Tulungan ang Iba na Makinabang sa Pantubos
Ipagdiriwang sa Abril 12 ang Memoryal ng Kamatayan ni Kristo
1. Ano ang isang paraan na ipinahahayag ng bayan ng Diyos ang kanilang pagpapahalaga sa pantubos?
1 “Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang di-mailarawang kaloob na walang bayad.” (2 Cor. 9:15) Ang mga pananalitang iyan ay angkop na nagpapahayag ng ating nadarama sa kabutihan at maibiging-kabaitan na ipinakikita ng Diyos sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Maipakikita natin ang gayong pagpapahalaga lalo na kapag nagtipon tayo sa Abril 12 para ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
2. Sino pa ang kasama ng mga lingkod ni Jehova sa pagdiriwang ng Memoryal, at ano ang kailangan nilang gawin upang makinabang sa pantubos?
2 Kasama ng mga lingkod ni Jehova, mga sampung milyong iba pa ang dumadalo sa pagdiriwang ng Memoryal bawat taon. Sa paggawa nito, ipinakikita nila sa paanuman ang pagpapahalaga sa hain ni Kristo. Gayunman, upang makinabang sa pantubos, kailangan silang manampalataya rito. (Juan 3:16, 36) Paano natin sila matutulungan na magkaroon ng gayong pananampalataya? Sa panahon ng Memoryal, mapasisigla natin silang mag-aral ng Bibliya at dumalo sa lingguhang mga pagpupulong ng kongregasyon. Isaalang-alang ang sumusunod na mungkahi.
3. Paano tayo makapagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya kapag nag-aanyaya sa Memoryal?
3 Mga Pag-aaral sa Bibliya: Kapag inaanyayahan mo sa Memoryal ang mga interesado, bakit hindi sikaping pagdausan sila ng pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Itinuturo ng Bibliya? Ipaliwanag sa indibiduwal ang pagdiriwang ng Memoryal sa pahina 206-8 at talakayin ang paksang “Ang Hapunan ng Panginoon—Isang Pagdiriwang na Nagpaparangal sa Diyos.” Maaari mong talakayin ang impormasyong iyan sa isa o dalawang pagdalaw, marahil bilang isang pag-aaral sa Bibliya sa pintuan. Kapag natapos na ninyo ang materyal na iyan, maaaring naisin ng taong iyon na talakayin ang kabanata 5, “Ang Pantubos—Ang Pinakamahalagang Regalo ng Diyos.” Kapag naging regular na ang pag-aaral sa Bibliya, balikan at talakayin ang naunang apat na kabanata ng aklat na ito.
4. Sinu-sino ang puwede nating pagdausan ng pag-aaral sa Bibliya sa panahon ng Memoryal?
4 Sinu-sino ang puwede nating pagdausan ng pag-aaral sa Bibliya gamit ang pamamaraang ito? Maaaring pumayag ang iyong mga katrabaho, kamag-aral, o mga kapitbahay sa gayong mga pagtalakay. Maaaring alukin ng mga brother ng pag-aaral ang di-sumasampalatayang asawa ng mga sister sa kongregasyon. At huwag kaliligtaan ang iyong mga kamag-anak na di-Saksi. Bukod diyan, nanaisin nating gumawa ng pantanging pagsisikap upang anyayahan sa Memoryal ang dating mga aktibong nakikisama sa kongregasyon. (Luc. 15:3-7) Tulungan nawa natin ang gayong mga indibiduwal na makinabang sa pantubos.
5. Paano natin mapasisigla ang mga estudyante sa Bibliya at iba pang interesadong indibiduwal na dumalo sa lingguhang mga pagpupulong ng kongregasyon?
5 Mga Pagpupulong ng Kongregasyon: Ang Memoryal ang kauna-unahang pulong na nadadaluhan ng maraming estudyante sa Bibliya at ng iba pang interesadong indibiduwal. Pero paano natin sila mapasisigla na dumalo at makinabang sa ating mga pagpupulong ng kongregasyon? Ganito ang mungkahi ng Ating Ministeryo sa Kaharian ng Mayo 2005, pahina 1: “Banggitin ang pamagat ng susunod na pahayag pangmadla. Ipakita sa kanila ang materyal na tatalakayin sa Pag-aaral sa Bantayan at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ilarawan ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ang Pulong sa Paglilingkod. Kung may atas ka sa paaralan, baka maaari kang mag-ensayo kasama nila. Ibahagi sa kanila ang mahahalagang punto na iniharap sa mga pulong. Sa kauna-unahang sesyon pa lamang ng inyong pag-aaral, anyayahan na silang dumalo.”
6. Sa anong dalawang paraan natin matutulungan ang tapat-pusong mga indibiduwal na makinabang sa pantubos?
6 Kapag ang tapat-pusong mga indibiduwal ay regular na nag-aaral ng Bibliya at palagiang dumadalo sa mga pagpupulong ng kongregasyon, kadalasan nang mabilis ang kanilang espirituwal na pagsulong. Kung gayon, pasiglahin nawa natin ang iba na samantalahin ang espirituwal na mga paglalaang ito at makinabang sa pinakamahalagang regalo ng Diyos—ang pantubos.