Mga Saksi ni Jehova—Buháy ang Pananampalataya, Bahagi 1: Mula sa Kadiliman Tungo sa Liwanag
Sa Bibliya, ang liwanag ay iniuugnay sa katotohanan, at ang kadiliman naman ay sa kasinungalingan. (Awit 43:3; Isa. 5:20) Ipinasok ni Satanas ang kadiliman sa sanlibutan nang linlangin niya si Eva, at nang bandang huli ay pinalaganap niya ang kadiliman sa buong daigdig. (Apoc. 12:9) Inilalahad ng video na Mga Saksi ni Jehova—Buháy ang Pananampalataya, Bahagi 1: Mula sa Kadiliman Tungo sa Liwanag, kung paano nagsimulang suminag ang espirituwal na liwanag mula sa kadiliman. (Isa. 60:1, 2) Pagkatapos mapanood ang video, masasagot mo ba ang mga tanong na ito?
(1) Paano nagkaroon ng pusikit na kadiliman pagkamatay ng mga apostol? (2) Simula noong mga taon ng 1100, anong mga pangyayari ang nakatulong sa mga tao na makitang lumihis ang simbahan? (3) Sino sina Henry Grew at George Storrs? (4) Anong mga pangyayari sa buhay ni Charles Russell ang lubhang nakaimpluwensiya sa kaniya? (5) Paano isinagawa ni Brother Russell, ng ama niya, at ng iba pa, ang kanilang pag-aaral ng Bibliya, at anu-anong maka-Kasulatang konklusyon ang nabuo nila? (6) Bakit sumama ang Bible study group na ito sa grupo ni Nelson Barbour, at bakit humiwalay si Brother Russell? (7) Ano ang nangyari noong Hulyo 1879 na nagpasimula ng makabagong yugto ng espirituwal na liwanag? (8) Mula noon, ano ang ginawa ng dumaraming Estudyante ng Bibliya para mapalaganap ang mabuting balita? (9) Maraming taon pa bago ang 1914, ano ang inaasahan ng mga Estudyante ng Bibliya na mangyayari sa taóng 1914? (10) Anong mga hamon ang napaharap sa mga Estudyante ng Bibliya pagkamatay ni Brother Russell? (11) Ano ang ginawa ng mga Estudyante ng Bibliya nang mapalaya sa bilangguan si Brother Rutherford at ang mga kasama niya? (12) Paano nakatulong ang video na ito upang magkaroon ka ng higit na kaunawaan at pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova? (13) Paano napatibay ng video na ito ang iyong determinasyon na patuloy na mangaral nang masigasig sa kabila ng mga hadlang? (14) Paano natin magagamit ang video na ito upang tulungan ang ating mga kamag-anak, mga estudyante sa Bibliya, at ang iba pa?
Talagang napakahalagang espirituwal na pamana ang iniwan sa atin ng sinaunang mga Estudyante ng Bibliya! Sa isang daigdig ng espirituwal na kadiliman, malakas ang kanilang loob at naging masigasig na tagapagdala ng liwanag. Tularan nawa natin ang kanilang halimbawa at ‘patuloy na lumakad bilang mga anak ng liwanag.’—Efe. 5:8.