Ginagantimpalaan ang Pagbabata
1 “Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa.” (Luc. 21:19) Nililiwanag ng pananalitang iyon, na bahagi ng hula ni Jesus hinggil sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na sa pag-iingat ng ating katapatan, kailangang handa tayong humarap sa maraming pagsubok. Subalit sa pamamagitan ng lakas ni Jehova, ang bawat isa sa atin ay ‘makapagbabata hanggang sa wakas’ at “maliligtas.”—Mat. 24:3, 13; Fil. 4:13.
2 Ang bawat araw ay maaaring maging pagsubok dahil sa pag-uusig, sakit, pinansiyal na problema, at emosyonal na kabagabagan. Gayunman, hindi natin dapat kalimutan na sinisikap ni Satanas na sirain ang ating katapatan kay Jehova. Sa bawat araw na nakapananatili tayong tapat sa ating Ama, nakatutulong tayo sa pagsagot sa hamon ng Manunuya. Nakagagalak ngang malaman na ang ating “mga luha” sa harap ng pagsubok ay hindi kinalilimutan! Mahalaga ang mga ito kay Jehova, at ang ating katapatan ay nagpapasaya sa kaniyang puso!—Awit 56:8; Kaw. 27:11.
3 Dinalisay ng mga Pagsubok: Maaaring isiwalat ng kapighatian ang mahinang pananampalataya o kapintasan sa personalidad, gaya ng pagmamapuri o kawalang-pagtitiis. Sa halip na sikaping takasan o wakasan ang mga pagsubok sa pamamagitan ng di-makakasulatang paraan, dapat nating pakinggan ang payo ng Salita ng Diyos na “hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito.” Bakit? Sapagkat makatutulong sa atin ang may-katapatang pagbabata sa mga pagsubok na maging “ganap at malusog sa lahat ng bagay.” (Sant. 1:2-4) Matutulungan tayo ng pagbabata na malinang ang mahahalagang katangian, gaya ng pagkamakatuwiran, empatiya, at awa.—Roma 12:15.
4 Subok na Katangian ng Pananampalataya: Kapag nagbabata tayo ng mga pagsubok, natatamo natin ang subok na katangian ng pananampalataya na may malaking halaga sa paningin ng Diyos. (1 Ped. 1:6, 7) Inihahanda tayo ng gayong pananampalataya na manatiling matatag sa panahon ng mga pagsubok sa hinaharap. Karagdagan pa, madarama natin ang pagsang-ayon ng Diyos, at pinatitibay nito ang ating pag-asa, anupat higit itong nagiging tunay sa atin.—Roma 5:3-5.
5 Ang pinakamainam na gantimpala sa pagbabata ay itinatampok sa Santiago 1:12, na nagsasabi: “Maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat kapag sinang-ayunan siya ay tatanggapin niya ang korona ng buhay.” Kaya nga, manatili tayong matatag sa ating debosyon kay Jehova, anupat nagtitiwala na sagana niyang gagantimpalaan ang “mga patuloy na umiibig sa kaniya.”