ARALING ARTIKULO 7
Mahal na Mahal Natin ang Ating Ama, si Jehova
“Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.”—1 JUAN 4:19.
AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
NILALAMANa
1-2. Bakit at paano tayo binigyan ni Jehova ng pagkakataong maging bahagi ng pamilya niya?
INANYAYAHAN tayo ni Jehova na maging bahagi ng kaniyang pamilya ng mga mananamba. Napakaganda ngang paanyaya! Ang ating pamilya ay binubuo ng mga taong nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos at nananampalataya sa haing pantubos ng kaniyang Anak. Masaya ang pamilya natin. Makabuluhan ang buhay natin, at may pag-asa tayong mabuhay nang walang hanggan—sa langit man o sa Paraisong lupa.
2 Dahil mahal tayo ni Jehova, napakalaki ng isinakripisyo niya para mabigyan tayo ng pagkakataong maging bahagi ng pamilya niya. (Juan 3:16) Tayo ay “binili . . . sa malaking halaga.” (1 Cor. 6:20) Sa pamamagitan ng pantubos, binigyan tayo ni Jehova ng pagkakataong maging malapít sa kaniya. Karangalan nating tawaging “Ama” ang pinakadakilang Persona sa uniberso. At gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, si Jehova ang pinakamahusay na Ama.
3. Ano-ano ang maaari nating itanong? (Tingnan din ang kahong “Napapansin Kaya Ako ni Jehova?”)
3 Gaya ng isang manunulat ng Bibliya, baka maitanong din natin: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa akin?” (Awit 116:12) Ang totoo, hindi natin kayang suklian ang lahat ng ginagawa niya para sa atin. Pero dahil sa pagmamahal niya, napapakilos tayong mahalin din siya. Isinulat ni apostol Juan: “Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Paano natin maipapakitang mahal natin ang ating Ama?
MANATILING MALAPÍT KAY JEHOVA
Ipinapakita nating mahal na mahal natin ang ating Ama sa langit, si Jehova, kapag lagi tayong nananalangin sa kaniya, kapag sumusunod tayo sa kaniya, at kapag tinutulungan natin ang iba na mahalin siya (Tingnan ang parapo 4-14)
4. Ayon sa Santiago 4:8, bakit dapat tayong magsikap na maging malapít kay Jehova?
4 Gusto ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya at makipag-usap sa kaniya. (Basahin ang Santiago 4:8.) Hinihimok niya tayong “magmatiyaga . . . sa pananalangin,” at lagi siyang nakikinig. (Roma 12:12) Handa siyang makinig sa lahat ng pagkakataon. At para na rin tayong nakikinig sa kaniya kapag binabasa natin ang kaniyang Salita, ang Bibliya, pati na ang mga publikasyong tumutulong sa atin na maintindihan ito. Masasabi ring pinapakinggan natin siya kapag nakikinig tayong mabuti sa mga pulong. Kung paanong nananatiling malapít ang mga anak sa magulang nila kapag lagi silang magkausap, mananatili rin tayong malapít kay Jehova kapag lagi natin siyang kinakausap at pinapakinggan.
Tingnan ang parapo 5
5. Paano natin mapapasulong ang ating mga panalangin?
5 Pag-isipan kung paano ka nakikipag-usap kay Jehova. Gusto niyang ibuhos natin ang laman ng ating puso kapag nananalangin. (Awit 62:8) Pag-isipan natin ang tanong na ito: ‘Ang mga panalangin ko ba ay mababaw at paulit-ulit, o taimtim at mula sa puso?’ Siguradong mahal na mahal mo si Jehova at gusto mong panatilihing malapít ang kaugnayan mo sa kaniya. Para magawa iyan, dapat na lagi kayong nag-uusap. Sabihin sa kaniya ang mga bagay na hindi mo masabi sa iba, pati na ang mga nagpapasaya at nagpapalungkot sa iyo. Puwede kang humingi ng tulong sa kaniya.
6. Ano ang dapat nating gawin para manatiling malapít sa ating Ama sa langit?
6 Para manatiling malapít sa ating Ama sa langit, dapat tayong maging mapagpasalamat. Sang-ayon tayo sa sinabi ng salmista: “Napakarami mong ginawa, O Jehova na aking Diyos, ang iyong kamangha-manghang mga gawa at ang mga iniisip mo para sa amin. Walang maikukumpara sa iyo; subukan ko mang sabihin ang tungkol sa mga iyon, hindi ko mababanggit ang lahat ng iyon dahil sa dami!” (Awit 40:5) Ang pasasalamat kay Jehova ay hindi lang basta nasa loob natin; ipinapakita rin natin ito sa salita at gawa. Kaya nga ibang-iba tayo sa mga tao sa ngayon. Marami sa ngayon ang hindi nagpapahalaga sa ginagawa ng Diyos para sa kanila. Sa katunayan, ang isang palatandaan na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ay ang pagiging walang utang na loob ng mga tao. (2 Tim. 3:1, 2) Ayaw nating maging gaya nila!
7. Ano ang gusto ni Jehova na gawin natin, at bakit?
7 Ayaw ng mga magulang na nag-aaway ang mga anak nila; gusto nilang maging magkakaibigan ang mga ito. Ganiyan din ang gusto ni Jehova. Ang totoo, ang pag-ibig natin sa isa’t isa ang katibayan na tayo ay tunay na mga Kristiyano. (Juan 13:35) Sinabi nga ng salmista: “Napakabuti at napakaganda na ang magkakapatid ay magkakasama at nagkakaisa!” (Awit 133:1) Kapag mahal natin ang mga kapatid, pinapatunayan natin kay Jehova na mahal natin siya. (1 Juan 4:20) Nakakatuwa ngang maging bahagi ng isang pamilya na “mabait . . . sa isa’t isa at tunay na mapagmalasakit”!—Efe. 4:32.
MAGING MASUNURIN
Tingnan ang parapo 8
8. Ayon sa 1 Juan 5:3, ano ang pangunahing dahilan kung bakit natin sinusunod si Jehova?
8 Inaasahan ni Jehova na susundin ng mga anak ang kanilang magulang, at inaasahan din niyang susundin natin siya. (Efe. 6:1) Dapat lang natin siyang sundin dahil siya ang ating Maylalang, ang Tagatustos ng buhay, at ang pinakamatalino sa lahat ng magulang. Pero ang pangunahing dahilan kung bakit natin siya sinusunod ay dahil mahal natin siya. (Basahin ang 1 Juan 5:3.) Maraming dahilan kung bakit dapat tayong sumunod kay Jehova, pero hindi niya tayo pinipilit na gawin iyan. Binigyan niya tayo ng kalayaang magpasiya, kaya natutuwa siya kapag sumusunod tayo sa kaniya dahil sa pag-ibig.
9-10. Bakit mahalagang malaman kung ano ang mga pamantayan ng Diyos at sundin ang mga ito?
9 Gusto ng mga magulang na maging ligtas ang mga anak nila. Kaya naman nagtatakda sila ng mga patakaran para protektahan ang mga ito. Kapag sinusunod ito ng mga anak, ipinapakita nilang may tiwala at paggalang sila sa mga magulang nila. Lalo ngang mahalaga na malaman natin ang mga pamantayan ni Jehova at sumunod sa mga ito. Kapag ginawa natin iyan, ipinapakita nating si Jehova ay mahal natin at iginagalang, at nakikinabang din tayo. (Isa. 48:17, 18) Pero ang mga hindi sumusunod kay Jehova at sa mga pamantayan niya ay napapahamak.—Gal. 6:7, 8.
10 Kung mamumuhay tayo sa paraang gusto ni Jehova, mapoprotektahan tayo sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. Alam ni Jehova kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Sinabi ni Aurora, na taga-United States, “Ang pagsunod kay Jehova ang pinakamabuti para sa atin.” Totoo iyan para sa ating lahat. Hindi ba nakinabang ka na rin sa pagsunod sa mga pamantayan ni Jehova?
11. Paano tayo natutulungan ng panalangin?
11 Matutulungan tayo ng panalangin na sumunod kahit mahirap. Minsan, nahihirapan tayong sundin si Jehova dahil hindi tayo perpekto, pero dapat tayong magsikap. Nakiusap sa Diyos ang salmista: “Bigyan mo ako ng pagnanais na sundin ka.” (Awit 51:12) Sinabi ni Denise, isang regular pioneer, “Kapag nahihirapan akong sundin ang utos ni Jehova, humihingi ako sa kaniya ng lakas para magawa ang tama.” Makakatiyak tayong laging sasagutin ni Jehova ang ganiyang panalangin.—Luc. 11:9-13.
TULUNGAN ANG IBA NA MAHALIN ANG ATING AMA
12. Ayon sa Efeso 5:1, ano ang dapat nating gawin?
12 Basahin ang Efeso 5:1. Bilang “minamahal na mga anak” ni Jehova, ginagawa natin ang lahat para tularan siya. Natutularan natin siya kapag mapagmahal, mabait, at mapagpatawad tayo sa iba. Kapag nakikita ng mga hindi nakakakilala sa Diyos ang mabuting paggawi natin, gugustuhin nilang mas matuto pa tungkol sa kaniya. (1 Ped. 2:12) Dapat magsikap ang Kristiyanong mga magulang na tularan ang pakikitungo ni Jehova sa atin. Kapag ginawa nila iyan, gugustuhin din ng mga anak nila na maging kaibigan si Jehova.
Tingnan ang parapo 13
13. Ano ang dapat nating gawin para lumakas ang loob natin?
13 Ipinagmamalaki ng isang bata ang tatay niya, at gustong-gusto niya siyang ikuwento sa iba. Ipinagmamalaki rin natin ang ating Ama sa langit, si Jehova, at gusto nating makilala siya ng iba. Gusto nating lahat na gawin ang sinabi ni Haring David: “Ipagmamalaki ko si Jehova.” (Awit 34:2) Pero paano kung mahiyain tayo? Lalakas ang loob natin kapag inisip nating mapapasaya natin si Jehova kapag ipinapakilala natin siya sa iba at na makikinabang ang iba kapag nakilala nila siya. Ibibigay ni Jehova ang lakas ng loob na kailangan natin. Tinulungan niya ang mga Kristiyano noon na maging malakas ang loob, at tutulungan niya rin tayo.—1 Tes. 2:2.
14. Bakit dapat tayong makibahagi sa paggawa ng mga alagad?
14 Hindi nagtatangi si Jehova, at natutuwa siya kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig sa iba, anuman ang pinagmulan nila. (Gawa 10:34, 35) Ang isa sa pinakamagandang paraan para magawa ito ay ang pagbabahagi sa kanila ng mabuting balita. (Mat. 28:19, 20) Ano ang puwedeng maging epekto nito sa mga makikinig? Magkakaroon sila ng mas makabuluhang buhay sa ngayon at ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa hinaharap.—1 Tim. 4:16.
MAHALIN ANG ATING AMA AT MAGING MASAYA
15-16. Ano-ano ang dahilan natin para maging masaya?
15 Si Jehova ay isang mapagmahal na Ama, at gusto niyang maging masaya ang pamilya niya. (Isa. 65:14) Maraming dahilan para maging masaya tayo ngayon kahit napakaraming problema. Halimbawa, sigurado tayong mahal na mahal tayo ng ating Ama. May tumpak na kaalaman tayo sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Jer. 15:16) At bahagi tayo ng isang espesyal na pamilya na umiibig kay Jehova, sumusunod sa mga pamantayan niya, at may pagmamahal sa isa’t isa.—Awit 106:4, 5.
16 Masaya tayo kasi alam nating mas gaganda pa ang buhay natin sa hinaharap. Alam nating malapit nang alisin ni Jehova ang masasama at sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, gagawin niyang Paraiso ang buong lupa. Taglay rin natin ang napakagandang pag-asa na bubuhaying muli ang mga namatay nating mahal sa buhay at makakasama natin sila ulit. (Juan 5:28, 29) Siguradong napakasaya niyan! At higit sa lahat, sigurado tayong darating ang panahon na ang lahat ng nasa langit at lupa ay magpaparangal, pupuri, at sasamba sa ating mapagmahal na Ama.
AWIT 12 Dakilang Diyos, Jehova
a Alam nating mahal na mahal tayo ng ating Ama, si Jehova, at ginawa niya tayong bahagi ng kaniyang pamilya ng mga mananamba. Dahil diyan, napapakilos tayong mahalin din siya. Paano natin maipapakitang mahal natin ang ating Ama? Tatalakayin sa artikulong ito ang ilang bagay na puwede nating gawin.