Tulungan ang Iba na Maging ‘Masunurin Mula sa Puso’
1. Ano ang hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga mananamba?
1 Napakahalaga ng pagkamasunurin upang maging kanais-nais ang ating pagsamba kay Jehova. (Deut. 12:28; 1 Ped. 1:14-16) Hindi na magtatagal, ang kahatulan ng Diyos ay darating sa “mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita.” (2 Tes. 1:8) Paano natin matutulungan ang iba na maging ‘masunurin mula sa puso’ sa mga turo ng Salita ng Diyos?—Roma 6:17.
2. Bakit mahalagang tulungan ang iba na linangin ang matibay na pananampalataya?
2 Sa Pamamagitan ng Paglinang ng Pananampalataya at Pag-ibig: Sa Kasulatan, ang pagkamasunurin ay may malapit na kaugnayan sa pananampalataya. Binanggit ni apostol Pablo ang tungkol sa “utos ng walang-hanggang Diyos upang itaguyod ang pagkamasunurin sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Roma 16:26) Binabanggit ng Hebreo kabanata 11 ang maraming halimbawa ng pananampalataya, marami rito ang may kaugnayan sa pagkilos na kasuwato ng ipinahayag na kalooban ni Jehova. (Heb. 11:7, 8, 17) Sa kabilang dako naman, ang pagsuway ay nauugnay sa kawalan ng pananampalataya. (Juan 3:36; Heb. 3:18, 19) Kailangan tayong maging sanáy sa paggamit ng Salita ng Diyos upang matulungan ang iba na magkaroon ng uri ng pananampalataya na nagbubunga ng pagkamasunurin.—2 Tim. 2:15; Sant. 2:14, 17.
3. (a) Paano nauugnay ang pagkamasunurin sa pag-ibig? (b) Paano natin matutulungan ang mga estudyante sa Bibliya na linangin ang pag-ibig kay Jehova?
3 Ang pagkamasunurin ay nauugnay rin sa pag-ibig sa Diyos. (Deut. 5:10; 11:1, 22; 30:16) “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” ang sabi sa 1 Juan 5:3, “na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” Paano natin matutulungan ang mga estudyante sa Bibliya na linangin ang pag-ibig kay Jehova? Sa panahon ng pag-aaral, humanap ng mga pagkakataon na pasidhiin ang kanilang pagpapahalaga sa mga katangian ni Jehova. Ipahayag ang iyo mismong masidhing pagpapahalaga sa Diyos. Tulungan ang estudyante na mag-isip tungkol sa paglinang ng personal na kaugnayan kay Jehova. Higit sa lahat, ang pag-ibig kay Jehova ay mag-uudyok sa iba—gayundin sa atin—na sumunod sa Kaniya mula sa puso.—Mat. 22:37.
4. (a) Bakit mahalaga ang ating halimbawa? (b) Ano ang dapat nating gawin upang malinang ang “isang masunuring puso”?
4 Sa Pamamagitan ng Ating Halimbawa: Ang isang mabisang paraan na mapasisigla natin ang iba na sumunod sa mabuting balita ay sa pamamagitan ng ating halimbawa. Gayunman, dapat tayong patuloy na magsikap na linangin ang “isang masunuring puso.” (1 Hari 3:9; Kaw. 4:23) Ano ang nasasangkot dito? Pakanin ang iyong puso ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa pagpupulong. (Awit 1:1, 2; Heb. 10:24, 25) Makisama sa mga taong ang puso ay nagkakaisa sa tunay na pagsamba. (Kaw. 13:20) Regular na makibahagi sa ministeryo sa larangan, taglay ang taimtim na hangaring tulungan ang mga tao sa inyong teritoryo. Humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin upang patnubayan ka na magkaroon ng mabuting puso. (Awit 86:11) Iwasan ang mga bagay na maaaring magpasamâ sa iyong puso, gaya ng imoral o marahas na libangan. Itaguyod ang mga bagay na magpapalapít sa iyo sa Diyos at magpapatibay ng iyong kaugnayan sa kaniya.—Sant. 4:7, 8.
5. Paano pinagpapala ang mga masunurin?
5 Tiniyak ni Jehova sa kaniyang sinaunang bayan na aabot sa kanila ang mga pagpapala kung makikinig sila sa kaniyang tinig. (Deut. 28:1, 2) Gayundin sa ngayon, saganang pinagpapala ni Jehova ang “mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala.” (Gawa 5:32) Kaya, harinawang matulungan natin ang iba na maging masunurin mula sa puso sa pamamagitan ng ating pagtuturo at halimbawa.