Ministerial Training School—Isang Malaking Pinto na Umaakay sa Gawain
1 Sa pamamagitan ng propetang si Jeremias, inihula ni Jehova: “Magbabangon ako sa [aking bayan] ng mga pastol na talagang magpapastol sa kanila; at hindi na sila matatakot, ni mangingilabot man sila, at walang sinumang mawawala.” (Jer. 23:4) Isinasagawa sa ngayon ang gawaing pagpapastol na ito sa mga tao ng lahat ng bansa. Ginagampanan ito ng sampu-sampung libong elder sa kongregasyon. Karagdagan pa, isang pulutong ng mga kabataang lalaki na kasindami ng mga patak ng hamog ang kusang naghahandog ng kanilang sarili sa paglilingkod kay Jehova. (Awit 110:3) Napakalaking pagpapala nga sa mga kongregasyon ng bayan ng Diyos ang mapagpakumbabang mga kapatid na ito! Habang nagpapatuloy ang espirituwal na pagtitipon ng ani, may pangangailangan pa rin para sa kuwalipikadong mga lalaki na ilaan ang kanilang sarili para paglingkuran ang kanilang mga kapatid.
2 Ang Ministerial Training School ay isang mainam na paglalaan upang sanayin ang walang-asawang mga elder at ministeryal na lingkod para sa karagdagang mga pananagutan. Mahigit na 22,000 estudyante mula sa mga 140 bansa ang nakatanggap na ng pagsasanay na ito sa 999 na klaseng naidaos na mula nang magsimula ang paaralan noong 1987. Mula noong 1994, 40 klase na ang naidaos sa Pilipinas, at 1,037 estudyante na ang nakapagtapos. Bagaman pansamantalang inihinto ang mga klase upang bigyang-daan ang Traveling Overseers School, may isinasagawa nang mga plano upang ipagpatuloy ang mga klase sa Pilipinas sa Enero 2006. Para sa mga nagsipagtapos na, ang paaralan ay talaga ngang naging “isang malaking pinto na umaakay sa gawain.”—1 Cor. 16:9.
3 Ang Layunin ng Paaralan: Layunin ng Ministerial Training School na sanayin at ihanda ang kuwalipikadong mga lalaki sa paghawak ng mga pananagutan saanman may pangangailangan sa organisasyon. Pinasusulong ng paaralan ang kanilang mga kakayahan sa pangunguna sa pag-eebanghelyo, pakikibahagi sa pagpapastol sa kawan, at pagtuturo sa kongregasyon. Pagkatapos ng gradwasyon, ang ilang estudyante ay sinasanay bilang mga tagapangasiwa ng sirkito sa Pilipinas, samantalang ang iba naman ay inaatasan bilang mga misyonero sa ibang bansa. Ang iba ay inaatasang maglingkod sa kanilang sariling kongregasyon o sa mga lugar sa teritoryo ng sangay na may mas malaking pangangailangan.
4 Sa loob ng walong-linggong kurso, ang mga estudyante ay nagsasagawa ng puspusang pag-aaral sa Bibliya. Masusi nilang tinatalakay ang napakaraming turo sa Bibliya gayundin ang mga pananagutan ng mga pastol at ang mga panuntunan sa pag-aasikaso sa mga suliranin hinggil sa Kristiyanong pamumuhay. Pinag-aaralan din nila kung ano ang itinuturo ng Kasulatan hinggil sa administratibo, hudisyal, at pang-organisasyong mga bagay. Tumatanggap sila ng pantanging pagsasanay sa pagpapahayag sa madla at personal na tinutulungan upang pabilisin ang kanilang espirituwal na pagsulong.
5 Mga Kahilingan: Mangyari pa, mataas ang mga kahilingan upang makapasok sa paaralan. Ang mga aplikante ay kailangang naglilingkod na bilang elder o ministeryal na lingkod nang di-kukulangin sa dalawang magkasunod na taon. Ang lahat ay dapat na walang asawa at nasa pagitan ng edad na 23 hanggang 50. Sa Pilipinas, ang mga aplikante ay dapat na marunong bumasa, sumulat, at magsalita ng Ingles, at kailangang malusog sila, anupat hindi nangangailangan ng pantanging pangangalaga o pagkain. Binibigyang-priyoridad ang mga naglilingkod bilang regular pioneer.
6 Ang mga nagboboluntaryo ay kailangang handa at may kakayahang maglingkod saanman sila kailanganin. Kailangan dito ang saloobing tulad ng kay propeta Isaias, na buong-pananabik na ibinigay ang kaniyang sarili upang gawin ang isang pantanging gawain, na sinasabi: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Nagpakita rin siya ng kapakumbabaan sa buong buhay niya. Ang mga nagnanais mag-aral sa Ministerial Training School ay dapat nauudyukan ng pag-ibig sa kanilang mga kapatid at ng pagnanais na maglingkod sa kanila, at hindi ng pagnanais na maging prominente o maging sikat. Pagkatapos tumanggap ng gayong mainam na pagsasanay, inaasahang ikakapit ng mga nagsipagtapos ang kanilang natutuhan para sa kapakinabangan ng iba.—Luc. 12:48.
7 Mga Kapakinabangan: Sa loob ng walong-linggong puspusang pag-aaral, ang mga nagsipagtapos ay ‘natustusan ng mga salita ng pananampalataya at ng mainam na turo.’ (1 Tim. 4:6) Sinasangkapan sila nito upang matulungan at mapatibay-loob ang iba na nasa mga kongregasyon o sirkito na iniatas sa kanila. Sa maraming lugar na pinag-atasan sa mga nagsipagtapos sa Ministerial Training School, sumusulong ang gawain sa larangan; napasisigla ang paglilingkuran bilang payunir, lalo na sa mga kabataan; at nabibigyan ng higit na personal na atensiyon ang maraming baguhan na nakikisama sa bayan ng Diyos.
8 Isa ka bang elder o ministeryal na lingkod na walang asawa at nasa pagitan ng edad na 23 hanggang 50? Bakit hindi pag-isipan ang pagpapatala sa Ministerial Training School sa inyong susunod na pansirkitong asamblea? Isa ka bang kabataang lalaki na nagpaplano hinggil sa iyong panghinaharap na mga tunguhin sa paglilingkod kay Jehova? Bakit hindi panatilihing simple at malaya sa mga pang-abala ang iyong buhay upang makapasok ka sa ‘malaking pintong ito na umaakay sa gawain’? Makapagdudulot ito sa iyo ng masidhing kagalakan at kasiyahan. Ang Ministerial Training School ay talagang isang pagpapala hindi lamang sa mga nagsisipagtapos sa paaralan kundi sa mga kongregasyon ng bayan ng Diyos sa buong daigdig.
[Kahon sa pahina 3]
Kung Paano Sila Nakinabang sa Pagsasanay
“Talagang pinasulong ng pagsasanay ang aking ministeryo at ang kakayahan kong magpastol nang may karunungan gamit ang Kasulatan.”
“Binigyan ako ng paaralan ng higit na kumpiyansa sa pag-aasikaso sa iba’t ibang pananagutan ko sa kongregasyon.”
“Binago nito ang halos lahat ng pitak ng aking buhay, pati na ang nadarama ko hinggil sa teokrasya at sa organisasyon ng Diyos.”
“Ipinaunawa sa akin ng tinanggap kong pagsasanay na kailangan kong ilaan ang aking sarili upang maglingkod kung saan may pangangailangan.”