3 | Makakatulong ang mga Halimbawa sa Bibliya
MABABASA SA BIBLIYA . . . Ang tapat na mga lalaki at babae na “may damdaming tulad ng sa atin.”—SANTIAGO 5:17.
Ibig Sabihin
Sa Bibliya, marami tayong mababasa tungkol sa mga lalaki at babaeng nakaramdam ng iba’t ibang emosyon. Sa pagbabasa natin ng Bibliya, baka makakita tayo ng isang karakter na may karanasang gaya ng sa atin.
Kung Paano Ito Makakatulong
Gusto nating lahat na may makaintindi sa atin. Pero lalo nating kailangan iyan kapag may problema tayo sa mental na kalusugan. Kapag nababasa natin ang karanasan ng ilang karakter sa Bibliya, baka maka-relate tayo sa kanila. Dahil diyan, nararamdaman nating may karamay tayo at hindi tayo nag-iisa kapag sobra tayong nag-aalala o nalulungkot.
Sa Bibliya, mababasa natin ang sinabi ng ilang nakaramdam na nag-iisa sila at wala nang pag-asa. Nasabi mo na rin ba, ‘Hindi ko na kaya’? Nasabi iyan nina Moises, Elias, at David.—Bilang 11:14; 1 Hari 19:4; Awit 55:4.
Mababasa natin sa Bibliya ang tungkol kay Hana. “Napakabigat ng kalooban” niya dahil hindi siya magkaanak at laging iniinsulto ng karibal niyang si Penina.—1 Samuel 1:6, 10.
Makaka-relate din tayo kay Job. Matibay ang pananampalataya niya pero noong dumanas siya ng napakatitinding problema, nasabi niya: “Kinamumuhian ko ang buhay ko; ayoko nang mabuhay pa.”—Job 7:16.
Kapag pinag-aralan natin kung paano napagtagumpayan ng mga karakter na ito sa Bibliya ang negatibong kaisipan, magkakaroon din tayo ng lakas para makayanan ang mga pinagdaraanan natin.