“Huwag Matakot”
1. Tulad kay Jeremias, anong mga hamon ang maaaring mapaharap sa atin?
1 Noong atasan si Jeremias na maging propeta, pakiramdam niya’y hindi siya kuwalipikado. Pero sinabi ni Jehova, “huwag kang matakot,” at may-kabaitan siyang pinatibay na gampanan ang atas. (Jer. 1:6-10) Sa ngayon, baka mag-alangan tayong makibahagi sa ministeryo dahil sa pagkamahiyain o kawalan ng kumpiyansa. Kung minsan, baka natatakot tayo sa magiging reaksiyon o magiging tingin ng tao sa atin. Paano natin madaraig ang gayong takot, at anong mga pagpapala ang ibubunga nito?
2. Paano makatutulong ang paghahanda para mabawasan ang takot kapag nasa ministeryo?
2 Patiunang Maghanda: Malaki ang magagawa ng sapat na paghahanda para mabawasan ang takot. Halimbawa, kung patiuna nating rerepasuhin ang mga pagtutol, magiging handa tayong sagutin ang mga iyon. (Kaw. 15:28) Sa Pampamilyang Pagsamba, bakit hindi praktisin kung paano haharapin ang iba’t ibang hamon sa eskuwelahan at sa ministeryo?—1 Ped. 3:15.
3. Paano tayo matutulungan ng pagtitiwala kay Jehova na madaig ang takot?
3 Magtiwala kay Jehova: Para madaig ang takot, magtiwala kay Jehova. Nangako siya na tutulungan niya tayo. (Isa. 41:10-13) Iyan ang pinakamainam na kasiguruhang makukuha natin! Isa pa, tiniyak sa atin ni Jesus na kahit sa mga di-inaasahang sitwasyon, tutulungan tayo ng banal na espiritu ng Diyos para makapagpatotoo nang mahusay. (Mar. 13:11) Kaya laging hilingin kay Jehova na bigyan tayo ng banal na espiritu.—Luc. 11:13.
4. Anong mga pagpapala ang resulta ng pagmamatiyaga sa ministeryo sa kabila ng mga hamon?
4 Mga Pagpapala: Habang nagmamatiyaga tayo sa ministeryo sa kabila ng mga hamon, napalalakas tayong harapin ang mga darating na pagsubok. Nalilinang natin ang lakas ng loob at katapangan—mga katangiang taglay ng mga napuspos ng banal na espiritu. (Gawa 4:31) Isa pa, habang tinutulungan tayo ni Jehova na mapagtagumpayan ang takot, tumitibay ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa kaniyang nagliligtas na bisig. (Isa. 33:2) Nakadarama rin tayo ng kagalakan at kasiyahan dahil alam nating napaluluguran natin ang ating makalangit na Ama. (1 Ped. 4:13, 14) Kaya huwag tayong matakot! Buong-tapang nating ihayag ang mensahe ng Kaharian, na laging umaasa sa tulong ni Jehova.