa pagtatamo ng mga pangangailangan sa buhay. Sa ibang lupain naman, pangkaraniwan na ang pagtatamo ng materyal na mga ari-arian. Kapag nangingibabaw na sa ating isip ang pagkabahala sa materyal na mga bagay, nanganganib na mailihis ang ating pansin sa mga katunayan ng Kaharian. (Mat. 6:19-24, 31-33) Tinutulungan tayo ng Kristiyanong mga pagpupulong upang mapanatili nating nakapako ang ating pansin sa bagay na iyan. Ginagawa mo bang tunguhin na madaluhan ang bawat pagpupulong?—Heb. 10:24, 25.
3 Ang daigdig sa ngayon ay punung-puno ng mga pang-abala na madaling makaagaw sa ating mahalagang panahon. Ang paggamit ng computer ay maaaring maging silo kung gumugugol ang isa ng labis-labis na panahon sa pagtingin-tingin sa Internet, pagbabasa at pagpapadala ng E-mail, o paglalaro sa computer. Maaaring masayang ang napakaraming oras sa telebisyon, pelikula, libangan, pagbabasa ng sekular na materyal, at isport, anupat kakaunti na lamang ang ating panahon o lakas para sa espirituwal na mga gawain. Bagaman ang paglilibang at pagrerelaks ay makapagbibigay ng pansamantalang kaginhawahan, ang personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya ay nagdudulot ng walang-hanggang mga kapakinabangan. (1 Tim. 4:7, 8) Binibili mo ba ang panahon para mabulay-bulay ang Salita ng Diyos araw-araw?—Efe. 5:15-17.
4 Laking pasasalamat natin na ang organisasyon ni Jehova ay nagsaayos ng programa ng espirituwal na pagtuturo upang tulungan tayong “magtagumpay . . . sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na . . . nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao”! (Luc. 21:36) Nawa’y lubusan nating samantalahin ang mga paglalaang ito at ‘maging handa tayo’ upang ang ating pananampalataya ay maging “dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.”—1 Ped. 1:7.