Kung Ano ang Naisasakatuparan ng Ating Ministeryo
1. Ano ang pangmalas ni Jehova sa ating ministeryo, at paano tumutugon ang mga tao?
1 Inilalarawan sa Salita ng Diyos ang mga Kristiyano na matagumpay na nagmamartsa sa paglilingkod kay Jehova, gaya ng prusisyon ng isang nagtagumpay na hukbo. (2 Cor. 2:14-16) Habang ipinaaalam natin ang kaalaman ng Diyos, ang ating mga handog na paglilingkod ay gaya ng kalugud-lugod na insenso para kay Jehova. Naaakit ang ilang tao sa samyo ng mabuting balita; ang ilan naman ay lumalayo rito. Ngunit ang negatibong pagtugon ng karamihan ay hindi nangangahulugan na bigo ang ating gawain. Isaalang-alang kung ano ang naisasakatuparan ng ating ministeryo.
2. Ano ang naipakikita natin sa pamamagitan ng ating ministeryo?
2 Nadadakila si Jehova: Iginigiit ni Satanas na naglilingkod ang mga tao kay Jehova dahil sa makasariling mga dahilan. (Job 1:9-11) Ang ministeryong Kristiyano ay naglalaan sa atin ng pagkakataon upang ipakita na tunay ang ating debosyon sa Diyos. Maraming mamamahayag ang patuloy na sumusunod sa utos na mangaral at gumawa ng mga alagad sa kabila ng mahihirap na personal na kalagayan o pagwawalang-bahala ng mga tao sa pangkalahatan. Ang gayong matapat na pagbabata ay nagpapasaya sa puso ni Jehova!—Kaw. 27:11.
3. Bakit napakahalaga na patuloy nating ipaalam ang pangalan at layunin ng Diyos?
3 Bukod diyan, may papel din ang ating ministeryo sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. May kaugnayan sa dumarating na pagkapuksa ng sanlibutan ni Satanas, sinabi ni Jehova: “Makikilala nga ng mga bansa na ako ay si Jehova.” (Ezek. 39:7) Upang malaman ito ng mga bansa, napakahalaga na magpatuloy ang mga lingkod ng Diyos sa paghahayag ng kaniyang pangalan at layunin “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.”—Apoc. 14:6, 7.
4. Paano nagiging saligan ng paghatol ang gawaing pangangaral?
4 Nagsisilbing Saligan sa Paghatol: Ang pangangaral ng mabuting balita ay nagsisilbi ring saligan para sa paghatol. Binanggit ni apostol Pablo na maghihiganti si Kristo Jesus “sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tes. 1:8, 9) Hahatulan ang mga tao salig sa kanilang pagtugon sa mabuting balita. Kaylaki ngang pananagutan ito para sa mga lingkod ng Diyos! Upang huwag magkasala sa dugo, hindi tayo dapat mag-atubili na ipaalam ang nagliligtas-buhay na mensahe ng Kaharian.—Gawa 20:26, 27.
5. Paano nakikita sa ating ministeryo ang awa ng Diyos?
5 Ang ating patuloy na pagsisikap na tulungan ang ating kapuwa na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay kapahayagan ng awa ni Jehova. (1 Tim. 2:3, 4) Sa pagkaalam na laging nagbabago ang buhay ng mga tao, paulit-ulit natin silang pinupuntahan at hinihimok na hanapin si Jehova habang may panahon pa. Sa paggawa nito, ipinakikita natin ang “magiliw na pagkamahabagin ng ating Diyos,” na ‘hindi nagnanais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.’—Luc. 1:78; 2 Ped. 3:9.
6. Paano tayo nakikinabang sa pananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova?
6 Sa Kapakinabangan Natin: Ang pananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova ay proteksiyon sa atin. Tinutulungan tayo nito na ‘ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova’ at umiwas sa karumihan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. (2 Ped. 3:11-14; Tito 2:11, 12) Kung gayon, tayo nawa’y maging ‘matatag, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon,’ sa pagkabatid na ang ating mga pagsisikap sa ministeryong Kristiyano ay hindi sa walang kabuluhan.—1 Cor. 15:58.