Purihin si Jehova Bawat Araw
1. Ano ang determinasyon ng mga lingkod ng Diyos, at bakit?
1 Determinado si Haring David na purihin si Jehova “buong araw,” maging hanggang sa panahong walang takda. (Awit 145:2, 7, 21) May magandang dahilan din tayo para purihin si Jehova bawat araw.—Awit 37:10; 145:14, 18; 2 Ped. 3:13.
2. Paano maaaring purihin ng mga pamilya si Jehova bawat araw?
2 Kapag Nasa Tahanan: Mayroon tayong mga nakapagpapatibay na publikasyon para sa makabuluhang talakayan sa pang-araw-araw na teksto, sa ating Pampamilyang Pagsamba, at sa ating paghahanda sa mga pulong. Nakaugalian na ng maraming pamilya na magsama-sama sa pagkain kahit isang beses man lamang bawat araw. Kapag magkakasalo silang kumakain, nagkakaroon sila ng pagkakataong magkuwentuhan at pumuri kay Jehova. Ang ganitong pag-uusap na pinasisimulan ng mga magulang ay isang malaking tulong sa pagpapalaki sa kanilang mga anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efe. 6:4; Deut. 6:5-7.
3. Sa anong mga pagkakataon maaari nating purihin si Jehova kasama ng mga kapatid?
3 Kapag Kasama ng mga Kapatid: Ang paglilingkod sa larangan o pagdalo sa mga pulong ay napakagagandang pagkakataon para purihin si Jehova kasama ng mga kapananampalataya. (Kaw. 15:30; Fil. 4:8; Heb. 13:15) Yamang lahat tayo ay umiibig kay Jehova, napakadaling isama sa usapan ang ating taimtim na pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova.—Awit 106:1.
4. Sa ano pang mga pagkakataon puwede mong purihin si Jehova?
4 Kapag Nakikipag-usap sa mga Di-kapananampalataya: Kung hindi man tayo makalabas sa larangan araw-araw, ang maikling pakikipag-usap sa mga kasamahan sa trabaho, mga kaeskuwela, at sa iba pa tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin ay posibleng magbigay ng pag-asa sa mga tapat-pusong tao. (Awit 27:14; 1 Ped. 3:15) Habang nasa eroplano, nakapagpatotoo ang isang sister sa kapuwa niya pasahero. Natuwa at napasigla ang pasahero sa kaniyang narinig, kung kaya ibinigay niya ang kaniyang adres at numero ng telepono para maipagpatuloy ang kanilang pag-uusap. Habang pasamâ nang pasamâ ang kalagayan sa daigdig, patuloy ang mga lingkod ni Jehova sa pagdadala ng “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” Nagbibigay ito ng pag-asa sa mga tao at ng dahilan para purihin nila si Jehova.—Isa. 52:7; Roma 15:11.
5. Bakit gustung-gusto nating purihin si Jehova, at sa anong tatlong pagkakataon natin ito magagawa?
5 Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova kapag naririnig niyang pinupuri siya ng kaniyang mga lingkod bawat araw! Gaya ng mga nilalang ni Jehova na makikita sa ating paligid, tayo rin ay puwedeng pumuri sa kaniya bawat araw kapag nasa ating tahanan, nasa kongregasyon, at kapag nakikipag-usap sa ibang hindi pa natin nakakasama sa pagpuri kay Jehova.—Awit 19:1-4.