Mga Audio Recording—Kung Paano Gagamitin
1. Bukod sa mga mababasang publikasyon, ano pang kapaki-pakinabang na probisyon ang inilaan sa atin?
1 Marami ang natutuwa sa paggamit ng jw.org para basahin ang nakalulugod at wastong mga salita ng katotohanan. (Ecles. 12:10) Pero nagamit mo na ba ang mga audio recording? Nakatutulong ito para mapakinggan natin ang marami pang impormasyon sa ating website. Paano tayo maaaring makinabang sa mga audio recording?
2. Paano natin maaaring gamitin ang mga audio recording para sa ating personal o pampamilyang pag-aaral?
2 Para sa Ating Personal o Pampamilyang Pag-aaral: Ang pakikinig sa mga audio recording ng Bibliya, magasin, o ng isang publikasyon habang nagbibiyahe o may ginagawa ay makatutulong sa atin na magamit nang husto ang ating panahon. (Efe. 5:15, 16) Para maiba naman, puwede natin itong gamitin sa ating pampamilyang pagsamba. Pakikinggan natin ang pagbabasa ng materyal habang sinusubaybayan ito sa sarili nating kopya. Malaking tulong ang mga audio recording sa ating personal na pag-aaral, lalo na kung gusto nating sumulong sa ating pagbabasa o mag-aral ng bagong wika.
3. Sino sa ating teritoryo ang maaaring makinabang sa mga audio recording?
3 Para sa Ministeryo: Sa ating teritoryo, may mga taong wala nang panahong magbasa, kaya baka gusto nilang makinig na lang sa mga audio recording. O baka may makausap tayo na iba ang wika at mas malamang na tanggapin ang mensahe ng Kaharian kapag narinig nila ito sa kanilang “sariling wika.” (Gawa 2:6-8) Sa ilang lugar, ang pakikinig ay isang mahalagang bahagi ng kultura. Halimbawa, sa kulturang Hmong, karaniwan nang bibigan ang pagpapasa ng kasaysayan sa nakababatang henerasyon at natatandaan nila ang impormasyong kanilang naririnig. Sa maraming kultura sa Africa, natututo ang mga tao sa pamamagitan ng pagkukuwento.
4. Ano ang puwede nating itanong sa ating sarili tungkol sa pagtulong sa mga tao sa ating teritoryo?
4 Sa inyong teritoryo, magiging kapaki-pakinabang ba kung ipe-play mo ang isang sampol ng audio recording sa sariling wika ng may-bahay? May makikinabang ba sa publikasyon sa audio na ipadadala natin sa e-mail? Puwede ba tayong mag-download ng isang publikasyon sa audio at i-save sa CD, at ibigay ito sa isang interesado kasama ang nakaimprentang kopya nito? Bawat kumpletong electronic file ng aklat, brosyur, magasin, o tract na naibibigay natin ay puwedeng iulat bilang placement. Ang mga audio recording ay dinisenyo para sa ating personal na pag-aaral at sa pagtatanim ng binhi ng katotohanan tungkol sa Kaharian.—1 Cor. 3:6.