Lagi bang mapagkakatiwalaan ang nararamdaman natin?
Tama at Mali: Ang Basehan ng mga Tao
May mga bagay na malinaw na tama o mali. Halimbawa, alam ng karamihan sa atin na talagang mali ang pagpatay, panghahalay, at pangmomolestiya sa bata. Sa kabaligtaran, pinupuri naman ang pagiging patas, mabait, at mapagmalasakit. Pero kumusta kapag nagdedesisyon tayo pagdating sa sex, pagiging tapat, at pagpapalaki ng mga anak? Maraming tao ang naniniwalang walang mali o tamang desisyon tungkol dito. Iniisip nila na halos lahat sa mga ito ay katanggap-tanggap. Madalas na gumagawa ng desisyon ang mga tao tungkol dito base sa nararamdaman nila o sa opinyon ng mga taong nakapaligid sa kanila. Tama nga kayang ibase sa mga ito ang mga desisyong ginagawa natin?
BASE SA NARARAMDAMAN NATIN
Madalas tayong magdesisyon base sa sinasabi ng konsensiya natin. Idinidikta nito kung ano ang tama at mali. (Roma 2:14, 15) Kahit nga ang mga bata, alam ang pagkakaiba ng patas at di-patas, at nakokonsensiya rin sila. Pero sa paglipas ng panahon, naiimpluwensiyahan ang konsensiya natin ng mga bagay na natututuhan natin mula sa ating pamilya, mga kasama, guro, komunidad, relihiyon, at kultura. Kaya kapag nagdedesisyon tayo, sinasabi ng konsensiya natin kung pareho ito o hindi sa mga natutuhan nating tama at mali.
Puwede rin tayong pakilusin ng konsensiya natin na maging mapagmalasakit, mapagpasalamat, patas, at maawain. Mapapakilos din tayo nito na huwag gawin ang mga bagay na makakasakit sa mga mahal natin sa buhay, o magiging dahilan ng kahihiyan o pagkakonsensiya.
Lagi bang mapagkakatiwalaan ang nararamdaman natin? Sinabi ni Garrick na noong kabataan siya, ginagawa niya kung ano ang gusto niya. Pero nakita niyang hindi naging maganda ang resulta ng pagsunod sa inaakala niyang tama. Sinabi niyang naging miserable ang buhay niya dahil sa imoralidad, pag-abuso sa droga, paglalasing, at karahasan.
BASE SA OPINYON NG IBA
Bukod sa nararamdaman natin, madalas tayong magdesisyon base sa opinyon ng iba. Dahil doon, nakikinabang tayo sa karanasan nila at karunungan. Nakukuha rin natin ang respeto ng ating pamilya, mga kaibigan, at komunidad kapag sinusunod natin ang sa tingin nila ay tama.
Lagi bang mapagkakatiwalaan ang opinyon ng iba? Noong kabataan pa si Priscila, ginagawa rin niya ang ginagawa ng mga kaibigan niya kaya madalas siyang makipag-sex. Kahit na ginagawa niya ang iniisip ng iba na tama, nakita niya na hindi siya naging masaya. Sinabi niya: “Ginagawa ko noon ang ginagawa ng iba, pero hindi ako naging masaya. Napahamak pa nga ako dahil doon.”
MAY MAS MAGANDA BANG PARAAN?
Kapag nagdedesisyon tayo kung ano ang tama at mali, karaniwan nang ibinabase natin ito sa nararamdaman natin at sa opinyon ng iba. Pero hindi laging maganda ang resulta nito. Kung minsan, nasasaktan natin ang ating sarili at ang iba dahil hindi natin alam kung ano ang magiging resulta ng mga desisyon natin. (Kawikaan 14:12) At hindi tayo nakakasiguro kung ang nararamdaman natin o opinyon ng iba ay may magagandang resulta. Sa katunayan, katanggap-tanggap na ngayon ang ilang bagay na itinuturing na mali noon. At ang ilang katanggap-tanggap noon ay mali na ngayon.
Lagi bang mapagkakatiwalaan ang pagsunod sa opinyon ng iba?
May mas maganda bang paraan kapag nagdedesisyon tayo kung ano ang tama at mali? May iba pa ba tayong magagamit na basehan sa ngayon na hindi natin pagsisisihan sa bandang huli?
Mabuti na lang, may basehan na makakatulong sa ating lahat saanman tayo nakatira. Lagi itong maaasahan at hindi pabago-bago. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung ano ang pinakamagandang basehan ng tama at mali.