Ang Ating Ministeryo—Isang Katibayan ng Pag-ibig sa Diyos
1. Ano ang isinagawa ni Jesus dahil sa kaniyang pag-ibig sa Diyos?
1 Pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus para isagawa ang kaniyang ministeryo. Ang bawat pitak ng ministeryo ni Jesus ay isang di-mapag-aalinlanganang katibayan ng kaniyang pag-ibig kay Jehova. Sinabi ni Jesus: “Upang malaman ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama, kung ano ang utos na ibinigay sa akin ng Ama, gayon ang aking ginagawa.” (Juan 14:31) Bilang mga tagasunod-yapak ni Jesus, pribilehiyo rin nating ipakita ang ating masidhing pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng ating ministeryo.—Mat. 22:37; Efe. 5:1, 2.
2. Paano naaapektuhan ng pag-ibig kay Jehova ang ating ministeryo?
2 “Pakabanalin Nawa ang Iyong Pangalan”: Kapag lubusan nating sinasamantala ang bawat pagkakataong masabi sa iba ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian, ipinakikita nating iniibig natin ang Diyos at, sa diwa, nagkakaroon tayo ng bahagi sa pagpapabanal sa kaniyang pangalan. (Awit 83:18; Ezek. 36:23; Mat. 6:9) Gaya ni Jesus, patuloy rin nating ipinakikita sa pamamagitan ng ating ministeryo na gustung-gusto nating mapabanal ang pangalan ni Jehova at magawa ang kaniyang kalooban.—Mat. 26:39.
3. Paano tayo natutulungan ng pag-ibig kay Jehova para malampasan ang mga hadlang?
3 Dahil sa Pag-ibig, Nalalampasan Natin ang mga Hadlang: Nadaraig ng pag-ibig kay Jehova ang lahat ng problema. (1 Cor. 13:4, 7) Maraming pagkakataong napaharap si Jesus sa mga kalagayang nakahadlang sana sa kaniyang ministeryo. Pero dahil sa kaniyang masidhing pag-ibig at hangaring gawin ang kalooban ni Jehova, nadaig niya ang mga ito. (Mar. 3:21; 1 Ped. 2:18-23) Tayo rin ay napapaharap sa maraming hamon sa buhay, pero nalalampasan natin ang mga ito dahil sa pag-ibig natin sa Diyos. Kung maingat nating tutularan ang halimbawang iniwan ni Kristo, makapagtitiwala tayong magagampanan natin ang ating ministeryo. Bagaman pinahihirapan tayo ng pagsalansang ng pamilya, mahinang kalusugan, pagtanda, o kawalang-interes ng mga tao sa pangkalahatan, hindi nito mahahadlangan ang ating pagpapakita ng pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pagganap ng ating ministeryo sa pinakamabisang paraan.
4. Anong pribilehiyo ang taglay natin dahil sa pag-ibig kay Jehova?
4 Ang pag-ibig ay makapangyarihan, at tayo’y pinagpala na maipakita ang ating taimtim na pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng ating ministeryo. (1 Cor. 13:13) Yamang napakalapit nang dumating ang panahon na ang pangalan ni Jehova ay pababanalin minsan at magpakailanman, ang ating “pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa.”—Fil. 1:9; Mat. 22:36-38.