Ano ang Iyong “Dahilan na Magbunyi”?
1. Ano ang dahilan natin na magbunyi sa katapusan ng bawat buwan?
1 Pagdating ng katapusan ng bawat buwan at lahat tayo ay hinihilingang magreport ng ating paglilingkod sa larangan, ano ang iyong “dahilan na magbunyi”? (Gal. 6:4) Tayo man ay mga special pioneer na nag-uulat ng 130 oras sa ministeryo o mga mamamahayag na pinayagang magreport ng 15 minuto, lahat tayo ay dapat magalak sa ating buong-pusong paglilingkod kay Jehova.—Awit 100:2.
2. Bakit dapat tayong magsumikap sa paglilingkod kay Jehova?
2 Bilang Soberanong Panginoon ng uniberso, karapat-dapat si Jehova na tumanggap ng pinakamabuting maibibigay natin. (Mal. 1:6) Dahil sa pag-ibig natin sa kaniya, inialay natin ang ating buhay upang gawin ang kaniyang kalooban. Kaya sa pagtatapos ng araw o sa katapusan ng buwan, kung natitiyak nating naibigay natin ang “mga unang bunga” o pinakamabuti sa ating panahon, talino, at lakas sa paglilingkod kay Jehova, magkakaroon tayo ng dahilan na magbunyi. (Kaw. 3:9) Subalit kung sinasabi ng ating budhi na may magagawa pa tayo, makabubuting isaalang-alang natin kung ano ang mapasusulong natin.—Roma 2:15.
3. Bakit hindi matalinong ihambing ang ating sarili sa iba?
3 “Hindi Kung Ihahambing sa Ibang Tao”: Hindi matalinong ihambing ang ating sarili sa iba o sa ating sarili noong tayo ay mas malakas pa. Nagbabago ang mga kalagayan. Iba-iba ang ating kakayahan. Ang paghahambing ay karaniwang nauuwi sa pagpapaligsahan o pagkadama ng kawalang-halaga. (Gal. 5:26; 6:4) Hindi gumawa si Jesus ng mga paghahambing. Sa halip, nagbigay siya ng komendasyon ayon sa kung ano ang kayang gawin ng isang tao.—Mar. 14:6-9.
4. Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga talento?
4 Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mga talento, ang bawat manggagawa ay tumanggap “ayon sa kaniyang sariling kakayahan.” (Mat. 25:15) Nang bumalik ang panginoon at hilingin ang ulat hinggil sa kanilang gawain, ang mga gumawa nang puspusan ayon sa ipinahihintulot ng kanilang kakayahan at kalagayan ay tumanggap ng komendasyon at pumasok sa kagalakan ng kanilang panginoon. (Mat. 25:21, 23) Habang tayo ay nananatiling abala sa gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian, makapagtitiwala tayo sa pagsang-ayon ng Diyos at magkakaroon tayo ng dahilan na magbunyi!