ARALING ARTIKULO 9
AWIT BLG. 51 Sa Diyos Tayo’y Nakaalay!
Kumilos Agad Para Mabautismuhan
“Ano pa ang hinihintay mo? Magpabautismo ka.”—GAWA 22:16.
MATUTUTUHAN
Patibayin ang determinasyon mong magpabautismo sa tulong ng mga halimbawa ng mga Samaritano, ni Saul ng Tarso, ni Cornelio, at ng mga taga-Corinto.
1. Bakit gusto mong magpabautismo?
SIGURADONG mahal mo ang Diyos na Jehova. Siya ang nagbibigay sa iyo ng lahat ng mabubuting regalo, pati na ang buhay mo. Paano mo maipapakitang mahal mo siya? Ang pinakamagandang paraan para magawa iyan ay ang pag-aalay ng buhay mo sa kaniya at pagpapabautismo. Kapag ginawa mo ang mga iyan, magiging bahagi ka ng pamilya ni Jehova. Gagabayan ka at iingatan ng Ama at Kaibigan mo. (Awit 73:24; Isa. 43:1, 2) Kapag nag-alay at nagpabautismo ka na, posible ka nang magkaroon ng buhay na walang hanggan.—1 Ped. 3:21.
2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 May nakakapigil ba sa iyo na magpabautismo? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Kinailangang baguhin ng marami ang paraan ng pag-iisip at pagkilos nila para maging kuwalipikadong magpabautismo. At masayang-masaya na sila ngayon na naglilingkod kay Jehova. May mga nabautismuhan din noong unang siglo. Anong mga hamon ang napaharap sa kanila, at ano ang matututuhan natin?
NAGPABAUTISMO ANG MGA SAMARITANO
3. Anong mga hamon ang posibleng napaharap sa ilang Samaritano?
3 Noong panahon ni Jesus, kasama sa isang relihiyosong sekta ang mga Samaritano. Marami sa kanila ang nakatira sa hilaga ng Judea—sa mga lunsod ng Sikem at Samaria. Bago sila mabautismuhan, kailangan muna nilang tanggapin at pag-aralan ang lahat ng bahagi ng Salita ng Diyos. Naniniwala kasi sila na ang unang limang aklat lang ng Bibliya (Genesis hanggang Deuteronomio), at posibleng ang aklat ng Josue, ang galing sa Diyos. Pero alam nilang darating ang Mesiyas kasi ipinangako iyon ng Diyos sa Deuteronomio 18:18, 19. (Juan 4:25) Kaya para mabautismuhan, kailangan nilang tanggapin na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Ginawa iyan ng “marami sa mga Samaritano.” (Juan 4:39) At dahil Judio ang karamihan sa mga unang Kristiyano, kailangang alisin ng mga Samaritano ang diskriminasyon nila sa mga ito.—Luc. 9:52-54.
4. Ayon sa Gawa 8:5, 6, 14, ano ang naging reaksiyon ng mga Samaritano sa pangangaral ni Felipe?
4 Ano ang nakatulong sa mga Samaritano na magpabautismo? Nang ipangaral ni Felipe sa mga Samaritano ang tungkol sa Kristo, may ilang ‘tumanggap sa salita ng Diyos.’ (Basahin ang Gawa 8:5, 6, 14.) Nakinig sila kay Felipe kahit Judio ito. Posibleng naalala nila na sinabi sa Pentateuch na hindi nagtatangi ang Diyos. (Deut. 10:17-19) ‘Nagbigay-pansin sila sa mga sinabi ni Felipe’ tungkol sa Kristo. At naniwala sila na isinugo ng Diyos si Felipe nang makita nila ang mga himalang ginawa niya, gaya ng pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalayas sa mga demonyo.—Gawa 8:7.
5. Ano ang natutuhan mo sa mga Samaritano?
5 Kahit Judio si Felipe at bago lang sa mga Samaritano ang itinuturo niya, nakinig pa rin sila sa kaniya. Nagpabautismo agad ang mga Samaritano nang makumbinsi sila na totoo ang mga itinuro ni Felipe. Sinasabi ng Bibliya: “Nang maniwala sila kay Felipe, na naghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos at tungkol sa pangalan ni Jesu-Kristo, ang mga lalaki at babae ay nagpabautismo.” (Gawa 8:12) Kumbinsido ka rin ba na totoo ang Salita ng Diyos? Naniniwala ka rin ba na hindi nagtatangi ang mga Saksi ni Jehova, na nagpapakita sila ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa, at na sila ang mga tunay na Kristiyano? (Juan 13:35) Kung oo, huwag kang mag-alangang magpabautismo. Siguradong pagpapalain ka ni Jehova.
6. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Ruben?
6 Si Ruben, na taga-Germany, ay lumaki sa isang pamilyang Saksi. Pero noong bata pa siya, nagduda siya kung totoo si Jehova. Ano ang ginawa niya? Na-realize niya na kulang pa ang alam niya kaya nag-aral pa siya. Sinabi niya, “Sa personal study ko, ilang beses kong pinag-aralan ang ebolusyon para maalis ang pagdududa ko.” Napakalaking tulong sa kaniya ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You? Naisip niya, ‘Totoo pala talaga si Jehova!’ At nang pumunta siya sa pandaigdig na punong tanggapan, mas napahalagahan niya ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Kaya pagbalik niya sa Germany, nagpabautismo na siya sa edad na 17. Kung may pagdududa ka sa mga natutuhan mo, mag-research ka gamit ang mga publikasyon natin. Maaalis ng “tumpak na kaalaman” ang mga pagdududa mo. (Efe. 4:13, 14) At kapag nalalaman mo kung paano nagkakaisa ang mga kapatid sa iba’t ibang bahagi ng mundo, pati na sa kongregasyon mo, mas mamahalin mo ang espirituwal na pamilya mo.
NAGPABAUTISMO SI SAUL NG TARSO
7. Anong kaisipan ang kailangang baguhin ni Saul?
7 Tingnan ang halimbawa ni Saul ng Tarso. Talagang may alam siya sa Judaismo at kilaláng-kilala siya ng mga Judio. (Gal. 1:13, 14; Fil. 3:5) Noong panahon niya, apostata ang tingin ng mga Judio sa mga Kristiyano kaya pinag-usig niya sila. Akala kasi niya ginagawa niya ang kalooban ng Diyos. (Gawa 8:3; 9:1, 2; 26:9-11) Kung tatanggapin ni Saul si Jesus at magpapabautismo bilang Kristiyano, dapat na handa siyang pag-usigin din.
8. (a) Ano ang nakatulong kay Saul na magpabautismo? (b) Ayon sa Gawa 22:12-16, paano tinulungan ni Ananias si Saul? (Tingnan din ang larawan.)
8 Ano ang nakatulong kay Saul na magpabautismo? Nang kausapin ni Jesus si Saul mula sa langit, nabulag si Saul. (Gawa 9:3-9) Tatlong araw siyang hindi kumain at uminom. Malamang na pinag-isipan din niya ang nangyari sa kaniya. Dahil dito, nakumbinsi si Saul na si Jesus ang Mesiyas at na tama ang pagsamba ng mga Kristiyano. Siguradong sising-sisi rin siya sa naging papel niya sa kamatayan ni Esteban! (Gawa 22:20) Sa pagtatapos ng ikatlong araw, pinuntahan ni Ananias si Saul. Gumawa siya ng himala para makakita ulit si Saul, at sinabihan niya ito na magpabautismo agad. (Basahin ang Gawa 22:12-16.) Nagpakumbaba si Saul, nakinig kay Ananias, at nagpabautismo.—Gawa 9:17, 18.
Tatanggapin mo ba ang tulong ng iba para mabautismuhan, gaya ng ginawa ni Saul? (Tingnan ang parapo 8)
9. Ano ang natutuhan mo kay Saul?
9 Hindi hinayaan ni Saul na mapigilan siya ng pride o takot sa tao para magpabautismo. Nagpakumbaba si Saul at nagbago para maging tagasunod ni Kristo. (Gawa 26:14, 19) Naging Kristiyano siya kahit alam niyang pag-uusigin siya. (Gawa 9:15, 16; 20:22, 23) At pagkatapos mabautismuhan, patuloy siyang nagtiwala kay Jehova para makayanan ang mga pagsubok. (2 Cor. 4:7-10) Kapag nabautismuhan ka na bilang Saksi ni Jehova, puwede ka ring pag-usigin at makaranas ng mga pagsubok. Pero makakasiguro ka na tutulungan at susuportahan ka ng Diyos at ni Kristo.—Fil. 4:13.
10. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Anna?
10 Lumaki si Anna sa isang pamilyang Kurdish sa Eastern Europe. Noong 9 years old si Anna, nagpabautismo ang nanay niya. Gusto niya ring magpa-Bible study, at pinayagan siya ng tatay niya. Pero hindi iyon nagustuhan ng mga kamag-anak niya, na kasama niya sa bahay. Kapag may nagpalit kasi ng relihiyon sa kanila, kahihiyan iyon sa buong pamilya. Noong 12 na si Anna, nagpaalam siya sa tatay niya kung puwede siyang magpabautismo. Gustong malaman ng tatay niya kung pinilit lang ba siya ng iba o sarili niyang desisyon iyon. Sinabi ni Anna, “Mahal ko po si Jehova.” Kaya pumayag ang tatay niya sa desisyon niya. Pero pagkatapos niyang mabautismuhan, masama na ang pagtrato sa kaniya ng mga kamag-anak niya. Sinabi pa nga ng isa sa kanila, “Sana naging imoral at nanigarilyo ka na lang kaysa naging Saksi ni Jehova ka.” Ano ang nakatulong kay Anna? Sinabi niya, “Tinulungan ako ni Jehova na maging matatag, at sinuportahan ako ng mga magulang ko.” Inililista ni Anna ang mga pagkakataong naramdaman niya ang tulong ni Jehova. Pagkatapos, binabalik-balikan niya ito. Kung natatakot ka sa pag-uusig, tandaan na tutulungan ka rin ni Jehova.—Heb. 13:6.
NAGPABAUTISMO SI CORNELIO
11. Ano ang posibleng makapigil kay Cornelio na magpabautismo?
11 May matututuhan din tayo kay Cornelio. “Isa siyang senturyon,” na pinuno ng mga 100 Romanong sundalo. (Gawa 10:1, tlb.) Kaya masasabing mataas ang posisyon niya sa militar at kilalá siya sa komunidad. “Matulungin din siya sa mahihirap.” (Gawa 10:2) Isinugo ni Jehova si apostol Pedro para mangaral sa kaniya. Mapipigilan kaya si Cornelio ng posisyon niya na magpabautismo?
12. Ano ang nakatulong kay Cornelio na magpabautismo?
12 Ano ang nakatulong kay Cornelio na magpabautismo? Sinasabi ng Bibliya na “may takot [si Cornelio] sa Diyos, pati na ang buong sambahayan niya.” Lagi rin siyang nagsusumamo sa Diyos. (Gawa 10:2) Kaya nang ipangaral ni Pedro kay Cornelio ang mabuting balita tungkol sa Kristo, tinanggap iyon ni Cornelio at ng pamilya niya. Nagpabautismo sila agad. (Gawa 10:47, 48) Siguradong handang gumawa ng mga pagbabago si Cornelio para masamba niya at ng pamilya niya si Jehova.—Jos. 24:15; Gawa 10:24, 33.
13. Ano ang natutuhan mo kay Cornelio?
13 Gaya ni Saul, hindi hinayaan ni Cornelio na mapigilan siya ng posisyon niya para maging Kristiyano. Kailangan mo rin bang gumawa ng malalaking pagbabago para mabautismuhan? Tutulungan ka ni Jehova na gawin iyan. Pagpapalain niya ang pagsisikap mong sundin ang mga prinsipyo sa Bibliya.
14. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Tsuyoshi?
14 Kailangang gumawa ng pagbabago ni Tsuyoshi, na taga-Japan, para mabautismuhan. Siya ang assistant ng headmaster ng Ikenobo, isang kilaláng paaralan ng flower arrangement. At kapag hindi nakakapunta ang headmaster sa mga libing, si Tsuyoshi ang madalas na pumapalit sa kaniya sa mga ritwal na ginagawa ng mga Budista. Pero nang malaman ni Tsuyoshi ang katotohanan tungkol sa kamatayan, nakita niyang hindi siya puwedeng mabautismuhan kung nakikisali pa rin siya sa mga ritwal. Kaya nagdesisyon siyang hindi na makisali sa mga gawaing iyon. (2 Cor. 6:15, 16) Kinausap ni Tsuyoshi ang headmaster tungkol sa desisyon niya. Ano ang nangyari? Pumayag ang headmaster na hindi na makisali si Tsuyoshi sa mga ritwal. Nabautismuhan siya mga isang taon mula nang mag-aral siya ng Bibliya.a Kung may kailangan kang baguhin sa trabaho mo o kailangan mong magpalit ng trabaho para mapasaya ang Diyos, makakaasa kang ibibigay niya ang kailangan mo at ng pamilya mo.—Awit 127:2; Mat. 6:33.
NAGPABAUTISMO ANG MGA TAGA-CORINTO
15. Ano ang posibleng makapigil sa mga taga-Corinto na magpabautismo?
15 Materyalistiko at imoral ang mga nakatira noon sa Corinto. Hinahatulan ng Diyos ang paraan ng pamumuhay ng karamihan sa mga tagaroon. Kaya posibleng mahirapan ang sinumang gustong maglingkod kay Jehova. Pero nang mangaral doon si apostol Pablo, “marami sa mga taga-Corinto na nakarinig ng mabuting balita [tungkol sa Kristo] ang nanampalataya at nabautismuhan.” (Gawa 18:7-11) Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Jesu-Kristo kay Pablo sa isang pangitain: “Marami ang mananampalataya sa akin sa lunsod na ito.” Kaya patuloy na nangaral doon si Pablo nang isa’t kalahating taon.
16. Ano ang nakatulong sa mga taga-Corinto na magpabautismo? (2 Corinto 10:4, 5)
16 Ano ang nakatulong sa mga taga-Corinto na magpabautismo? (Basahin ang 2 Corinto 10:4, 5.) Ang Salita ng Diyos at ang banal na espiritu ang nakatulong sa kanila na gumawa ng malalaking pagbabago. (Heb. 4:12) Dahil tinanggap ng mga taga-Corinto ang mabuting balita tungkol sa Kristo, nagawa nilang talikuran ang masasamang gawain gaya ng paglalasing, pagnanakaw, at homoseksuwalidad.—1 Cor. 6:9-11.b
17. Ano ang natutuhan mo sa mga taga-Corinto?
17 Hindi madali para sa mga taga-Corinto na talikuran ang mga nakasanayan na nila. Pero hindi nila inisip na imposible na silang maging Kristiyano. Talagang nagsikap sila para makalakad sa makitid na daan papunta sa buhay. (Mat. 7:13, 14) May pinagsisikapan ka rin bang baguhin sa buhay mo para mabautismuhan? Huwag kang susuko! Hilingin ang banal na espiritu ni Jehova para malabanan mo ang kagustuhang gumawa ng masama.
18. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Monika?
18 Talagang pinagsikapan ni Monika, na taga-Georgia, na ihinto ang masamang pananalita, pati na ang pakikinig at panonood ng masamang libangan para mabautismuhan. Sinabi niya: “Noong teenager pa ako, nagawa kong magbago sa tulong ng panalangin. Alam ni Jehova na gusto kong gawin ang tama, at lagi niya akong tinutulungan para magawa iyon.” Nabautismuhan si Monika noong 16 siya. May mga gawain ka bang kailangang ihinto para mapaglingkuran si Jehova sa paraang gusto niya? Patuloy na humingi sa kaniya ng lakas para magbago. Sagana siyang magbibigay sa iyo ng banal na espiritu.—Juan 3:34.
NAPAKALAKI NG MAGAGAWA NG PANANAMPALATAYA MO
19. Ano ang makakatulong sa iyo na malampasan ang malalaking hadlang sa bautismo? (Tingnan din ang larawan.)
19 Laging tandaan na mahal na mahal ka ni Jehova at na gusto ka niyang maging bahagi ng pamilya niya. Hindi iyan magbabago kahit ano pang hadlang sa bautismo ang mapaharap sa iyo. Sinabi ni Jesus sa ilan sa mga alagad niya noon: “Kung may pananampalataya kayo na kasinliit ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon,’ at lilipat ito, at walang magiging imposible para sa inyo.” (Mat. 17:20) Ilang taon pa lang kasama ni Jesus ang mga kausap niya noon, kaya kailangan pa nilang patatagin ang pananampalataya nila. Pero tiniyak sa kanila ni Jesus na kung matibay ang pananampalataya nila, tutulungan sila ni Jehova na maalis ang malalaking hadlang. At gagawin din iyan ni Jehova para sa iyo!
Laging tandaan na mahal na mahal ka ni Jehova at na gusto ka niyang maging bahagi ng pamilya niya (Tingnan ang parapo 19)c
20. Paano nakatulong sa iyo ang mga halimbawa ng mga Kristiyano noon at ngayon?
20 Kung may nakakahadlang sa iyo na magpabautismo, kumilos agad para malampasan iyon. Matuto sa mga halimbawa ng mga Kristiyano noon at ngayon. Mapakilos ka sana ng mga halimbawa nila na ialay ang sarili mo kay Jehova at magpabautismo. Iyan ang pinakamagandang desisyon na magagawa mo!
AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya
a Mababasa ang talambuhay ni Brother Tsuyoshi Fujii sa magasing Gumising, isyu ng Agosto 8, 2005, p. 20-23.
b Panoorin ang video na ‘Ano ang Humahadlang sa Iyo na Magpabautismo?’ sa jw.org.
c LARAWAN: Masayang tinatanggap ng mga kapatid ang mga bagong bautisado.