Regular na Pagdalo sa Pulong—Isang Priyoridad
1 Binibigyang-priyoridad ng mga pamilyang Kristiyano ang regular na pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. Subalit nagiging hamon ito dahil sa dami ng pang-araw-araw na mga gawain. Ang mga gawaing-bahay ba, sekular na trabaho, o gawain sa paaralan ay umuubos ng panahong inilaan mo para sa pagsamba kay Jehova? Matutulungan tayong panatilihin ang ating mga priyoridad kung isasaalang-alang natin ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ni Jehova.—1 Sam. 24:6; 26:11.
2 Sa pangunguha ng kahoy sa araw ng Sabbath, kusang ipinagwalang-bahala ng isang lalaking Israelita ang pangmalas ni Jehova. Maaaring ikinatuwiran niya na ginagawa lamang niya ito para sa kaniyang pamilya o na maliit na bagay lamang ito. Gayunman, sa pamamagitan ng hatol na inilapat, ipinakita ni Jehova na ang pagtataguyod ng pangkaraniwang mga gawain sa panahong nakatalaga para sa pagsamba ay isang maselang bagay.—Bil. 15:32-36.
3 Pagharap sa Hamon: Para sa marami, malaking pagsisikap ang kailangan upang hindi mahadlangan ng sekular na trabaho ang pagdalo sa mga pulong. Hinarap ng ilan ang hamong ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanilang amo, pakikipagpalit ng iskedyul sa mga katrabaho, paghahanap ng mas angkop na trabaho, o pagpapasimple ng kanilang istilo ng pamumuhay. Tiyak na lubhang nalulugod ang Diyos sa gayong mga sakripisyo alang-alang sa tunay na pagsamba.—Heb. 13:16.
4 Maaari ring maging hamon ang mga takdang-aralin. “Ginagawa ko na ang aking mga takdang-aralin bago pa ang mga pulong at ang mga hindi ko natapos ay ginagawa ko pag-uwi sa bahay,” ang sabi ng isang kabataan. Kapag hindi natapos ang lahat ng araling-bahay sa gabi na may mga pulong, ipinaliliwanag ng ilang magulang sa mga guro na priyoridad ng kanilang pamilya ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.
5 Pagtutulungan at maingat na pagpaplano ang mga susi upang matapos ang mga gawaing-bahay bilang paghahanda sa pagdalo ng pamilya sa mga pulong nang nasa oras. (Kaw. 20:18) Maging ang maliliit na bata ay maaaring turuan na magbihis at maghanda sa pagpunta sa pulong sa itinakdang oras. Sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, maikikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng mga pulong.—Kaw. 20:7.
6 Habang tumitindi ang mga panggigipit ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, mahalaga na regular nating daluhan ang ating mga pulong. Patuloy nawa nating malasin ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ni Jehova at gawing priyoridad ang regular na pagdalo sa mga pulong.—Heb. 10:24, 25.