Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Mikas
1. Ano ang malamang na naitanong ni Mikas? Bakit hindi nawalan ng saysay ang pangangaral niya?
1 ‘Kailan kaya darating ang wakas ng masamang sistemang ito ng mga bagay?’ Malamang na naitanong din iyan ni propeta Mikas habang inihahayag niya ang mensahe ng paghatol ni Jehova laban sa mga kaharian ng Israel at Juda. Pero hindi nawalan ng saysay ang pangangaral niya. Noong 740 B.C.E., buháy pa si Mikas, natupad ang mga salita ni Jehova laban sa Samaria. (Mik. 1:6, 7) Nang maglaon, winasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. (Mik. 3:12) Paano natin matutularan si Mikas habang hinihintay natin ang paglalapat ng mga hatol ni Jehova sa ating panahon?
2. Paano tayo magiging matiisin habang hinihintay ang araw ni Jehova, at bakit kailangan nating maging matiisin?
2 Maging Matiisin: Isinulat ni Mikas: “Sa ganang akin, si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Mik. 7:7) Siyempre pa, hindi lang basta naghintay si Mikas sa pagdating ng wakas. Nanatili siyang abala bilang propeta ni Jehova. Habang hinihintay natin ang araw ni Jehova, dapat din tayong maging abala sa “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Ped. 3:11, 12) Ang pagiging matiisin ni Jehova ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na magsisi. (2 Ped. 3:9) Kaya sinusunod natin ang payo ng Bibliya na tularan ang pagkamatiisin ng mga propeta.—Sant. 5:10.
3. Bakit dapat nating hilingin ang tulong ng banal na espiritu ni Jehova?
3 Umasa sa Lakas ni Jehova: Mahirap ang atas ni Mikas pero umasa siya sa lakas ni Jehova para maisakatuparan niya iyon. (Mik. 3:8) Kaya naman hinihimok tayo ng Bibliya na humiling tayo ng lakas mula kay Jehova. Sagana siyang nagbibigay ng lakas sa mga pagód para matupad nila ang kanilang teokratikong mga pananagutan. (Awit 84:5, 7; Isa. 40:28-31) Naranasan mo na ba ito sa iyong sagradong paglilingkod? Lagi mo bang hinihiling ang tulong ng makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova?—Luc. 11:13.
4. Anong magandang halimbawa ang matutularan natin kay Mikas?
4 Sa buong buhay ni Mikas, inuna niya ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Determinado siyang manatiling tapat kahit napaliligiran siya ng mga taong mababa ang moral. Ang atin ding katapatan ay nasusubok araw-araw. Kaya palakasin natin ang ating determinasyong ‘lumakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos magpakailan-kailanman.’—Mik. 4:5.