Luluwalhatiin ni Jehova ang pangalan niya magpakailanman
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa artikulong “Pakabanalin Nawa ang Pangalan Mo” sa Hunyo 2020 ng Bantayan, paano nilinaw ang paliwanag natin tungkol sa pangalan at soberanya ni Jehova?
Natutuhan natin sa artikulong iyon na iisa lang ang isyu na napapaharap sa lahat ng tao at anghel: ang pagpapabanal sa dakilang pangalan ni Jehova. Kaugnay ng malaking isyung ito ang isyu tungkol sa soberanya, na ang paraan ng pamamahala ni Jehova ang pinakamahusay, pati na ang isyu tungkol sa katapatan ng tao.
Bakit natin idinidiin ngayon na nakapokus ang pinakaimportanteng isyu sa pangalan ni Jehova at sa pagpapabanal dito? Tingnan ang tatlong dahilan.
Sinisiraan na ni Satanas ang pangalan ng Diyos mula pa nang magkaroon ng rebelyon sa hardin ng Eden
Una, siniraang-puri ni Satanas ang pangalan, o reputasyon, ni Jehova sa hardin ng Eden. Ipinapahiwatig ng tusong tanong ni Satanas kay Eva na mapagkait ang Diyos at hindi Siya makatuwiran sa ibinigay Niyang mga utos kina Adan at Eva. Direkta ring kinontra ni Satanas ang sinabi ni Jehova, na parang pinaparatangan niyang sinungaling ang Diyos. Sa ganoong paraan niya siniraan ang pangalan ni Jehova. Kaya tinawag si Satanas na “Diyablo,” na nangangahulugang “maninirang-puri.” (Juan 8:44) Dahil naniwala si Eva kay Satanas, sumuway ito sa Diyos at nagrebelde sa Kaniyang soberanya. (Gen. 3:1-6) Hanggang ngayon, sinisiraan pa rin ni Satanas ang pangalan ni Jehova at nagkakalat ito ng kasinungalingan tungkol sa Kaniya. Malamang na susuway kay Jehova ang mga mapapaniwala ni Satanas. Kaya para sa mga lingkod ng Diyos, ang paninira sa banal na pangalan ni Jehova ang pinakamatinding kawalang-katarungan. Ito ang ugat ng lahat ng pagdurusa at kasamaan sa mundo.
Ikalawa, para sa kapakanan ng lahat ng nilalang ni Jehova, ipagbabangong-puri niya ang kaniyang pangalan at lilinisin ang reputasyon niya. Napakahalaga nito kay Jehova. Sinabi niya: “Pababanalin ko ang aking dakilang pangalan.” (Ezek. 36:23) At sinabi ni Jesus ang pinakamahalagang dapat ipanalangin ng lahat ng tapat na lingkod ni Jehova: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mat. 6:9) Paulit-ulit na idiniin sa Bibliya na mahalagang luwalhatiin ang pangalan ni Jehova. Halimbawa: “Ibigay ninyo kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa pangalan niya.” (1 Cro. 16:29; Awit 96:8) “Umawit kayo ng mga papuri sa maluwalhati niyang pangalan.” (Awit 66:2) “Luluwalhatiin ko ang pangalan mo magpakailanman.” (Awit 86:12) Nang nasa templo sa Jerusalem si Jesus, sinabi niya: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Si Jehova mismo ang sumagot mula sa langit: “Niluwalhati ko ito at luluwalhatiing muli.”—Juan 12:28.a
Ikatlo, konektado ang layunin ni Jehova sa pangalan niya, o reputasyon. Pag-isipan ito: Pagkatapos ng huling pagsubok sa katapusan ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, ano ang susunod na mangyayari? Magkakabaha-bahagi pa ba ang mga anghel at tao tungkol sa malaking isyu, ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova? Para masagot iyan, balikan natin ang dalawang kaugnay na isyu—ang tungkol sa katapatan ng tao at sa soberanya sa buong uniberso. Sa panahong iyon, hindi na kailangang patunayan ng mga tao na tapat sila. Perpekto na sila at lubusan nang nasubok. Magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan. Hindi na rin magiging isyu ang tungkol sa soberanya sa buong uniberso. Lubusan nang napatunayan na ang paraan ng pamamahala ni Jehova ang pinakamahusay. Pero kumusta naman ang pangalan niya?
Sa panahong iyon, lubusan nang napabanal ang pangalan ni Jehova at malinis na ang reputasyon niya. Pero ang pangalan pa rin ni Jehova ang magiging pinakamahalaga sa mga lingkod niya sa langit at sa lupa. Bakit? Kasi patuloy nilang makikita ang kamangha-manghang mga bagay na gagawin ni Jehova. Pag-isipan ito: Dahil ibabalik ni Jesus ang pamamahala kay Jehova, ang Diyos na ang magiging “nag-iisang Tagapamahala ng lahat.” (1 Cor. 15:28) Pagkatapos, magiging masaya ang mga tao dahil magkakaroon sila ng “maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) At lubusang tutuparin ni Jehova ang layunin niya na gawing isang malaki at nagkakaisang pamilya ang lahat ng nilalang niya sa langit at sa lupa.—Efe. 1:10.
Dahil dito, ano ang mararamdaman ng pamilya ni Jehova sa langit at sa lupa? Siguradong gustong-gusto nilang patuloy na purihin ang magandang pangalan ni Jehova. Inawit ni David: “Purihin nawa ang Diyos na Jehova . . . Purihin nawa magpakailanman ang maluwalhati niyang pangalan.” (Awit 72:18, 19) Hindi tayo mauubusan ng dahilan para gawin iyan magpakailanman.
Kinakatawan ng pangalan ni Jehova ang buong personalidad niya. Kaya kapag naiisip natin ang pangalan ni Jehova, naiisip din natin ang pag-ibig niya. (1 Juan 4:8) Lagi nating maaalala na nilalang tayo ni Jehova dahil sa pag-ibig, inilaan niya ang haing pantubos dahil sa pag-ibig, at ipinakita niyang matuwid ang paraan ng pamamahala niya dahil sa pag-ibig. Pero patuloy nating mararamdaman ang pag-ibig ni Jehova sa atin magpakailanman. Dahil doon, lalo tayong mapapalapit sa ating Ama at walang hanggan nating pupurihin ang maluwalhating pangalan niya.—Awit 73:28.