Tanong
◼ Dapat bang iulat sa kongregasyon ang isang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya?
Kung ang isang magulang na Kristiyano ay nagdaraos ng pampamilyang pag-aaral sa Bibliya at may kasama ritong di-bautisadong mga anak, ang pinakamalaking maaaring iulat ng isang magulang ay isang oras bawat linggo, isang pagdalaw-muli bawat linggo, at isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya bawat buwan. Ito ang dapat gawin kahit na ang pag-aaral ay lumampas sa isang oras, idinaraos nang mahigit sa isang beses bawat linggo, o idinaraos sa bawat isa sa mga anak.—Tingnan ang aklat na Ating Ministeryo, p. 104.
Kung ang lahat sa sambahayan ay bautisadong mga Saksi, kung gayon ay hindi iuulat bilang paglilingkod sa larangan ang oras ni ang pag-aaral mismo (maliban kung ang isang anak ay nag-aaral pa sa ikalawang aklat pagkatapos ng bautismo). Ito’y dahil sa ang pangunahing ipinakikita ng ulat ng kongregasyon sa paglilingkod sa larangan ay ang naisasakatuparan sa pangangaral ng mabuting balita at pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya sa mga taong hindi nakaalay at bautisadong mga lingkod ni Jehova. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Subalit hindi naman ito nakababawas sa kahalagahan ng regular na pagdaraos ng gayong pag-aaral.
Pananagutan ng mga magulang na Kristiyano na mag-aral kasama ng kanilang mga anak. Yaong mga nangangailangan ng tulong sa pagtatatag o sa pagpapasulong ng kanilang pampamilyang pag-aaral ay maaaring magpatulong sa matatanda. Kung dahil sa mga kalagayan ay mas mabuti na ibang mamamahayag ang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang di-bautisadong anak na lalaki o babae ng isang pamilyang Kristiyano na kaugnay sa kongregasyon, dapat sumangguni sa punong tagapangasiwa o sa tagapangasiwa sa paglilingkod. Kung inaprobahan ang gayong pag-aaral, maaari itong iulat ng nagdaraos nito gaya ng ginagawa niyang pag-uulat sa iba pang pag-aaral sa Bibliya.
Ang pagsasanay sa mga anak sa mga daan ni Jehova ay nagsasangkot ng mas marami pang panahon at pagsisikap kaysa sa nakikita sa ulat ng paglilingkod sa larangan. (Deut. 6:6-9; Kaw. 22:6) Ang mga magulang na Kristiyano ay dapat bigyan ng komendasyon dahil sa pagbalikat sa kanilang mabigat na pananagutang palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efe. 6:4.