Kailangan ang Pagtitiis sa Ating Ministeryo
1. Paano naging matiisin si Jehova sa sangkatauhan?
1 Napakamatiisin ng Diyos sa sangkatauhan. (Ex. 34:6; Awit 106:41-45; 2 Ped. 3:9) Ang isa sa pinakatanyag na halimbawa ng kaniyang maibiging pagtitiis ay makikita sa pandaigdig na pangangaral ng Kaharian. Halos 2,000 taon nang pinagtitiisan ni Jehova ang sangkatauhan ngunit patuloy pa rin niyang inilalapit sa kaniya ang mga tapat-puso. (Juan 6:44) Paano tayo magiging matiisin sa ating ministeryo gaya ni Jehova?
2. Paano tayo nagtitiis sa pangangaral sa ating teritoryo?
2 Pagbabahay-bahay: Tinutularan natin ang pagkamatiisin ni Jehova sa pamamagitan ng pangangaral nang “walang humpay” sa mga teritoryo na wala pang nagpapakita ng interes. (Gawa 5:42) Tinitiis natin ang kawalan ng interes, panunuya, at pagsalansang ng mga tao sa ating ministeryo. (Mar. 13:12, 13) Ipinakikita rin natin ang pagtitiis sa pamamagitan ng matiyagang pagdidilig sa mga binhi ng katotohanan kahit mahirap matagpuan ang mga interesado sa kanilang tahanan.
3. Bakit kailangan ang pagtitiis sa mga pagdalaw-muli at pagtuturo ng Bibliya?
3 Pag-aaral sa Bibliya: Kailangan ang pagtitiis o tiyaga sa paghahalaman. Puwede itong alagaan, pero hindi natin puwedeng madaliin ang paglaki. (Sant. 5:7) Sa katulad na paraan, ang espirituwal na pagsulong ay unti-unti. (Mar. 4:28) Maaaring mahirapan ang tinuturuan natin sa Bibliya na iwan ang mga maling paniniwala o di-makakasulatang kaugalian. Huwag nating madaliin ang pagsulong ng ating mga estudyante sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na magbago. Kailangan ang pagtitiis para palipasin ang makatuwirang haba ng panahon habang pinakikilos ng espiritu ng Diyos ang puso ng estudyante.—1 Cor. 3:6, 7.
4. Paano makatutulong ang pagtitiis upang mabisa tayong makapagpatotoo sa di-sumasampalatayang mga kamag-anak?
4 Di-sumasampalatayang mga Kamag-anak: Kahit gustung-gusto nating matuto ng katotohanan ang ating mga kamag-anak, naghihintay tayo ng tamang panahon para ibahagi ang ating paniniwala sa kanila, anupat nag-iingat na hindi sila pinauulanan ng napakaraming impormasyon. (Ecles. 3:1, 7) Samantala, nagpapakita tayo ng mabuting halimbawa at lagi tayong handang mangaral taglay ang kahinahunan at matinding paggalang. (1 Ped. 3:1, 15) Oo, kung matiisin tayo sa ating ministeryo, lalo tayong magiging epektibo at mapalulugdan natin ang ating makalangit na Ama.