ARALING ARTIKULO 7
Makinabang sa Pagbabasa Mo ng Bibliya
“Ano ang naintindihan mo sa nabasa mo?”—LUC. 10:26.
AWIT 97 Kailangan ang Salita ng Diyos Para Mabuhay
NILALAMANa
1. Paano ipinakita ni Jesus na mahalaga sa kaniya ang Kasulatan?
NAI-IMAGINE mo ba na nakikinig ka sa mga turo ni Jesus? Napakaraming beses siyang sumipi sa Banal na Kasulatan. At lahat ng iyon, kabisado niya! Sa katunayan, sinipi ni Jesus mula sa Kasulatan ang unang mga salitang binanggit niya pagkatapos ng bautismo niya at ang ilan sa mga sinabi niya bago siya mamatay.b (Deut. 8:3; Awit 31:5; Luc. 4:4; 23:46) At sa loob ng tatlo at kalahating taon ng buhay ni Jesus, madalas niyang binabasa sa publiko ang Kasulatan at sinisipi niya at ipinapaliwanag ito sa kanila.—Mat. 5:17, 18, 21, 22, 27, 28; Luc. 4:16-20.
Sa buong buhay ni Jesus, ipinakita niya na mahal niya ang Kasulatan at nagpaimpluwensiya siya rito (Tingnan ang parapo 2)
2. Ano ang nakatulong kay Jesus na maging bihasa sa Kasulatan habang lumalaki siya? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
2 Maraming taon bago simulan ni Jesus ang ministeryo niya, paulit-ulit niyang binasa at narinig ang Salita ng Diyos. Sa bahay, siguradong naririnig ni Jesus sina Maria at Jose na sinisipi ang Kasulatan kapag nag-uusap silang pamilya araw-araw.c (Deut. 6:6, 7) Sigurado rin tayong pumupunta siya sa sinagoga tuwing Sabbath kasama ng pamilya niya. (Luc. 4:16) At doon, siguradong nakinig siyang mabuti habang binabasa ang Kasulatan. Dumating ang panahon na siya na mismo ang nagbabasa ng Banal na mga Kasulatan. Bilang resulta, hindi lang naging bihasa si Jesus sa Kasulatan kundi minahal niya rin ito at hinayaan niyang maimpluwensiyahan nito ang buhay niya. Halimbawa, tingnan ang nangyari sa templo noong 12 taóng gulang pa lang si Jesus. “Hangang-hanga sa kaniyang unawa at mga sagot” ang mga guro na bihasa sa Kautusang Mosaiko.—Luc. 2:46, 47, 52.
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Habang regular nating binabasa ang Salita ng Diyos, matututo rin tayo at mamahalin natin ito. Pero paano tayo mas makikinabang sa binabasa natin? May matututuhan tayo sa mga sinabi ni Jesus sa mga taong pamilyar sa Kautusan, gaya ng mga eskriba, Pariseo, at Saduceo. Madalas nilang binabasa ang Kasulatan, pero hindi sila nakinabang sa binabasa nila. Sinabi ni Jesus ang tatlong bagay na dapat ginawa ng mga lalaking ito para nakinabang sana sila nang lubusan sa Kasulatan. Makakatulong sa atin ang mga sinabi niya sa kanila para (1) mas maunawaan ang binabasa natin, (2) mas makahanap ng mahahalagang aral, at (3) mas magpaimpluwensiya sa Salita ng Diyos.
UNAWAIN ANG BINABASA MO
4. Ano ang itinuturo sa atin ng Lucas 10:25-29 tungkol sa pagbabasa ng Salita ng Diyos?
4 Gusto nating maunawaan ang ibig sabihin ng mga binabasa natin sa Salita ng Diyos. Kung hindi, baka hindi tayo lubusang makinabang dito. Halimbawa, pansinin ang pag-uusap ni Jesus at ng “isang lalaki na eksperto sa Kautusan.” (Basahin ang Lucas 10:25-29.) Nang magtanong ang lalaki kung paano siya magkakaroon ng buhay na walang hanggan, tinulungan siya ni Jesus na makita ang sagot sa Salita ng Diyos. Nagtanong si Jesus: “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang naintindihan mo sa nabasa mo?” Tama ang isinagot ng lalaki. Sumipi siya sa Kasulatan at sinabing dapat ibigin ang Diyos at ang kapuwa. (Lev. 19:18; Deut. 6:5) Pero pansinin ang sumunod niyang sinabi: “Sino ba talaga ang kapuwa ko?” Makikita sa sinabi ng lalaki na hindi niya talaga naintindihan ang mga binasa niya sa Kasulatan, kaya hindi niya alam kung paano isasabuhay ito.
Matututuhan nating unawain ang binabasa natin
5. Paano makakatulong ang panalangin at pagbabasa nang hindi nagmamadali para mas maunawaan natin ang binabasa natin?
5 Mas mauunawaan natin ang Salita ng Diyos kung magkakaroon tayo ng magandang kaugalian sa pagbabasa. Ito ang ilan sa mga puwede mong gawin. Manalangin bago magbasa ng Bibliya. Kailangan natin ang tulong ni Jehova para maintindihan natin ito, kaya puwede tayong humingi ng banal na espiritu niya para makapagpokus. Huwag madaliin ang pagbabasa. Tutulong iyan na maunawaan mo ang binabasa mo. Makakatulong kung babasahin mo ito nang malakas o susubaybayan mo sa Bibliya ang audio recording nito. Kapag ginagamit mo ang paningin at pandinig mo sa pagbabasa, mas tumatagos sa puso’t isip mo ang Salita ng Diyos. (Jos. 1:8) Kapag tapos ka nang magbasa, manalangin ulit kay Jehova at pasalamatan siya sa regalo niyang Bibliya. Hilingin din na tulungan ka niyang maisabuhay ang binasa mo.
Bakit makakatulong sa iyo ang pagkuha ng maiikling nota para maunawaan at matandaan ang binabasa mo? (Tingnan ang parapo 6)
6. Paano makakatulong ang pagtatanong sa iyong sarili at paggawa ng maiikling nota kapag nagbabasa ka? (Tingnan din ang larawan.)
6 May dalawang bagay pa na puwede kang gawin para mas maunawaan mo ang Bibliya. Tanungin ang sarili mo tungkol sa mga binabasa mo. Kapag may binabasa ka sa Bibliya, alamin ang mga sagot sa mga tanong na ito: ‘Sino ang mga pangunahing tauhan? Sino ang nagsasalita? Sino ang kausap niya, at bakit? Kailan at saan ito nangyari?’ Tutulong sa iyo ang mga tanong na iyan para mapag-isipan mo at makuha ang mga pangunahing ideya sa binabasa mo. Gumawa rin ng maiikling nota habang nagbabasa ka. Kapag nagsusulat ka, mas pinag-iisipan mo ang mga binabasa mo, at tutulong iyan sa iyo na mas maintindihan ito. Tutulong din ang pagsusulat para maalala mo ang mga binasa mo. Puwede mong isulat ang mga tanong na pumasok sa isip mo, ang mga na-research mo, at ang mga pangunahing punto. Puwede mo ring isulat kung paano mo maisasabuhay ang mga binasa mo o kung ano ang naging epekto nito sa iyo. Kapag ginawa mo iyan, mas madarama mong para sa iyo talaga ang mensahe ng Salita ng Diyos.
7. Anong katangian ang kailangan natin kapag nagbabasa tayo, at bakit? (Mateo 24:15)
7 Sinabi ni Jesus ang mahalagang katangian na kailangan natin para maintindihan ang binabasa natin sa Salita ng Diyos—ang kaunawaan. (Basahin ang Mateo 24:15.) Ano ang kaunawaan? Ito ang kakayahang makita kung paano nauugnay ang isang ideya sa isa pang ideya at kung paano ito nagkakaiba. Ito rin ang kakayahang maintindihan ang isang bagay na hindi ganoon kalinaw. Isa pa, sinabi rin ni Jesus na kailangan natin ang kaunawaan para matukoy ang mga pangyayaring tumutupad sa mga hula sa Bibliya. Kailangan din natin ang katangiang ito para lubusan tayong makinabang sa lahat ng binabasa natin sa Bibliya.
8. Paano tayo magbabasa nang may kaunawaan?
8 Binibigyan ni Jehova ng kaunawaan ang mga lingkod niya. Kaya manalangin sa kaniya at hilinging tulungan ka na magkaroon ng katangiang ito. (Kaw. 2:6) Paano ka kikilos ayon sa ipinanalangin mo? Pag-isipang mabuti ang binabasa mo, at pansinin kung paano ito nauugnay sa dati mo nang alam. Makakatulong sa iyo ang mga publikasyon natin gaya ng Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga publikasyong ito ay tutulong sa iyo na maunawaan ang mga ulat sa Bibliya at makita kung paano mo ito magagamit sa buhay mo. (Heb. 5:14) Kapag ginawa mo iyan, mas lalalim ang kaunawaan mo sa Kasulatan.
HANAPIN ANG MAHAHALAGANG ARAL SA BINABASA MO
9. Anong mahalagang katotohanan ang hindi tinanggap ng mga Saduceo?
9 Alam na alam ng mga Saduceo ang unang limang aklat ng Hebreong Kasulatan, pero hindi nila tinanggap ang mahahalagang katotohanan sa mga aklat na iyon. Halimbawa, pansinin kung paano sumagot si Jesus nang subukin ng mga Saduceo ang kaalaman niya tungkol sa pagkabuhay-muli. Tinanong niya sila: “Hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa matinik na halaman, na sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’?” (Mar. 12:18, 26) Tiyak na maraming beses na itong nabasa ng mga Saduceo, pero ipinakita ng tanong ni Jesus na hindi nila tinanggap ang mahalagang katotohanan sa Kasulatan—ang turo tungkol sa pagkabuhay-muli.—Mar. 12:27; Luc. 20:38.d
10. Ano ang dapat nating bigyang-pansin kapag nagbabasa?
10 Ano ang matututuhan natin dito? Kapag nagbabasa, gusto nating magbigay-pansin sa mga aral na itinuturo sa atin ng isang teksto o ulat sa Bibliya. Hindi lang mga pangunahing turo ang gusto nating malaman kundi pati na ang malalalim na katotohanan at mga prinsipyo.
11. Ayon sa 2 Timoteo 3:16, 17, paano mo mahahanap ang mahahalagang aral sa Bibliya?
11 Paano mo mahahanap ang mahahalagang aral kapag nagbabasa ka ng Bibliya? Tingnan ang sinasabi ng 2 Timoteo 3:16, 17. (Basahin.) Sinasabi nito na “ang buong Kasulatan ay . . . kapaki-pakinabang” sa (1) pagtuturo, (2) pagsaway, (3) pagtutuwid, at (4) pagdidisiplina. Totoo rin iyan kahit sa mga aklat ng Bibliya na hindi mo madalas gamitin. Pag-isipan ang ulat na binabasa mo para makita kung ano ang itinuturo nito tungkol kay Jehova, sa layunin at mga prinsipyo niya. Pag-isipan din kung paano ito makakatulong sa pagsaway. Magagawa mo iyan kung aalamin mo kung paano makakatulong sa iyo ang mga teksto para malaman at matanggihan ang mga maling kaisipan o saloobin at para manatiling tapat kay Jehova. Tingnan kung paano magagamit ang mga iyon para ituwid ang isang maling pananaw, baka ng isa na nakausap mo sa ministeryo. At tingnan kung anong disiplina ang makukuha mo sa mga tekstong iyon para matularan mo ang kaisipan ni Jehova. Kapag isinaisip mo ang apat na ito, mahahanap mo ang mahahalagang aral at mas makikinabang ka sa pagbabasa mo ng Bibliya.
MAGPAIMPLUWENSIYA SA BINABASA MO
12. Bakit itinanong ni Jesus sa mga Pariseo: “Hindi ba ninyo nabasa?”
12 Itinanong din ni Jesus sa mga Pariseo: “Hindi ba ninyo nabasa?” (Mat. 12:1-7)e Ginawa niya iyon para ipakita na mayroon silang maling pananaw sa binabasa nila sa Kasulatan. Nang pagkakataong iyon, pinaratangan ng mga Pariseo ang mga alagad ni Jesus na nilabag nila ang Sabbath. Sinagot sila ni Jesus gamit ang dalawang halimbawa sa Kasulatan at sumipi siya ng isang teksto mula sa Oseas para ipakitang hindi naiintindihan ng mga Pariseo kung para saan ang Sabbath at na hindi sila nakapagpakita ng awa. Bakit hindi naimpluwensiyahan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos ang mga lalaking ito? Kasi mapagmataas sila at mapamintas. Dahil diyan, hindi nila naunawaan ang mga binasa nila.—Mat. 23:23; Juan 5:39, 40.
13. Kapag nagbabasa ng Bibliya, anong saloobin ang kailangan natin, at bakit?
13 Natutuhan natin sa mga sinabi ni Jesus na kailangan nating basahin ang Bibliya nang may tamang saloobin. Dapat tayong maging mapagpakumbaba at handang matuto, di-tulad ng mga Pariseo. Dapat nating “tanggapin nang may kahinahunan ang salitang itinatanim sa puso” natin. (Sant. 1:21) Kung mahinahon tayo at mapagpakumbaba, hahayaan nating baguhin tayo ng Salita ng Diyos. Maisasabuhay lang natin ang mga aral sa Bibliya tungkol sa awa, habag, at pag-ibig kung hindi tayo magiging mapagmataas o mapamintas.
Paano natin malalaman kung nagpapaimpluwensiya tayo sa Salita ng Diyos? (Tingnan ang parapo 14)f
14. Paano natin malalaman kung nagpapaimpluwensiya tayo sa Bibliya? (Tingnan din ang mga larawan.)
14 Makikita sa pakikitungo natin sa iba kung hinahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng Salita ng Diyos. Dahil hindi nakaabot sa puso ng mga Pariseo ang Salita ng Diyos, “hinatulan [nila] ang mga walang-sala.” (Mat. 12:7) Makikita rin sa pakikitungo at pananaw natin sa iba kung nagpapaimpluwensiya tayo sa Salita ng Diyos. Halimbawa, madalas ba nating sabihin ang magagandang katangian ng iba, o lagi nating binabanggit ang mga kahinaan nila? Maawain ba tayo at handang magpatawad, o mapamintas tayo at madaling maghinanakit? Makikita sa mga sagot natin sa mga tanong na iyan kung naiimpluwensiyahan ng mga binabasa natin ang ating kaisipan, damdamin, at pagkilos.—1 Tim. 4:12, 15; Heb. 4:12.
MAGIGING MASAYA KA KUNG BABASAHIN MO ANG SALITA NG DIYOS
15. Ano ang naramdaman ni Jesus tungkol sa Banal na Kasulatan?
15 Mahal ni Jesus ang Banal na Kasulatan. Makikita iyan sa hula na nasa Awit 40:8: “O aking Diyos, kaligayahan kong gawin ang kalooban mo, at ang kautusan mo ay nasa puso ko.” Dahil diyan, naging masaya siya at patuloy na nakapaglingkod kay Jehova. Magiging masaya rin tayo at patuloy na makakapaglingkod kay Jehova kung hahayaan nating makaabot sa puso natin ang Salita ng Diyos.—Awit 1:1-3.
16. Ano ang mga kailangan mong gawin para mas makinabang sa pagbabasa ng Salita ng Diyos? (Tingnan ang kahong “Tutulong ang mga Turo ni Jesus Para Maunawaan Mo ang Binabasa Mo.”)
16 Gaya ng makikita natin sa mga sinabi at halimbawa ni Jesus, pasulungin natin ang kakayahan nating magbasa ng Bibliya. Mas mauunawaan natin ang binabasa natin sa Bibliya kung mananalangin tayo, hindi natin mamadaliin ang pagbabasa, tatanungin natin ang ating sarili, at gagawa ng maiikling nota. Magagamit natin ang kaunawaan natin kung pag-iisipan nating mabuti ang binabasa natin sa tulong ng mga salig-Bibliyang publikasyon. Matututuhan nating mas gamitin ang Bibliya kahit ang mga teksto na hindi masyadong pamilyar kung hahanapin natin ang mahahalagang aral sa mga ulat na iyon. At nagpapaimpluwensiya tayo sa Salita ng Diyos kung mayroon tayong tamang saloobin kapag nagbabasa. Kung sisikapin nating gawin ang mga ito, mas makikinabang tayo sa pagbabasa natin ng Bibliya at mas mapapalapít tayo kay Jehova.—Awit 119:17, 18; Sant. 4:8.
AWIT 95 Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning
a Sinisikap ng lahat ng mananamba ni Jehova na basahin ang kaniyang Salita araw-araw. May iba ring nagbabasa ng Bibliya, pero hindi nila nauunawaan ang binabasa nila. At ganiyan ang ilang tao noong panahon ni Jesus. Kung pag-aaralan natin ang sinabi ni Jesus sa mga taong iyon na nagbabasa ng Salita ng Diyos, may matututuhan tayo na tutulong sa atin na mas makinabang sa pagbabasa natin ng Bibliya.
b Noong bautismuhan si Jesus at pahiran siya ng banal na espiritu, bumalik sa alaala niya ang kaniyang buhay sa langit.—Mat. 3:16.
c Alam na alam ni Maria ang Kasulatan, at lagi siyang sumisipi dito. (Luc. 1:46-55) Malamang na walang pambili ng mga kopya ng Kasulatan sina Jose at Maria. Kaya siguradong nakikinig silang mabuti habang binabasa sa sinagoga ang Salita ng Diyos para matandaan nila iyon.
d Tingnan ang artikulong “Maging Malapít sa Diyos—‘Siya ang Diyos . . . ng mga Buháy’” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2013.
e Sa Mateo 19:4-6, itinanong din ni Jesus sa mga Pariseo: “Hindi ba ninyo nabasa?” Kahit nabasa na nila ang ulat tungkol sa paglalang, hindi nila nauunawaan kung ano ang itinuturo nito tungkol sa pananaw ng Diyos sa pag-aasawa.
f LARAWAN: Sa pulong sa Kingdom Hall, nakagawa ng ilang pagkakamali ang isang brother na tumutulong sa pag-aasikaso sa audio at video. Pero pagkatapos ng pulong, sa halip na magpokus sa pagkakamali niya, binigyan siya ng komendasyon ng mga brother.