Tanong
◼ Ano ang kailangang matutuhan ng mga anak para sumulong sa espirituwal na pagkamaygulang?
Sinisikap ng Kristiyanong mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Halimbawa, isinasaalang-alang ng mga magulang ang pang-araw-araw na teksto tuwing umaga kasama ang kanilang mga anak. Sa panahon ng pampamilyang pagsamba o iba pang pagkakataon, sama-samang pinapanood at tinatalakay ng mga pamilya ang isang video, pinag-uusapan ang isang artikulo sa Tanong ng mga Kabataan, isinasadula ang isang kuwento sa Bibliya, o nagsasagawa sila ng mga praktis sesyon. Pero para ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang,’ ang mga anak ay kailangan ding maturuan ng malalalim na katotohanan sa Bibliya.—Heb. 6:1.
Isaalang-alang kung paano natin tinuturuan ang mga nakakausap natin sa teritoryo. Sa unang pagdalaw pa lang o sa pagdalaw-muli, sinisikap na nating magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya gamit ang Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Kapag natapos na ang aklat na ito, isinusunod naman natin ang Manatili sa Pag-ibig ng Diyos. Bakit? Matututuhan sa aklat na Itinuturo ng Bibliya ang mga pangunahing kaalaman sa Kasulatan. Itinuturo naman ng aklat na Pag-ibig ng Diyos kung paano mamumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Tinutulungan ng dalawang aklat na ito ang mga baguhan na maging “nakaugat” sa Kristo at ‘matatag sa pananampalataya.’ (Col. 2:6, 7) Hindi ba’t makakatulong din ito sa mga anak? Kailangan din silang maturuan tungkol sa pantubos, sa Kaharian, at sa kalagayan ng mga patay. Kailangan nilang malaman kung bakit hinahayaan ng Diyos ang pagdurusa at kung paano mapapatunayan na nasa mga huling araw na ang sistemang ito ng mga bagay. Dapat na kumbinsido silang nasa mga Saksi ni Jehova ang katotohanan. Kailangan ding maunawaan ng mga bata ang mga simulain sa Bibliya at matutuhang sanayin ang “kanilang mga kakayahan sa pang-unawa.” (Heb. 5:14) Siyempre, dapat isaalang-alang ng mga magulang ang edad at kakayahang umunawa ng kanilang mga anak. Pero maraming bata ang nakakaintindi na ng malalalim na katotohanan sa Bibliya.—Luc. 2:42, 46, 47.
Sa hinaharap, ang jw.org/tl ay magkakaroon ng mga gabay sa pag-aaral batay sa aklat na Itinuturo ng Bibliya. Makikita ito sa ilalim ng TURO NG BIBLIYA > TIN-EDYER. Magkakaroon din ng mga gabay sa pag-aaral batay sa aklat na Pag-ibig ng Diyos. Maaari ding gamitin ang nakalimbag na mga aklat. Puwedeng gamitin ng mga magulang ang mga materyal na ito sa kanilang Pampamilyang Pagsamba, sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa bawat anak, o sa pagsasanay sa kanilang mga anak na mag-personal study.