Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Joel
1. Kapag nangangaral tayo, paano natin matutularan ang kapakumbabaan ni Joel?
1 Sino si propeta Joel? Ang tanging sinabi niya ay ‘anak siya ni Petuel.’ (Joel 1:1) Itinampok ng mapagpakumbabang propetang ito ang mensahe ni Jehova, hindi ang papel niya bilang mensahero. Sa katulad na paraan, sa halip na hangarín ang papuri o pagkilala ng mga tao kapag nasa ministeryo, inaakay natin ang kanilang pansin kay Jehova at sa Bibliya. (1 Cor. 9:16; 2 Cor. 3:5) Habang inihahayag natin ang mensaheng ito, napalalakas tayo. Anong mga hula ni Joel ang magbibigay sa atin ngayon ng pag-asa at mag-uudyok sa atin na maging masigasig?
2. Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng pagkaalam na malapit na ang araw ni Jehova?
2 “Ang Araw ni Jehova ay Malapit Na.” (Joel 1:15): Libu-libong taon na ang nakalilipas mula nang isulat ang mga salitang ito, pero nabubuhay tayo sa panahon ng pangwakas na katuparan nito. Ang paglala ng kalagayan ng daigdig at ang pagwawalang-bahala at pagtuya ng mga tao sa ating teritoryo ay malinaw na katibayan na nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng masamang sistemang ito ng mga bagay. (2 Tim. 3:1-5; 2 Ped. 3:3, 4) Kapag iniisip-isip natin na malapit na ang wakas, nauudyukan tayo na unahin ang ministeryo sa ating buhay.—2 Ped. 3:11, 12.
3. Bakit lalo nang napakahalaga ng ating ministeryo habang papalapit ang malaking kapighatian?
3 “Si Jehova ay Magiging Kanlungan Para sa Kaniyang Bayan.” (Joel 3:16): Ang pag-uga na inilalarawan sa talatang ito ay maaari lamang tumukoy sa paglalapat ni Jehova ng hatol sa panahon ng malaking kapighatian. Natutuwa tayong malaman na ililigtas ni Jehova ang kaniyang mga tapat na lingkod sa panahong iyon. (Apoc. 7:9, 14) Habang nangangaral tayo at nararanasan kung paano tayo tinutulungan at pinalalakas ni Jehova, tumitibay ang ating pananampalataya at nalilinang natin ang kakayahang magbata—mga katangiang tutulong sa atin sa panahon ng malaking kapighatian.
4. Bakit tayo maaaring magsaya at magtiwala na maganda ang ating kinabukasan?
4 Para sa ilan, nakapanghihina ng loob ang mensahe ni Joel, pero para sa bayan ng Diyos, nagbibigay ito ng maluwalhating pag-asa ng kaligtasan. (Joel 2:32) Kaya harapin natin ang kinabukasan nang may pagtitiwala at masigasig na ihayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos habang sinusunod natin ang sinasabi sa Joel 2:23: “Magalak at magsaya kay Jehova na inyong Diyos.”