Espesyal na Kampanya Para Ipag-anyaya ang Memoryal!
1. Pasimula sa Marso 21, 2009, saan makikibahagi ang mga mamamahayag ng Kaharian sa buong daigdig, at bakit?
1 Sa Huwebes, Abril 9, 2009, magtitipon ang mga mananamba ng Diyos na Jehova sa buong daigdig para alalahanin ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig sa sangkatauhan. (Roma 5:6-8) Inaasahan natin na milyun-milyong interesadong tao ang sasama sa atin sa paggunita sa kamatayan ni Jesus. Pasimula sa Marso 21, ipamamahagi natin sa buong mundo ang espesyal na imbitasyon para sa Memoryal.
2. Anong mga punto ang dapat ninyong tandaan kapag nagbibigay ng imbitasyon?
2 Mga Puntong Dapat Tandaan: Gamiting mabuti ang mga larawan, tanong, at binanggit na teksto sa imbitasyon. Halimbawa, maaari ninyong ipakita ang larawan sa harap ng imbitasyon at sabihin: “Gusto kong anyayahan kayo sa pag-alaala namin sa kamatayan ni Jesus, na gaganapin sa Huwebes, Abril 9, 2009.” Saka ipakita ang pamagat ng imbitasyon at basahin ang mga kasunod nitong tanong. Huwag kalimutang banggitin sa may-bahay na puwede niyang isama ang kaniyang mga kapamilya at ang iba pa na gusto niyang isama.
3. Paano ninyo matitiyak na makakadalo ang inyong mga inimbitahan sa Memoryal?
3 Kung malaki ang teritoryo ng inyong kongregasyon, maaaring magbigay sa inyo ng tagubilin ang matatanda na mag-iwan ng imbitasyon sa mga bahay na walang tao. Kapag dulo ng sanlinggo, ialok ang mga magasin kasama ng imbitasyon. Gawin ninyong tunguhin na maanyayahan ang inyong mga dinadalaw-muli, estudyante sa Bibliya, kamag-anak, kaklase, katrabaho, kapitbahay, at iba pang kakilala. Noong nakaraang taon, inimbitahan ng isang sister ang 30 sa kaniyang mga kamag-anak, at paminsan-minsan ay pinaaalalahanan niya sila tungkol sa kahalagahan ng okasyon. Tuwang-tuwa siya nang dumalo ang 25 sa kanila, at nang 4 sa mga ito ang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya!
4. Anong mga plano ang dapat na nating gawin ngayon, at bakit?
4 Magplano na Ngayon: Maaaring pag-ibayuhin pa ng maraming mamamahayag ang kanilang gawain sa Marso at Abril. Kung mayroon kayong mga anak o estudyante sa Bibliya na mahusay ang pagsulong, maaaring ito ang pinakaangkop na pagkakataon para sila ay maging mga di-bautisadong mamamahayag. Ngayon na ang panahon para gumawa ng mga kaayusan upang lubusang makabahagi sa kampanyang ito ng pag-aanyaya sa mga tao na alalahanin ang dalawang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig.—Juan 3:16; 15:13.