Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Marso p. 8-13
  • Tularan Kung Paano Mag-isip si Jehova at si Jesus

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tularan Kung Paano Mag-isip si Jehova at si Jesus
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TULARAN KUNG PAANO MAG-ISIP SI JEHOVA
  • MAGING MAPAGPAKUMBABA
  • MAGKAROON NG “MATINONG PAG-IISIP”
  • Tinuruan Siya ng Panginoon na Maging Mapagpatawad
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Matapat Siya sa Harap ng mga Pagsubok
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Tinuruan Siya ng Panginoon na Maging Mapagpatawad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Marso p. 8-13

ARALING ARTIKULO 10

AWIT BLG. 31 Lumakad na Kasama ng Ating Diyos

Tularan Kung Paano Mag-isip si Jehova at si Jesus

“Dahil si Kristo ay nagdusa sa laman, magkaroon kayo ng ganoon ding kaisipan.”—1 PED. 4:1.

MATUTUTUHAN

Kung paano natuto si apostol Pedro sa paraan ng pag-iisip ni Jesus at kung paano rin natin iyan magagawa.

1-2. (a) Kapag mahal natin si Jehova, ano ang kasama diyan? (b) Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya si Jehova nang buong pag-iisip niya?

“DAPAT mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo at nang buong pag-iisip mo.” (Luc. 10:27) Nilinaw ni Jesus na ito ang pinakamahalagang utos sa Kautusang Mosaiko. Sinabi niya na kapag mahal natin si Jehova, kasama diyan ang puso natin—mga gusto, emosyon, at damdamin natin. Kasama rin diyan ang ating buong-kaluluwang debosyon at lakas. Pero mahal din natin si Jehova nang buong pag-iisip natin—kung paano tayo mag-isip. Kahit hindi natin lubos na maiintindihan kung paano mag-isip si Jehova, dapat pa rin nating tularan ang paraan niya ng pag-iisip. Makakatulong sa atin kung pag-aaralan natin ang “pag-iisip ni Kristo,” kasi perpektong natularan ni Jesus ang paraan ng pag-iisip ng Ama niya.—1 Cor. 2:16 at ang study note na “taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.”

2 Minahal ni Jesus si Jehova nang buong pag-iisip niya. Alam niya ang gusto ng Diyos para sa kaniya. At kumilos siya base dito, kahit alam niyang magdurusa siya. Dahil nakapokus siya sa layunin ng Diyos, ito ang naging pinakamahalaga sa kaniya.

3. Ano ang natutuhan ni apostol Pedro kay Jesus, at ano ang ipinayo ni Pedro sa mga kapuwa Kristiyano niya? (1 Pedro 4:1)

3 Dahil nakasama ni Pedro at ng ibang mga apostol si Jesus, natutuhan nila mismo kung paano siya mag-isip. Nang isulat ni Pedro ang unang liham niya, pinayuhan niya ang mga Kristiyano na magkaroon ng kaisipang gaya ng kay Kristo. (Basahin ang 1 Pedro 4:1.) Sa orihinal na wika, ang termino para sa “magkaroon” ay puwedeng gamitin para lumarawan sa mga sundalong naghahanda sa digmaan. Ibig sabihin, kung tutularan ng mga Kristiyano ang kaisipan ni Jesus, magiging handa rin silang labanan ang pagiging makasalanan nila at ang impluwensiya ng mundong ito.—2 Cor. 10:3-5; Efe. 6:12.

4. Ano ang pag-aaralan natin sa artikulong ito?

4 Pag-aaralan natin kung paano mag-isip si Jesus at kung paano natin siya matutularan. Aalamin natin kung paano (1) matutularan ng bawat isa ang paraan ng pag-iisip ni Jehova para magkaisa, (2) magiging mapagpakumbaba, at (3) magkakaroon ng matinong pag-iisip sa tulong ng panalangin.

TULARAN KUNG PAANO MAG-ISIP SI JEHOVA

5. Sa anong pagkakataon hindi natularan ni Pedro ang pag-iisip ni Jehova?

5 May pagkakataon na hindi natularan ni Pedro ang pag-iisip ni Jehova. Kakasabi pa lang ni Jesus sa mga apostol na pupunta siya sa Jerusalem, aarestuhin ng mga kaaway niya, papahirapan, at papatayin. (Mat. 16:21) Alam ni Pedro na si Jesus ang Mesiyas na magliligtas sa bayan ng Diyos. Kaya hindi niya matanggap na hahayaan ni Jehova na mamatay si Jesus. (Mat. 16:16) Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Maging mabait ka sa sarili mo, Panginoon; hindi iyan kailanman mangyayari sa iyo.” (Mat. 16:22) Iba ang naiisip ni Pedro kumpara kay Jesus kasi hindi natularan ni Pedro kung paano mag-isip si Jehova.

6. Paano ipinakita ni Jesus na natularan niya ang pag-iisip ni Jehova?

6 Talagang parehong mag-isip si Jesus at si Jehova. Sinabi ni Jesus kay Pedro: “Diyan ka sa likuran ko, Satanas! Hinahadlangan mo ako sa dapat kong gawin, dahil hindi kaisipan ng Diyos ang iniisip mo, kundi kaisipan ng tao.” (Mat. 16:23) Alam ni Jesus na para magawa ang kalooban ni Jehova, dapat siyang magdusa at mamatay. Kaya hindi niya pinakinggan si Pedro kahit maganda naman ang intensiyon nito. Natutuhan dito ni Pedro na dapat niyang tularan kung paano mag-isip si Jehova. At iyan din ang dapat nating gawin.

7. Paano ipinakita ni Pedro na gusto niyang tularan ang pag-iisip ni Jehova? (Tingnan ang larawan.)

7 Dumating ang panahon, ipinakita ni Pedro na gusto niyang tularan ang pag-iisip ni Jehova. Noong panahong kalooban na ng Diyos na maging bahagi ng bayan niya ang mga di-tuling Gentil, inatasan niya si Pedro na mangaral kay Cornelio. Isa si Cornelio sa mga pinakaunang Gentil na magiging Kristiyano. Iniiwasan pa noon ng mga Judio ang mga Gentil, kaya kailangang baguhin ni Pedro ang pag-iisip niya para matularan ang kaisipan ng Diyos. At nang gawin niya iyon, “hindi na [siya] nagdalawang-isip” sa atas niya. (Gawa 10:28, 29) Nangaral siya kay Cornelio at sa pamilya nito, at nabautismuhan sila.—Gawa 10:21-23, 34, 35, 44-48.

Si Pedro at ang mga kasama niya habang pinapaakyat sila ni Cornelio sa loob ng bahay nito.

Si Pedro habang pumapasok sa bahay ni Cornelio (Tingnan ang parapo 7)


8. Paano natin maipapakitang tinutularan natin ang pag-iisip ni Jehova? (1 Pedro 3:8)

8 Paglipas ng mga taon, pinayuhan ni Pedro ang mga Kristiyano na “magkaisa sa pag-iisip.” (Basahin ang 1 Pedro 3:8.) Magagawa natin iyan kung babaguhin natin ang pag-iisip natin at tutularan ang pag-iisip ni Jehova, na mababasa natin sa Bibliya. Halimbawa, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na unahin ang Kaharian. (Mat. 6:33) Paano kung may kakongregasyon tayo na gustong pumasok sa isang uri ng buong-panahong paglilingkod? Huwag nating pahinain ang loob niya. Ang pinakamagandang magagawa natin ay patibayin siya at suportahan sa desisyon niya.

MAGING MAPAGPAKUMBABA

9-10. Paano ipinakita ni Jesus na napakamapagpakumbaba niya?

9 Noong gabi bago mamatay si Jesus, itinuro niya kay Pedro at sa iba pang mga apostol kung paano magiging mapagpakumbaba. Inutusan noon ni Jesus sina Pedro at Juan na maghanda para sa huling hapunan nila bago siya mamatay. Malamang na tiniyak din nila na may palanggana at tuwalya para sa paghuhugas ng mga paa. Pero sino kaya ang gagawa ng mababang atas na ito ng paghuhugas ng mga paa ng iba?

10 Ipinakita ni Jesus na napakamapagpakumbaba niya. Hindi siya nag-alangang gawin ang atas na iyon. At nagulat ang mga apostol kasi gawain iyon ng isang alipin! Hinubad ni Jesus ang balabal niya, nagtali ng tuwalya sa baywang, naglagay ng tubig sa palanggana, at hinugasan ang paa ng mga apostol. (Juan 13:4, 5) Posibleng matagal din bago natapos si Jesus sa paghuhugas ng mga paa ng 12 apostol. Kasama sa mga ito si Judas, ang magtatraidor sa kaniya. Pero dahil mapagpakumbaba si Jesus, tinapos niya ang atas na iyon. Sinabi niya: “Alam ba ninyo kung bakit ko ginawa iyon? Tinatawag ninyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon,’ at tama kayo, dahil gayon nga ako. Kaya kung ako na Panginoon at Guro ay naghugas ng mga paa ninyo, dapat din kayong maghugas ng mga paa ng isa’t isa.”—Juan 13:12-14.

Kasama sa tunay na kapakumbabaan . . . ang mga iniisip natin

11. Paano ipinakita ni Pedro na natutuhan na niyang maging mapagpakumbaba? (1 Pedro 5:5) (Tingnan din ang larawan.)

11 Natuto si Pedro sa kapakumbabaan ni Jesus. Noong nasa langit na si Jesus, pinagaling ni Pedro ang isang lalaking ipinanganak na lumpo. (Gawa 1:8, 9; 3:2, 6-8) Marami ang lumapit nang makita nila ang pangyayaring iyon. (Gawa 3:11) Dahil mahalaga sa kultura nila ang pagiging prominente, naisip ba ni Pedro na pagkakataon na niya iyon na sumikat? Hindi. Naging mapagpakumbaba si Pedro at ibinigay ang papuri kay Jehova at kay Jesus. Sinabi niya: “Sa pamamagitan ng pangalan [ni Jesus] at dahil sa pananampalataya namin dito, napalakas ang taong ito na nakikita ninyo at nakikilala.” (Gawa 3:12-16) Pagkatapos, sumulat si Pedro sa mga Kristiyano at pinayuhan silang maging mapagpakumbaba. Gumamit siya ng mga salitang magpapaalala sa atin ng ginawa ni Jesus—ang pagtali niya ng tuwalya sa baywang nang hugasan niya ang paa ng mga apostol.—Basahin ang 1 Pedro 5:5.

Sina Pedro at Juan sa templo. Nakataas ang isang kamay ni Pedro habang nakatayo sa tabi niya ang lalaking ipinanganak na lumpo at magaling na.

Pagkatapos gumawa ng himala ni Pedro, naging mapagpakumbaba siya at ibinigay ang papuri kay Jehova at kay Jesus. Magiging mapagpakumbaba rin tayo kung gagawa tayo ng mabuti nang hindi umaasa ng anumang kapalit (Tingnan ang parapo 11-12)


12. Gaya ni Pedro, paano tayo patuloy na magiging mapagpakumbaba?

12 Patuloy na naging mapagpakumbaba si Pedro, at matutularan natin siya. Tandaan na hindi lang ang mga sinasabi natin ang kasama sa tunay na kapakumbabaan. Nang gamitin ni Pedro ang salitang “kapakumbabaan,” kasama rito ang mga iniisip natin. Gumagawa tayo ng mabuti sa iba dahil mahal natin si Jehova at ang mga tao, hindi dahil gusto nating humanga sila sa atin. At kapag masaya tayo sa mga ginagawa natin kahit hindi iyon nakikita ng iba, ipinapakita nito na talagang mapagpakumbaba tayo.—Mat. 6:1-4.

MAGKAROON NG “MATINONG PAG-IISIP”

13. Ano ang kasama sa pagkakaroon ng “matinong pag-iisip”?

13 Ano ang kasama sa pagkakaroon ng “matinong pag-iisip”? (1 Ped. 4:7) Kapag may matinong pag-iisip ang isang Kristiyano, sisikapin niyang gumawa ng mga desisyong nagpapakita ng pag-iisip ni Jehova. Alam niyang wala nang mas mahalaga pa sa kaugnayan niya kay Jehova. Balanse ang tingin niya sa sarili niya, at tanggap niyang hindi niya alam ang lahat. Ipinapakita rin niyang umaasa siya kay Jehova kaya lagi siyang nananalangin.a

14. Sa anong pagkakataon hindi naipakita ni Pedro na umasa siya kay Jehova?

14 Noong gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa mga alagad niya: “Sa gabing ito, iiwan ninyo akong lahat.” Pero tiwalang-tiwala si Pedro sa sarili niya. Sinabi niya: “Kahit na iwan ka nilang lahat, hinding-hindi kita iiwan!” Nang gabi ring iyon, pinayuhan ni Jesus ang ilang alagad: “Patuloy kayong magbantay at manalangin.” (Mat. 26:31, 33, 41) Pero hindi ginawa ni Pedro ang sinabi ni Jesus kaya ikinaila niya siya. Kung sinunod lang sana niya ang payong iyan, baka nagkalakas-loob siyang aminin na alagad siya ni Jesus. Talagang pinagsisihan ni Pedro ang nagawa niya.—Mat. 26:69-75.

15. Paano napanatili ni Jesus ang matinong pag-iisip noong gabi bago siya mamatay?

15 Talagang umasa si Jesus kay Jehova. Kahit perpekto si Jesus, paulit-ulit siyang nanalangin sa Ama niya. Dahil diyan, nagkaroon siya ng lakas ng loob para gawin ang kalooban ni Jehova para sa kaniya. (Mat. 26:39, 42, 44; Juan 18:4, 5) Alam ni Pedro na ilang beses nanalangin si Jesus nang gabing iyon, at siguradong hindi niya iyon nakalimutan.

16. Paano ipinakita ni Pedro na nagkaroon na siya ng matinong pag-iisip? (1 Pedro 4:7)

16 Dumating ang panahon na mas umasa na si Pedro kay Jehova. Pagkatapos buhaying muli si Jesus, inatasan niya si Pedro at ang ibang apostol na mangaral, at sinabi niya sa kanila na tatanggap sila ng banal na espiritu. Pero bago mangyari iyon, sinabi ni Jesus na maghintay muna sila sa Jerusalem. (Luc. 24:49; Gawa 1:4, 5) Ano ang ginawa ni Pedro habang naghihintay? “Paulit-ulit na nanalangin” si Pedro at ang iba pang Kristiyano. (Gawa 1:13, 14) Sa unang liham din niya, pinayuhan ni Pedro ang mga kapatid na magkaroon ng matinong pag-iisip at laging manalangin. (Basahin ang 1 Pedro 4:7.) Natutuhan na ni Pedro na magtiwala kay Jehova, at isa na siyang haligi ng kongregasyon.—Gal. 2:9.

17. Ano ang dapat nating gawin kahit na mahusay tayo sa isang bagay? (Tingnan din ang larawan.)

17 Para magkaroon ng matinong pag-iisip, dapat na madalas tayong manalangin. Kahit na mahusay tayo sa isang bagay, kailangan pa rin nating umasa kay Jehova. At kapag gumagawa ng malalaking desisyon, hihingi tayo ng tulong kay Jehova sa panalangin kasi nagtitiwala tayong alam niya ang pinakamabuti para sa atin.

Umasa si Pedro kay Jehova at nanalangin. Magkakaroon din tayo ng matinong pag-iisip kung hihingi tayo ng tulong kay Jehova sa panalangin, lalo na kapag may mga gagawin tayong malalaking desisyon (Tingnan ang parapo 17)b


18. Ano ang determinado mong gawin?

18 Talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil nilalang niya tayo na may kakayahang tularan ang mga katangian niya. (Gen. 1:26) Hindi natin siya lubusang matutularan. (Isa. 55:9) Pero gaya ni Pedro, puwede nating baguhin ang pag-iisip natin para maging kagaya ng kay Jehova. Magagawa natin iyan kung sisikapin nating tularan ang paraan ng pag-iisip ni Jehova, maging mapagpakumbaba, at magkaroon ng matinong pag-iisip.

PAANO NATIN MAGAGAWANG . . .

  • matularan ang paraan ng pag-iisip ni Jehova?

  • maging mapagpakumbaba?

  • magkaroon ng “matinong pag-iisip”?

AWIT BLG. 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama

a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagkakaroon ng matinong pag-iisip, tingnan sa jw.org o sa JW Library® app ang seryeng “Paliwanag sa mga Teksto sa Bibliya.” Hanapin ang artikulong “2 Timoteo 1:7—‘Pagkat Hindi Espiritu ng Kaduwagan ang Ibinigay sa Atin ng Dios,’” at tingnan ang “Matinong pag-iisip.”

b LARAWAN: Isang sister na nananalangin habang naghihintay na ma-interview para sa isang trabaho.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share