Ang mga Bukid ay Mapuputi Na Para sa Pag-aani
1. Anong mahalagang gawain ang nagaganap ngayon?
1 Matapos magpatotoo sa isang Samaritana, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35, 36) Isang espirituwal na pag-aani ang nagaganap, at alam ni Jesus na aabot ito sa buong daigdig. Mula sa langit, pinangangasiwaan pa rin ni Jesus ngayon ang pag-aani. (Mat. 28:19, 20) Ano ang mga katibayan na mas puspusan at apurahan ngayon ang gawaing ito?
2. Anong mga pagsulong ang nagpapakitang mas apurahan ngayon ang pandaigdig na pag-aani?
2 Isang Pandaigdig na Pag-aani: Noong 2009 taon ng paglilingkod, tumaas nang 3.2% ang bilang ng mamamahayag sa buong daigdig. Sa mga lupaing may paghihigpit, 14% ang nadagdag. Ang mga pag-aaral sa Bibliya bawat buwan ay mahigit 7,619,000—mas mataas kaysa sa bilang ng mamamahayag at mas marami nang halos kalahating milyon kaysa sa iniulat na mga pag-aaral sa Bibliya noong nakaraang taon. Dahil mabilis na lumalawak ang gawain sa maraming lugar, nangailangan ng mas maraming misyonerong sinanay sa Gilead. Sa iba’t ibang bansa, masulong din ang mga teritoryong banyaga ang wika. Kitang-kita na pinabibilis ni Jehova ang gawain sa pagtatapos ng pag-aani. (Isa. 60:22) Kumusta ang saloobin mo sa pag-aani sa iyong “bukid”?
3. Ano ang maaaring iniisip ng ilan tungkol sa kanilang pag-aani?
3 Ang Sarili Mong Pag-aani: Baka may magsabi, “Kaunti lang ang nakikinig sa teritoryo namin.” Totoo namang may mga teritoryong tila di-mabunga o parang hindi na ganoon kabunga gaya ng dati. Kaya iniisip ng ilang kapatid na tapos na noon ang kasagsagan ng pag-aani, at kung may aanihin man ngayon, baka mangilan-ngilan na lang. Ganoon nga ba?
4. Anong tamang saloobin sa ating ministeryo ang dapat linangin, at bakit?
4 Mula’t sapol, apurahan na ang pag-aani. Pansinin ang sinabi ni Jesus: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:37, 38) Si Jehova, ang Panginoon ng pag-aani, ang siyang nakakaalam kung kailan at saan mag-aani. (Juan 6:44; 1 Cor. 3:6-8) Ano ba ang tagubilin sa atin? Sinasabi ng Bibliya: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay.” (Ecles. 11:4-6) Oo, sa kasagsagan ng pag-aani, hindi natin pagpapahingahin ang ating mga kamay!
5. Bakit dapat tayong manatiling masigasig sa pangangaral kahit waring di-mabunga ang teritoryo?
5 Huwag Tumigil sa Pag-aani: Kahit paulit-ulit na nating ginagawa ang ating teritoryo at parang wala namang tumutugon, may dahilan pa rin para maging masigasig at apurahan. (2 Tim. 4:2) Ang malalaking pagbabago sa daigdig ay maaaring bumago sa pananaw ng tao at maging mas palaisip sa hinaharap. Habang lumalaki ang mga kabataan, naiisip nila ang kanilang kinabukasan at kapanatagan. Ang pagtitiyaga natin ay maaaring makapukaw sa interes ng iba. Oo, baka makinig ngayon ang mga dating hindi nakikinig. At dapat babalaan maging ang mga tumatanggi sa ating mensahe.—Ezek. 2:4, 5; 3:19.
6. Kung medyo matigas ang ating teritoryo, ano ang tutulong sa atin na manatiling masigasig?
6 Kung medyo matigas ang ating teritoryo, ano ang tutulong sa atin na manatiling masigasig? Marahil bukod sa pagbabahay-bahay, puwede nating subukan ang ibang paraan ng ministeryo, tulad ng pagpapatotoo sa telepono o sa lugar ng negosyo. O baka kailangan nating baguhin ang ating presentasyon para makuha ang interes ng mga tao. Puwede nating i-adjust ang ating iskedyul at makibahagi sa paglabas sa gabi o iba pang oras na malamang na nasa bahay ang mga tao. Puwede rin tayong mag-aral ng ibang wika para mas marami pa ang maabot ng mabuting balita. Mapapalawak natin ang ating ministeryo kung magre-regular pioneer tayo. O puwede tayong lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Kung mayroon tayong tamang saloobin sa pag-aani, sisikapin nating makibahagi sa abot ng ating makakaya.
7. Hanggang kailan tayo magpapatuloy sa pag-aani?
7 Limitado lang ang panahon ng mga magsasaka kapag nag-aani, kaya hindi sila nagrerelaks o nagmamabagal hanggang sa matapos ito. Gayundin ang pagkaapurahan ng espirituwal na pag-aani. Hanggang kailan ba tayo magpapatuloy sa pag-aani? Hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” at hanggang sa “wakas.” (Mat. 24:14; 28:20) Gaya ng pangunahing Ministro ni Jehova, gusto rin nating matapos ang gawaing iniatas sa atin. (Juan 4:34; 17:4) Kaya patuloy nating ganapin ang ating ministeryo nang may sigasig, kagalakan, at positibong saloobin hanggang wakas. (Mat. 24:13) Hindi pa tapos ang pag-aani!
[Blurb sa pahina 2]
Mula’t sapol, apurahan na ang pag-aani