Tinutulungan Tayo ng Pangangaral na Magbata
1 Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na “takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.” (Heb. 12:1) Kung paanong nangangailangan ng pagbabata ang isang mananakbo upang maging matagumpay sa paligsahan, kailangan natin ang pagbabata upang matamo ang gantimpalang buhay na walang hanggan. (Heb. 10:36) Paano tayo matutulungan ng ministeryong Kristiyano na magbata nang may katapatan hanggang sa wakas?—Mat. 24:13.
2 Pinalalakas sa Espirituwal: Ang ating paghahayag sa kamangha-manghang pangako ng Bibliya na isang matuwid na bagong sanlibutan ay nakatutulong upang manatiling malinaw ang atin mismong pag-asa. (1 Tes. 5:8) Kapag regular tayong nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, may pagkakataon tayong ipaalam ang mga katotohanan na ating natutuhan mula sa Bibliya. May pagkakataon tayong ipagtanggol ang ating pananampalataya, na siya namang tumutulong sa atin na maging malakas sa espirituwal.
3 Upang maging mabisa sa pagtuturo sa iba, kailangan natin mismong maunawaan nang malinaw ang mga katotohanan sa Bibliya. Kailangan nating magsaliksik at magbulay-bulay hinggil sa bagay na iyon. Ang taimtim na pagsisikap na ginagawa natin ay nagpapalalim sa ating kaalaman, nagpapatibay sa ating pananampalataya, at nagpapasigla sa atin sa espirituwal. (Kaw. 2:3-5) Kaya naman, habang sinisikap nating tulungan ang iba, pinatitibay natin ang ating sarili.—1 Tim. 4:15, 16.
4 Ang masigasig na pakikibahagi sa ministeryo ay isang mahalagang bahagi ng “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos,” na kailangan natin upang makatayo tayong matatag laban sa Diyablo at sa mga demonyo. (Efe. 6:10-13, 15) Ang ating pagiging abala sa sagradong paglilingkod ay tumutulong upang mapanatili nating nakatuon ang ating isipan sa nakapagpapatibay na mga bagay at upang maiwasan nating mapasamâ dahil sa sanlibutan ni Satanas. (Col. 3:2) Habang tinuturuan natin ang iba hinggil sa mga daan ni Jehova, patuloy tayong napaaalalahanan sa pangangailangan natin mismo na panatilihin ang banal na paggawi.—1 Ped. 2:12.
5 Binigyang-Kapangyarihan ng Diyos: Panghuli, ang ating pakikibahagi sa pag-eebanghelyo ay nagtuturo sa atin na manalig kay Jehova. (2 Cor. 4:1, 7) Kaylaki ngang pagpapala niyan! Ang paglinang natin ng gayong pagtitiwala ay nagsasangkap sa atin hindi lamang upang maisakatuparan ang ating ministeryo kundi upang mabata rin natin ang anumang mga kalagayan na maaaring mapaharap sa ating buhay. (Fil. 4:11-13) Tunay nga, ang pagkatutong umasa nang lubusan kay Jehova ang susi sa pagbabata. (Awit 55:22) Sa maraming paraan, ang pangangaral ay tumutulong sa atin na magbata.