Iskedyul ng Pamilya—Mga Pulong ng Kongregasyon
1 Kung isa kang Kristiyanong magulang, nais mong lumaki ang inyong mga anak na umiibig at naglilingkod kay Jehova at, sa dakong huli, ay magtamo ng buhay na walang hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos. Paano mo sila matutulungang unahin sa kanilang buhay ang pagsamba kay Jehova? Ang isang mahalagang paraan ay sa pamamagitan ng iyong halimbawa. (Kaw. 20:7) Nang alalahanin niya ang halimbawa ng kaniyang nananampalatayang ina, ganito ang sinabi ng isang sister: “Hindi kami kailanman nag-alinlangan kung dadalo ba kami sa pulong o hindi.” Nagkaroon ito ng namamalaging impresyon sa kaniya.
2 Nauunawaan ba ng iyong pamilya ang layunin ng mga pulong ng kongregasyon? Napalalakas tayo ng mga pagtuturong tinatanggap natin sa mga pagtitipong ito upang patuloy na gawin ang kalooban ng Diyos, at ang pakikipagsamahan natin sa ating mga kapatid ay napakahalagang pinagmumulan ng pampatibay-loob. (Isa. 54:13; Roma 1:11, 12) Gayunman, ang pangunahing layunin ng gayong mga pulong ay upang purihin si Jehova “sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan.” (Awit 26:12) Ang Kristiyanong mga pulong ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataong ipakita ang ating pag-ibig kay Jehova at sambahin siya.
3 “Manatili Kayong Mahigpit na Nagbabantay”: Ang pagpapahalaga sa sagradong layunin ng ating mga pulong ay magpapakilos sa atin na ‘manatiling mahigpit na nagbabantay’ upang hindi natin unti-unting makaugalian ang pagliban sa mga pulong dahil sa pag-aasikaso ng mga bagay na hindi naman gaanong mahalaga. (Efe. 5:15, 16; Heb. 10:24, 25) Kapag ginagawa mo ang iskedyul ng iyong pamilya, makapagsisimula ka sa pamamagitan ng pagtatala sa mga oras ng mga pulong ng kongregasyon. Pagkatapos ay siguraduhin mong hindi ito mahahadlangan ng iba pang mga gawain. Tiyaking ang pagdalo sa pulong ay priyoridad ng iyong pamilya.
4 Hindi ba tayo naaantig kapag nababasa natin na dinaraig ng ating mga kapatid ang mga balakid upang makadalo sa mga pulong at asamblea? Bagaman hindi naman katangi-tangi ang iyong mga kalagayan, malamang na napapaharap ka rin sa mga hamon. Lalong pinahihirapan ni Satanas ang bayan ng Diyos sa kanilang pagsamba kay Jehova. Gayunman, makatitiyak ka na mapapansin ng inyong mga anak ang determinadong mga pagsisikap ng iyong pamilya na dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Sa katunayan, sa paggawa nito, maibabahagi mo sa kanila ang isang espirituwal na kaloob na hindi kailanman malilimutan.