Pagsalakay ng mga Mangangabayo na Nagsasangkot sa Iyo
1, 2. Paano nasasangkot ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon sa katuparan ng makahulang pangitain na nakaulat sa Apocalipsis 9:13-19?
1 “Hinipan ng ikaanim na anghel ang kaniyang trumpeta.” Pagkatapos niyan, ang “mga hukbong mangangabayo” na may bilang na “dalawang laksa ng mga laksa” ay dumaluhong. Hindi ito isang karaniwang hukbong militar. “Ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon.” Lumalabas sa kanilang bibig ang apoy, usok, at asupre, at ang kanilang “mga buntot ay tulad ng mga serpiyente.” Ang makasagisag na pagsalakay na ito ng mga mangangabayo ay nagdulot ng pagkawasak. (Apoc. 9:13-19) Alam mo ba kung paano ka nasasangkot sa katuparan ng nakatatawag-pansin na makahulang pangitain na ito?
2 Nagkakaisa ang pinahirang nalabi at ang kanilang mga kasamahan, ang ibang mga tupa, sa pagpapahayag ng mga kahatulan ng Diyos. Naging dahilan ito ng lubusang pagkakahantad ng patay na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan sa espirituwal na paraan. Suriin natin ang dalawang bahagi ng makahulang pangitain na ito na nagtatampok kung bakit napakabisa ng ministeryo ng mga lingkod ng Diyos.
3. Anong pagsasanay ang tinatanggap mo upang mabisang maipahayag ang mensahe ng Diyos?
3 Sinanay at Sinangkapan Upang Ipahayag ang Mensahe ng Diyos: Sa pamamagitan ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ng iba pang mga pulong sa kongregasyon, ang mga ministro ng Diyos ay sinasanay na ipahayag ang mensahe ng Diyos nang may awtoridad. Bilang pagtulad kay Jesus at sa kaniyang mga alagad, humahayo sila upang hanapin ang mga karapat-dapat, anupat nangangaral saanman masusumpungan ang mga tao. (Mat. 10:11; Mar. 1:16; Luc. 4:15; Gawa 20:18-20) Napakabisa nga ng salig-sa-Bibliya na pamamaraang ito sa pangangaral!
4. Anong mga kasangkapan ang makukuha ng maraming mamamahayag na makatutulong sa kanila upang maisakatuparan ang kanilang gawain?
4 Bilyun-bilyong Bibliya, aklat, brosyur, at magasin ang naipamahagi na ng mga ministrong Kristiyano sa pagsasakatuparan sa atas ng Diyos na mangaral. Ang mga publikasyong ito ay inilalaan sa halos 400 wika, na tumatalakay sa maraming iba’t ibang paksa at gumagamit ng mga pamamaraang nakaaakit sa iba’t ibang uri ng tao. Mabisa mo bang ginagamit ang mga instrumentong ito?
5, 6. Ano ang nagpapakita na may makalangit na suporta ang bayan ni Jehova?
5 Makalangit na Patnubay at Suporta: Nililinaw rin ng makahulang pangitain na ang gawaing kinakatawanan ng makasagisag na pagsalakay ng mga mangangabayo ay sinusuportahan ng Diyos. (Apoc. 9:13-15) Ang pangglobong gawaing pangangaral ay naisasakatuparan, hindi sa pamamagitan ng karunungan o kapangyarihan ng tao, kundi sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos. (Zac. 4:6) Ginagamit ni Jehova ang mga anghel upang pangasiwaan ang gawaing ito. (Apoc. 14:6) Kaya naman, bukod sa mga pagsisikap ng kaniyang mga Saksing tao, naglalaan si Jehova ng makalangit na suporta upang ilapit sa kaniya ang mga maaamo.—Juan 6:45, 65.
6 Palibhasa’y sinanay, sinangkapang mabuti upang ipahayag ang mensahe ng Diyos, at gumagawa sa ilalim ng patnubay ng mga anghel, ang bayan ni Jehova ay hindi mapipigilan. Patuloy nating gampanan ang ating papel sa katuparan ng kapana-panabik na makahulang pangitain na ito.