Matapang Ngunit Mapagpayapa
1 Maraming taong pinangangaralan natin ang nagpapahayag ng kanilang taimtim na paniniwalang salungat sa katotohanan ng Bibliya. Bagaman kailangan nating mangaral nang may katapangan, nais din nating “makipagpayapaan . . . sa lahat ng tao” at iwasang makasakit sa damdamin ng iba. (Roma 12:18; Gawa 4:29) Paano tayo maaaring maging matapang ngunit mapagpayapa habang inihaharap natin ang mensahe ng Kaharian?
2 Hanapin ang Puntong Mapagkakasunduan: Iniiwasan ng taong mapagpayapa ang pakikipagtalo. Hindi makikinig ang may-bahay sa ating mensahe kung kokontrahin natin ang mga paniniwalang mahigpit niyang pinanghahawakan. Kung may sabihin siyang mali, maaaring mataktika nating banggitin ang isang puntong mapagkakasunduan. Kung ang itatampok natin ay mga bagay na tinatanggap din ng ating kausap, baka mawala ang anumang negatibong damdamin niya at sa halip ay maantig ang kaniyang puso.
3 Kung palalampasin natin ang maling pananaw ng may-bahay, ikinokompromiso ba natin o binabantuan ang katotohanan? Hindi. Ang ating atas bilang mga ministrong Kristiyano ay hindi para pabulaanan ang bawat maling akala na naririnig natin, kundi ang mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mat. 24:14) Sa halip na mainis sa maling pananaw na sinasabi ng ating kausap, maituturing natin iyon na isang pagkakataon para maunawaan ang iniisip ng ibang tao.—Kaw. 16:23.
4 Panatilihin ang Dignidad: May mga pagkakataong kailangan nating maging matapang at malakas ang loob kapag pinabubulaanan ang mga maling turo. Gayunman, bilang mapagpayapang mga tao, iniiwasan natin ang pagtuya at ang mapanghamak na mga termino sa paglalarawan sa mga taong mali ang paniniwala at turo. Ang mapagmataas na saloobin ay nagtataboy, subalit ang mapagpakumbaba at mabait na paglapit ay nagbubukas sa isipan ng mga umiibig sa katotohanan. Ang pagpapakita ng paggalang sa ating tagapakinig at sa kanilang mga paniniwala ay nagpapanatili ng kanilang dignidad, kaya nagiging mas madali para sa kanila na tanggapin ang ating mensahe.
5 Isinaalang-alang ni apostol Pablo ang paniniwala ng mga taong pinangaralan niya at sinikap niyang iharap ang mabuting balita sa paraang makaaantig sa kanilang puso. (Gawa 17:22-31) Handa siyang maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas [niya] ang ilan.” (1 Cor. 9:22) Magagawa rin natin ito sa pamamagitan ng pagiging mapagpayapa habang ipinangangaral natin ang mabuting balita nang may katapangan.