Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w21 Oktubre p. 29-31
  • 1921—100 Taon Na ang Nakalipas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 1921—100 Taon Na ang Nakalipas
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • WALANG-TAKOT NA MGA MÁNGANGARÁL
  • PERSONAL AT PAMPAMILYANG PAG-AARAL
  • ISANG BAGONG AKLAT!
  • MARAMI PANG GAWAIN
  • Pinagpapala ang Tumutupad sa Hinihiling ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • 1922—100 Taon Na ang Nakalipas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Mga Pagpapasiyang Makapagpapaligaya sa Iyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Pangangaral sa Madla at sa Bahay-bahay
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
w21 Oktubre p. 29-31

1921 100 Taon Na Ang nakalipas

“ANO, kung gayon, ang gawain na aabangan natin sa taóng ito?” Iyan ang tanong ng Watch Tower noong Enero 1, 1921 sa mga Estudyante ng Bibliya. Bilang sagot, sinipi nito ang Isaias 61:1, 2, na nagpaalala sa kanila ng atas nilang mangaral. “Pinahiran ako ni Jehova upang maghayag ng mabuting balita sa maaamo . . . , upang ihayag ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.”

WALANG-TAKOT NA MGA MÁNGANGARÁL

Para magawa ang atas nila, dapat na malakas ang loob ng mga Estudyante ng Bibliya. Bukod kasi sa pangangaral ng “mabuting balita” sa maaamo, kailangan din nilang ihayag ang “araw ng paghihiganti” sa masasama.

Si Brother J. H. Hoskin, na taga-Canada, ay lakas-loob na nangaral kahit may mga kumokontra. Noong tagsibol ng 1921, may nakausap siyang ministro ng Metodista. Sinabi ni Brother Hoskin sa ministro: “Dapat nating pag-usapan nang maayos ang Kasulatan. Kung hindi man tayo magkasundo sa ilang bagay, hindi naman natin kailangang mag-away at puwede pa rin tayong maging magkaibigan.” Pero hindi ganiyan ang nangyari. Naalala ni Brother Hoskin: “Ilang minuto pa lang kaming nag-uusap, sinuntok [ng ministro] nang sobrang lakas ang pinto. Akala ko nga, malalaglag y’ong malaking salamin ng pinto.”

“Ba’t hindi kayo do’n magpunta sa mga di-Kristiyano at sila ang kausapin n’yo?” ang sigaw ng ministro. Hindi sumagot si Brother Hoskin. Pero habang papaalis siya, naisip niya, ‘Pakiramdam ko nga, di-Kristiyano ang nakausap ko eh!’

Kinabukasan, sa sermon ng ministro, marami itong sinabing di-maganda tungkol kay Brother Hoskin. “Siniraan niya ako sa mga miyembro nila. Sinabi niya na ako daw ang pinakasinungaling na pumunta sa bayan nila at dapat akong barilin,” ang sabi ni Brother Hoskin. Pero hindi siya nasiraan ng loob. Nagpatuloy lang siya sa pangangaral, at marami siyang nakausap. Sinabi niya: “Ngayon lang ako naging ganito kasaya sa pangangaral. May mga nagsabi pa nga sa akin, ‘Alam kong lingkod ka ng Diyos!’ at nagtanong kung may maitutulong sila sa akin.”

PERSONAL AT PAMPAMILYANG PAG-AARAL

Para matulungan ang mga tao na mas maintindihan ang Kasulatan, naglathala ang mga Estudyante ng Bibliya sa The Golden Agea ng mga programa ng pag-aaral sa Bibliya. Sa programa na Juvenile Bible Study, may mga tanong na magagamit ang mga magulang sa pagtuturo sa mga anak nila. ‘Ipapakita ng mga magulang sa mga anak nila ang mga tanong at tutulungan ang mga ito na mahanap ang sagot sa Bibliya.’ Ang ilang tanong gaya ng “Ilan ang aklat sa Bibliya?” ay nagtuturo ng mga simpleng bagay tungkol sa Bibliya. Ang ibang tanong naman gaya ng “Dapat bang asahan ng lahat ng tunay na Kristiyano na pag-uusigin sila?” ay tumutulong sa mga kabataan na lakas-loob na mangaral.

Sa programa na Advanced Studies in the Divine Plan of the Ages, may mga tanong para sa mga Estudyante ng Bibliya na marami nang alam sa Kasulatan. Makikita ang mga sagot sa unang tomo ng Studies in the Scriptures. Malaki ang naitulong ng mga programang ito sa libo-libong mambabasa noon. Pero sinabi sa The Golden Age ng Disyembre 21, 1921 na ititigil na ang mga ito. Bakit naman?

ISANG BAGONG AKLAT!

Ang aklat na The Harp of God

Bookmark kung saan nakalagay ang mga pahinang babasahin ng estudyante

Mga card na may mga tanong

Naisip ng mga nangunguna na kailangang matutuhan ng mga nagsisimula pa lang mag-aral ng Bibliya ang mahahalagang katotohanan sa sistematikong paraan. Kaya noong Nobyembre 1921, inilabas ang aklat na The Harp of God. Ang mga interesado na tumanggap ng aklat ay itinala rin sa The Harp Bible Study Course. Nakatulong ito sa kanila na maunawaan ang “layunin ng Diyos na pagpalain ang mga tao at bigyan ng buhay na walang hanggan.” Pero paano ginawa ang pag-aaral na ito?

Kapag tumanggap ng aklat ang isang interesado, makakatanggap din siya ng isang maliit na card at makikita niya doon ang mga pahinang babasahin niya sa aklat. Pagkalipas ng isang linggo, makakatanggap siya ng isa pang card na may mga tanong tungkol sa binasa niya. Makikita rin sa card na ito ang mga susunod na babasahin niya.

Ang kurso ay aabot nang 12 linggo. At kada linggo, makakatanggap ang estudyante ng isang card, na ipapadala sa kaniya ng klase, o kongregasyon, na malapit sa kaniya. Ipinapadala ang mga card sa pamamagitan ng sulat, at madalas, ang gumagawa nito ay ang mga may-edad sa kongregasyon o ang mga hindi na kayang magbahay-bahay. Halimbawa, sinabi ni Anna K. Gardner, na taga-Millvale, Pennsylvania, U.S.A.: “Nang ilabas ang The Harp of God, dumami ang puwedeng gawin ng kapatid kong may kapansanan na si Thayle. Siya ang nagpapadala linggo-linggo ng mga card na may mga tanong.” Kapag natapos ng isang estudyante ang kurso, may dadalaw sa kaniya para matulungan siyang mas matuto pa tungkol sa Bibliya.

Si Thayle Gardner na naka-wheelchair

MARAMI PANG GAWAIN

Sa pagtatapos ng taon, sumulat si Brother J. F. Rutherford sa lahat ng klase. Sinabi niya na “ang pagpapatotoo tungkol sa Kaharian sa taóng ito ay mas malawak at mas epektibo kaysa noong nakaraang mga taon.” Sinabi pa niya: “Marami pang kailangang gawin. Pasiglahin ang iba pa na sumama sa mahalagang gawaing ito.” Malinaw na sinunod ito ng mga Estudyante ng Bibliya dahil noong 1922, lakas-loob nilang ipinangaral ang tungkol sa Kaharian sa ekstraordinaryong paraan.

Walang-Takot na mga Kaibigan

Ipinakita ng mga Estudyante ng Bibliya ang pag-ibig nila sa mga kapatid sa pamamagitan ng pagtutulungan. Naging walang-takot na mga kaibigan sila na “maaasahan kapag may problema,” gaya ng makikita sa sumusunod na pangyayari.​—Kaw. 17:17.

Noong Martes, Mayo 31, 1921, naganap ang kilaláng Tulsa Race Massacre sa Tulsa, Oklahoma, U.S.A. Isang lalaking itim ang ibinilanggo at kinasuhan dahil sa pag-atake sa isang babaeng puti. Nang magkagulo ang mahigit 1,000 puti at isang maliit na grupo ng mga itim, umabot ang kaguluhan sa Greenwood, kung saan maraming itim ang naninirahan. Mahigit 1,400 bahay at negosyo ang ninakawan at sinunog. Sinasabing 36 ang opisyal na bilang ng namatay, pero posibleng daan-daan talaga iyon.

Ikinuwento ni Brother Richard J. Hill, isang itim na Estudyante ng Bibliya at residente ng Greenwood: “Noong gabi ng riot, may klase kami sa pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos ng klase, nakarinig kami ng barilan sa bayan. Halos magdamag naming naririnig iyon.” Kinaumagahan ng Miyerkules, Hunyo 1, mas lumala ang sitwasyon. “May ilang nagpunta sa amin at nagsabi na kung gusto naming maligtas, mas mabuti kung pupunta kami agad sa Convention Hall.” Kaya tumakas si Brother Hill kasama ang asawa at limang anak niya papunta sa Convention Hall ng Tulsa. Mga 3,000 itim ang pinoprotektahan doon ng National Guard, na pinapunta doon para ayusin ang kaguluhan.

Nang panahong iyon, matapang na nagdesisyon si Arthur Claus, isang brother na puti. “Nang marinig ko na nasa Greenwood na ang mga nagra-riot at ninanakawan nila at sinusunog ang mga bahay, nagdesisyon akong puntahan ang kaibigan kong si Brother Hill.”

Gamit ang The Harp of God, tinuruan ni Arthur Claus ang isang klase ng 14 na bata

Pagkarating ni Arthur sa bahay ni Brother Hill, nakita niya ang isang puting kapitbahay nito na may hawak na baril. Kaibigan din ito ni Brother Hill, at akala nito, isa si Arthur sa mga nagra-riot. Sumigaw ito, “Bakit nandito ka?”

“Kung nagkamali ako ng sagot sa kaniya, baka binaril niya ako,” ang kuwento ni Arthur. “Sinabi ko na kaibigan ako ni Brother Hill at maraming beses na akong nakapunta sa bahay nila.” Naprotektahan ni Arthur at ng kapitbahay na iyon ang bahay ni Brother Hill, at hindi ito nanakawan.

Di-nagtagal, nalaman ni Arthur na nasa Convention Hall si Brother Hill at ang pamilya nito. May nakapagsabi kay Arthur na walang itim na makakaalis doon hangga’t walang utos na pirmado ni General Barrett, ang opisyal na namamahala doon. Ikinuwento ni Arthur: “Hindi madaling makausap ang heneral. Nang sabihin ko sa kaniya ang mga plano ko, itinanong niya, ‘Poprotektahan mo ba ang pamilyang ito at aasikasuhin ang mga pangangailangan nila?’ Siyempre, sinabi kong oo.”

Hawak ang dokumento, agad na nagpunta sa Convention Hall si Arthur. Ipinakita niya ito sa isang opisyal, at gulat na gulat nitong sinabi: “Aba! At pirmado ito ng heneral! Alam mo bang ikaw ang kauna-unahang makakapaglabas ng tao dito sa buong maghapon?” Nahanap din agad si Brother Hill at ang pamilya nito. Pagkatapos, nagsiksikan silang lahat sa kotse ni Arthur at inihatid niya sila pauwi.

“Lahat tayo ay pantay-pantay sa bayan ng Diyos”

Sinigurado ni Arthur na ligtas si Brother Hill at ang pamilya nito. Nang makita ng iba ang lakas ng loob niya at pagmamahal sa mga kapatid, maganda ang naging epekto nito. Sinabi ni Arthur: “Mas napalapít sa katotohanan ang kapitbahay na tumulong para protektahan ang bahay nina Brother Hill. At marami ang naging interesado sa Kaharian dahil nakita nila na hindi hadlang ang pagkakaiba-iba ng lahi at na lahat tayo ay pantay-pantay sa bayan ng Diyos.”

a Ang The Golden Age ay tinawag na Consolation noong 1937 at Awake! noong 1946.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share