Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Nahum
1. Ano ang matututuhan natin sa aklat ng Nahum?
1 Pinatutunayan ng mga guho ng sinaunang Nineve na, gaya ng inihula ni Nahum, naghihiganti si Jehova sa mga kaaway Niya at kahit ang pinakamabangis na kaaway ay walang laban sa Kaniya. (Na. 1:2, 6) Ang hula ni Nahum ay may mga aral para sa atin na magagamit sa ministeryo.
2. Paano natin mapananatiling positibo ang ating mensahe?
2 Magbigay ng Kaaliwan at Pag-asa: Sa unang tingin, ang aklat ng Nahum ay parang kapahayagan lang ng hatol sa Nineve, ang mapagmataas na kabisera ng sinaunang Asirya. (Na. 1:1; 3:7) Pero ang kapahayagang ito ay mabuting balita para sa bayan ni Jehova. Tiniyak sa kanila ni Nahum, na ang pangalan ay nangangahulugang “Mang-aaliw,” na malapit nang mawala ang kaaway nila! Sinabi pa ni Nahum na si Jehova ay “isang moog sa araw ng kabagabagan.” (Na. 1:7) Kapag nangangaral, nagbabahagi rin tayo ng mabuting balita sa iba at pinasisigla silang manganlong kay Jehova.—Na. 1:15.
3. Paano natin matutularan si Nahum sa paggamit ng mga halimbawa o ilustrasyon?
3 Gumamit ng mga Halimbawa at Ilustrasyon: Kinasihan ni Jehova si Nahum na ikumpara ang kahihinatnan ng Nineve sa kinahinatnan ng Ehipsiyong lunsod ng Thebes (No-amon), na winasak mismo ng Asirya. (Na. 3:8-10) Kapag nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa wakas ng masamang sistemang ito, puwede tayong bumanggit ng mga hula sa Bibliya na nagpapatunay na tinutupad ni Jehova ang mga sinasabi niya hanggang sa kahuli-hulihang detalye. Halimbawa, nang salakayin ng mga Babilonyo at mga Medo ang lunsod ng Nineve noong 632 B.C.E., umapaw ang Ilog Tigris dahil umulan nang malakas, kaya gumuho ang isang bahagi ng matibay na pader ng lunsod. Madaling nasakop ang Nineve, gaya ng inihula ni Jehova.—Na. 1:8; 2:6.
4. Paano tayo mangangaral at magtuturo nang malinaw at madaling maintindihan?
4 Malinaw at Madaling Maintindihan: Ang istilo ng pagsulat ni Nahum ay punô ng paglalarawan at damdamin. Malinaw ang mga punto niya. (Na. 1:14; 3:1) Gusto rin nating gumamit ng mga pananalitang madaling maintindihan. (1 Cor. 14:9) Sa unang pagdalaw pa lang, malinaw nang ipaliwanag kung bakit ka naroon. Habang tinuturuan mo ng Bibliya ang mga indibiduwal, tulungan sila na magkaroon ng pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Salita, at makita kung paano nila ikakapit ang mga natututuhan nila.—Roma 10:14.
5. Ano ang tinitiyak sa atin ng hula ni Nahum?
5 Nagtiwala si Nahum na tiyak na matutupad ang salita ni Jehova, at kitang-kita ito sa aklat ng Bibliya na nagtataglay ng pangalan niya. Habang papalapit ang wakas ng sistema ni Satanas, maaaliw tayo sa sinabi ng Diyos: “Ang kabagabagan ay hindi babangon sa ikalawang pagkakataon.”—Na. 1:9.