Ang Ating Toolbox sa Pagtuturo
1. Ano ang pagkakatulad ng mga manggagawa at ng mga Kristiyanong ebanghelisador?
1 Ang mga manggagawa ay may iba’t ibang kasangkapan. May mga kasangkapang bihirang gamitin para sa espesipikong mga trabaho, at may mga kasangkapan namang madalas gamitin. Ang makaranasang mga manggagawa ay laging may ganitong pangunahing kasangkapan sa kanilang toolbox, at sanáy na sanáy sila sa paggamit ng mga ito. Hinihimok ng Bibliya ang bawat Kristiyano na magsikap sa ministeryo at maging “manggagawa na walang anumang ikinahihiya.” (2 Tim. 2:15) Ano ba ang pinakamahalagang kasangkapan sa ating toolbox? Ang Salita ng Diyos—ang pangunahing kasangkapang ginagamit natin sa ‘paggawa ng mga alagad.’ (Mat. 28:19, 20) Kaya dapat nating sikaping maging dalubhasa sa ‘paggamit nang wasto sa salita ng katotohanan.’ Pero may iba pang madalas-gamiting kasangkapan sa ating toolbox at dapat na maging bihasa ang lahat ng Kristiyano sa paggamit nito—para maituro sa mga tao ang katotohanan.—Kaw. 22:29.
2. Ano-ano ang ating pangunahing kasangkapan sa pagtuturo?
2 Ang Pangunahin Nating Kasangkapan sa Pagtuturo: Bukod sa Bibliya, ano pang kasangkapan ang dapat nating gamitin? Ang pangunahing kasangkapan natin sa pagtuturo ng Bibliya ay ang Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Pagkatapos ng aklat na iyan, ginagamit naman natin ang Manatili sa Pag-ibig ng Diyos para turuan ang ating inaaralan na ikapit sa araw-araw ang mga simulain ng Bibliya. Kaya dapat na maging mahusay tayo sa paggamit ng dalawang publikasyong iyan. May ilang brosyur din tayong dapat isama sa ating toolbox. Ang Magandang Balita Mula sa Diyos! ay isa sa ating mga pangunahing kasangkapan sa pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Kung sa ating teritoryo ay may mga taong di-gaanong marunong bumasa o nagsasalita ng wika kung saan iilan pa lang o wala pang publikasyong naisalin sa gayong wika, puwede rin nating gamitin ang Listen to God o Makinig sa Diyos at Mabuhay Magpakailanman. Ang isang pangunahing kasangkapan para maakay ang mga estudyante sa organisasyon ay ang Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon? Ang mga video na makatutulong sa paggawa ng mga alagad, gaya ng Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?, Ano’ng Mayroon sa Kingdom Hall?, at May Pangalan Ba ang Diyos?, ay mga kasangkapang dapat din nating pag-aralang gamitin.
3. Ano ang maitutulong sa atin ng susunod na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian?
3 Ang susunod na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay tutulong sa atin na maging mahusay sa paggamit ng ilang pangunahing publikasyon sa ating toolbox sa pagtuturo. Habang pinagsisikapan nating maging mahusay sa paggamit ng mga kasangkapang ito, nasusunod natin ang kinasihang payo: “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”—1 Tim. 4:16.