Kung Paano Nakakaapekto sa Lahat ang Digmaan at Kaguluhan
“Ngayon lang ulit nagkaroon ng ganito karaming mararahas na labanan sa buong mundo mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at 2 bilyon katao—isa sa bawat apat na tao—ang nakatira sa mga lugar na apektado.”
United Nations Deputy Secretary-General Amina J. Mohammed, Enero 26, 2023.
Posibleng magkaroon ng digmaan at kaguluhan kahit sa mga lugar na hindi mo iisiping mangyayari iyon. Puwede rin nitong maapektuhan kahit ang mga lugar na malayo dito. At kahit matagal nang natapos ang digmaan, kitang-kita pa rin ang mga epekto nito. Tingnan ang ilang halimbawa:
Kakulangan sa pagkain. Sinabi ng World Food Programme: “Digmaan pa rin ang nangungunang sanhi ng krisis sa pagkain. Sa buong mundo, 70 porsiyento ng mga nagugutom ang nakatira sa mga lugar na may digmaan at karahasan.”
Pisikal at mental na pinsala. Kapag may banta ng digmaan, posibleng sobrang mag-alala o ma-stress ang mga tao. Hindi lang pisikal na pinsala ang puwedeng maranasan ng mga taong nakatira sa lugar na may digmaan. Puwede rin silang magkaroon ng depresyon o iba pang mental health problem. At nakakalungkot, madalas na hindi sila makakuha ng medikal na tulong.
Sapilitang paglikas. Noong Setyembre 2023, mahigit sa 114 na milyong tao sa buong mundo ang lumikas, ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees. Ang pangunahing dahilan ay mga digmaan at kaguluhan.
Pagbagsak ng ekonomiya. Madalas na dahil sa digmaan, nakakaranas ang mga tao ng problema sa ekonomiya, gaya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Naghihirap ang mga tao kasi mas pinopondohan ng gobyerno ang militar imbes na ang mga serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan at edukasyon. At pagkatapos ng digmaan, kailangan ng napakalaking pondo para ayusin ang mga nasira ng digmaan.
Mga problema sa kalikasan. Nagdurusa ang mga tao kapag sinisira ang kalikasan na pinagkukunan nila ng kabuhayan. Dahil sa maruming tubig, hangin, at lupa, nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng sakit. At kahit tapos na ang digmaan, marami pa rin ang napipinsala dahil sa naiwang nakatanim na mga bomba.
Walang duda, talagang mapaminsala ang digmaan.