Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Abril p. 26-31
  • Mga Kabataang Brother—Tularan Sina Marcos at Timoteo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kabataang Brother—Tularan Sina Marcos at Timoteo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TULARAN SI MARCOS—MAGING HANDANG MAGLINGKOD
  • TULARAN SI TIMOTEO—MAGMALASAKIT SA IBA
  • MAKAKATULONG SA IYO ANG MGA PAYO NI PABLO
  • PAGPAPALAIN KA KAPAG NAGLILINGKOD KA
  • ‘Pinatibay ang mga Kongregasyon’
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Mga Brother—Sinisikap Ba Ninyong Maging Ministeryal na Lingkod?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tandaan na si Jehova ang “Diyos na Buháy”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Abril p. 26-31

ARALING ARTIKULO 18

AWIT BLG. 65 Sulong Na!

Mga Kabataang Brother—Tularan Sina Marcos at Timoteo

“Isama mo rito si Marcos dahil malaking tulong siya sa akin sa ministeryo.”—2 TIM. 4:11.

MATUTUTUHAN

Kung paano matutularan ng mga kabataang brother sina Marcos at Timoteo para mas makapaglingkod pa kay Jehova at sa kongregasyon.

1-2. Ano ang mga posibleng makapigil kina Marcos at Timoteo na mas makapaglingkod pa sa iba?

SIGURADONG gusto ninyo, mga kabataang brother, na mas makapaglingkod pa kay Jehova at sa kongregasyon. Nakakatuwang makita na marami sa inyo ang gustong maglingkod sa mga kapatid! (Awit 110:3) Pero hindi iyan laging madali. Nag-aalangan ka bang mas maglingkod pa kay Jehova kasi hindi mo alam ang puwedeng mangyari? Natatakot ka bang tumanggap ng isang atas kasi naiisip mong hindi mo iyon kaya? Ang totoo, naramdaman din iyan ng iba.

2 Naranasan iyan nina Marcos at Timoteo. Natakot din sila kasi hindi nila alam ang puwedeng mangyari sa hinaharap at wala rin silang masyadong karanasan. Pero hindi nila hinayaan ang mga iyon na makapigil sa paglilingkod nila sa iba. Malamang na kasama ni Marcos ang nanay niya sa bahay at maalwan ang buhay nila bago siya isama ni apostol Pablo at ni Bernabe sa unang paglalakbay nila bilang misyonero. (Gawa 12:12, 13, 25) Pero iniwan lahat iyon ni Marcos para mapalawak ang ministeryo niya. Una, lumipat siya sa Antioquia. Pagkatapos, sinamahan niya sina Pablo at Bernabe sa iba pang malalayong lugar. (Gawa 13:1-5) Ganiyan din si Timoteo. Malamang na nakatira siya sa bahay ng mga magulang niya bago siya isama ni Pablo sa paglalakbay. Bata pa siya at kulang sa karanasan, kaya baka naisip niyang hindi siya karapat-dapat sumama kay Pablo. (Ihambing ang 1 Corinto 16:10, 11 at 1 Timoteo 4:12.) Mabuti na lang sumama pa rin siya, at pinagpala siya dahil doon.—Gawa 16:3-5.

3. (a) Paano natin nalaman na pinahalagahan ni Pablo sina Marcos at Timoteo? (2 Timoteo 4:6, 9, 11) (Tingnan din ang mga larawan.) (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Maraming naging atas sa kongregasyon sina Marcos at Timoteo kahit kabataan pa sila. At pinahalagahan sila ni Pablo. Kaya noong alam niyang malapit na siyang mamatay, sinabi niya sa kanila na puntahan siya. (Basahin ang 2 Timoteo 4:6, 9, 11.) Anong mga katangian ang nagustuhan ni Pablo kina Marcos at Timoteo? Paano sila matutularan ng mga kabataang brother? At paano makakatulong ang mga payo ni Pablo sa mga kabataang brother ngayon?

Collage: 1. Naghahanda ng pagkain at inumin si Marcos para kina Pablo at Bernabe. 2. Nagbabasa ng liham si Timoteo sa harap ng matatandang lalaki.

Handang tumanggap ng mga atas sa kongregasyon sina Marcos at Timoteo kahit kabataan pa sila, kaya minahal sila ni Pablo (Tingnan ang parapo 3)b


TULARAN SI MARCOS—MAGING HANDANG MAGLINGKOD

4-5. Paano ipinakita ni Marcos na handa siyang maglingkod sa iba?

4 Kapag naglilingkod ang isa, masipag at matiyaga siyang tumutulong sa iba kahit hindi iyon madaling gawin. Magandang halimbawa diyan si Marcos. Nang hindi siya isama ni Pablo sa ikalawang paglalakbay nito bilang misyonero, malamang na nasaktan at nadismaya si Marcos. (Gawa 15:37, 38) Pero hindi siya napigilan nito na maglingkod sa mga kapatid.

5 Sumama si Marcos sa pinsan niyang si Bernabe para maglingkod sa ibang lugar. Pagkatapos ng mga 11 taon, isa si Marcos sa mga tumulong kay Pablo noong unang beses itong makulong sa Roma. (Flm. 23, 24) Pinahalagahan ni Pablo ang ginawa ni Marcos, kaya nasabi niyang “talagang napalalakas” siya nito.—Col. 4:10, 11.

6. Paano nakatulong kay Marcos ang pakikipagkaibigan sa mga tapat na Kristiyano? (Tingnan ang talababa.)

6 Malaking tulong kay Marcos ang pakikipagkaibigan sa mga tapat na Kristiyano. Pagkatapos niyang samahan si Pablo sa Roma, pinuntahan naman niya si apostol Pedro sa Babilonya. At dahil doon, naging malapít silang magkaibigan. Tinawag pa nga siya ni Pedro na “aking anak.” (1 Ped. 5:13) Habang magkasama sila, malamang na ikinuwento ni Pedro ang napakaraming detalye tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus. At iyon ang mga isinulat ni Marcos sa aklat ng Bibliya na nakapangalan sa kaniya.a

7. Paano tinularan ni Seung-Woo si Marcos? (Tingnan din ang larawan.)

7 Napakaraming ginawa ni Marcos para makapaglingkod kay Jehova, at nanatili siyang malapít sa mga tapat na kapatid. Paano mo siya matutularan? Baka may hinihintay kang pribilehiyo pero hindi mo pa rin ito natatanggap. Huwag kang panghinaan ng loob. Maghanap ng iba pang paraan para makapaglingkod kay Jehova at sa mga kapatid. Ganiyan ang ginawa ni Seung-Woo, na isa nang elder. Noong mas bata pa siya, lagi niyang ikinukumpara ang sarili niya sa ibang kabataan. Nabigyan na ng mga pribilehiyo ang ilan sa kanila, kaya pakiramdam niya na hindi siya napapansin. Ikinuwento niya sa mga matured na brother ang nararamdaman niya. Pinayuhan siya ng isang elder na patuloy lang na maglingkod sa mga kapatid kahit walang nakakapansin sa ginagawa niya. Sinunod ni Seung-Woo ang payo ng elder. Kaya sinikap niyang tulungan ang mga may-edad at mga nangangailangan ng masasakyan papunta sa pulong. Sinabi niya: “Dahil doon, nakita ko kung ano talaga ang ibig sabihin ng paglilingkod. At sobrang saya ko dahil alam kong nakatulong ako sa iba.”

Isinabay ng isang brother sa sasakyan ang isang may-edad nang brother papunta sa pulong.

Paano makakatulong sa mga kabataang brother ang pakikipagkaibigan sa mga matured na brother? (Tingnan ang parapo 7)


TULARAN SI TIMOTEO—MAGMALASAKIT SA IBA

8. Bakit pinili ni Pablo si Timoteo para makasama niya sa paglalakbay? (Filipos 2:19-22)

8 Nang pabalik na si Pablo sa mga lunsod kung saan siya pinag-usig, kinailangan niya ng mga kasama na malalakas ang loob. Si Silas, isang matagal nang tapat na Kristiyano, ang una niyang isinama. (Gawa 15:22, 40) Pagkatapos, isinama rin ni Pablo si Timoteo. Bakit niya siya pinili? Maraming magagandang bagay ang sinasabi ng mga kapatid tungkol kay Timoteo. (Gawa 16:1, 2) At talagang nagmamalasakit siya sa iba.—Basahin ang Filipos 2:19-22.

9. Paano natin nalaman na talagang nagmamalasakit si Timoteo sa mga kapatid?

9 Simula pa lang ng ministeryo ni Timoteo kasama ni Pablo, ipinakita na niyang mas mahalaga sa kaniya ang mga kapatid kaysa sa sarili niya. Kaya nang umalis si Pablo sa Berea, hindi siya nag-alangan na ipagkatiwala kay Timoteo ang pagpapatibay sa mga kapatid. (Gawa 17:13, 14) At dahil kasama ni Timoteo si Silas sa Berea, talagang natuto siya sa halimbawa nito. Pagkatapos nito, mag-isa siyang pinapunta ni Pablo sa Tesalonica para patibayin ang mga kapatid doon. (1 Tes. 3:2) Sa sumunod na 15 taon, mas minahal ni Timoteo ang mga kapatid at ‘nakiiyak siya sa mga umiiyak.’ (Roma 12:15; 2 Tim. 1:4) Paano siya matutularan ng mga kabataang brother?

10. Paano natuto si Woo Jae na magpakita ng personal na interes sa iba?

10 Natutuhan ng brother na si Woo Jae na magpakita ng personal na interes sa iba. Noong mas bata pa siya, nahihirapan siyang makipagkuwentuhan sa mga may-edad. Binabati lang niya sila sa Kingdom Hall. Nagbigay ng tip ang isang elder sa kaniya. Sinabi nito na para simulan ang kuwentuhan, puwede niyang sabihin ang mga pinapahalagahan niya sa kausap niya. Sinabi rin ng elder na puwede niyang pag-isipan kung saan interesado ang kausap niya. Sinunod niya ang mga payo ng elder. Sinabi ni Woo Jae, na elder na ngayon: “Mas madali na sa akin na makipagkuwentuhan sa mga kapatid anuman ang edad nila. Masaya ako kasi mas naiintindihan ko na ang mga pinagdadaanan nila. Dahil doon, nalalaman ko kung paano ko sila puwedeng tulungan.”

11. Paano maipapakita ng mga kabataang brother na nagmamalasakit sila sa mga kapatid sa kongregasyon? (Tingnan din ang larawan.)

11 Mga kabataang brother, puwede rin ninyong maipakita na nagmamalasakit kayo sa mga kapatid sa kongregasyon. Sa mga pulong, kausapin ninyo ang lahat ng kapatid, anuman ang edad nila. Kumustahin ninyo sila, at makinig nang mabuti sa kanila. Kapag ginawa ninyo iyan, malalaman ninyo kung paano sila matutulungan. Baka mayroong mag-asawang may-edad na kailangan ng tulong sa paggamit ng JW Library® app. Puwede mo ba silang tulungan? O baka malaman mo na wala pa silang makakasama sa pangangaral. Puwede mo ba silang samahan? Kapag sinikap ninyong maghanap ng mga paraan para tulungan ang mga kapatid, magiging magandang halimbawa kayo sa iba.

Isang kabataang brother at isang may-edad nang brother na magkasama sa bahay-bahay. Kausap ng may-edad nang brother ang isang lalaki habang hawak ng kabataang brother ang tablet na nagpe-play ng isang video.

Malaki ang maitutulong ng mga kabataang brother sa kongregasyon (Tingnan ang parapo 11)


MAKAKATULONG SA IYO ANG MGA PAYO NI PABLO

12. Paano makakatulong sa mga kabataang brother ang mga payo ni Pablo kay Timoteo?

12 May magagandang payo si Pablo kay Timoteo para maging mas masaya siya at mas makapaglingkod kay Jehova. (1 Tim. 1:18; 2 Tim. 4:5) At makakatulong din ang mga iyan sa inyo, mga kabataang brother. Paano? Kapag binasa ninyo ang dalawang liham niya kay Timoteo, isipin ninyong isinulat iyon para sa inyo. Tingnan din kung paano ninyo maisasabuhay ang mga payo doon. Pag-usapan natin ang ilang halimbawa.

13. Ano ang makakatulong sa iyo na magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova?

13 “Sanayin mo ang iyong sarili at gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon.” (1 Tim. 4:7b) Ano ang makadiyos na debosyon? Tumutukoy ito sa malapít na kaugnayan ng isang tao kay Jehova na nagpapakilos sa kaniya na gawin ang gusto ng Diyos. Hindi tayo ipinanganak na mayroon nang makadiyos na debosyon, kaya kailangan nating magsikap para magkaroon nito. Paano? Ang salitang Griego para sa “sanayin mo ang iyong sarili” ay madalas gamitin para tumukoy sa matinding pagsasanay ng mga atletang sasali sa mga paligsahan. Kailangan nila ng disiplina sa sarili. Kailangan din nating disiplinahin ang sarili natin para masanay tayong gawin ang mga bagay na magpapalapit sa atin kay Jehova.

14. Ano ang gusto nating mangyari kapag nagbabasa ng Bibliya? Magbigay ng halimbawa.

14 Mahalagang araw-araw tayong nagbabasa ng Bibliya. At kapag nagbabasa tayo, gusto nating mas mapalapít pa kay Jehova. Halimbawa, ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova nang kausapin ni Jesus ang isang mayamang tagapamahala? (Mar. 10:17-22) Kahit naniniwala ang lalaki na si Jesus ang Mesiyas, hindi siya naging tagasunod ni Jesus kasi kulang ang pananampalataya niya. Pero kahit ganoon, “nakadama [si Jesus] ng pagmamahal sa kaniya” at mabait pa ring nakipag-usap sa kaniya. Gusto ni Jesus na maglingkod ang lalaki kay Jehova para maging masaya. Makikita sa ulat na ito kung gaano kamahal ni Jehova ang lalaki. (Juan 14:9) Habang pinag-iisipan ang ulat na ito at ang sitwasyon mo, puwede mo ring tanungin ang iyong sarili, ‘May kailangan din ba akong gawin para mas mapalapít kay Jehova at mas mapaglingkuran ang iba?’

15. Bakit dapat maging mabuting halimbawa ang isang kabataang brother? Magbigay ng halimbawa. (1 Timoteo 4:12, 13)

15 “Maging halimbawa ka sa mga tapat.” (Basahin ang 1 Timoteo 4:12, 13.) Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na maging mahusay sa pagbabasa at pagtuturo. Pero pinayuhan din niya ito na magpakita ng magagandang katangian gaya ng pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan sa moral. Bakit? Kasi mas mahalaga ang halimbawang ipinapakita mo kaysa sa mga sinasabi mo. Halimbawa, magpapahayag ka. At papatibayin mo ang mga kapatid na maging mas masigasig sa ministeryo. Siguradong hindi ka mahihiyang magpayo tungkol dito kapag nakikita nilang lagi kang nangangaral. At mas mapapakilos mo sila kung ginagawa mo ang sinasabi mo.—1 Tim. 3:13.

16. (a) Sa anong limang bagay puwedeng maging magandang halimbawa ang mga kabataang brother? (b) Paano magiging magandang halimbawa ang isang kabataang brother “sa pagsasalita”?

16 Sa 1 Timoteo 4:12, sinabi ni Pablo na puwedeng maging magandang halimbawa ang mga kabataang brother sa limang bagay. Puwede mong gawing study project ang mga iyan. Gusto mo bang maging mabuting halimbawa “sa pagsasalita”? Pag-isipan kung paano mo mapapatibay ang iba. Kung nakatira ka kasama ng mga magulang mo, puwede mo ba silang mas madalas na pasalamatan sa mga ginagawa nila para sa iyo? Pagkatapos ng mga pulong, puwede mo bang lapitan ang isang may bahagi at sabihin sa kaniya kung ano ang nagustuhan mo sa bahagi niya? Sikapin mo ring magkomento sa mga pulong gamit ang sarili mong mga salita. Kapag naging mabuting halimbawa ka sa pagsasalita, patunay iyon na sumusulong ka.—1 Tim. 4:15.

17. Ano ang makakatulong sa isang kabataang brother na maabot ang mga goal niya sa espirituwal? (2 Timoteo 2:22)

17 “Tumakas ka mula sa mga pagnanasang karaniwan sa mga kabataan; itaguyod mo ang katuwiran.” (Basahin ang 2 Timoteo 2:22.) Pinayuhan ni Pablo si Timoteo na iwasan ang mga bagay na makakaapekto sa paglilingkod at pakikipagkaibigan niya kay Jehova. Pero may mga gawain din na kahit hindi masama, puwede namang makaubos ng panahon mo para sa espirituwal na mga bagay. Halimbawa, pag-isipan kung gaano karaming oras ang ginagamit mo sa sports, Internet, o video game. Puwede mo bang magamit ang panahong iyon sa mga espirituwal na gawain? Baka puwede kang tumulong sa maintenance ng Kingdom Hall ninyo o sumama sa cart witnessing ng kongregasyon. Kung gagawin mo iyan, puwede kang makahanap ng mga kaibigan na tutulong sa iyo na magkaroon at maabot ang mga goal mo.

PAGPAPALAIN KA KAPAG NAGLILINGKOD KA

18. Anong mga pagpapala ang tinanggap nina Marcos at Timoteo?

18 May mga isinakripisyo sina Marcos at Timoteo para mas makapaglingkod sa iba. Kaya talagang naging masaya sila at tumanggap ng maraming pagpapala. (Gawa 20:35) Nakapunta si Marcos sa malalayong lugar para mapaglingkuran ang mga kapatid. Nakapagsulat din siya ng isang napakagandang ulat tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus. Natulungan naman ni Timoteo si Pablo sa pagtatatag ng mga kongregasyon at pagpapatibay sa mga kapatid. Siguradong masayang-masaya si Jehova sa lahat ng ginawa nina Marcos at Timoteo.

19. Bakit magandang pag-isipan ng mga kabataang brother ang mga payo ni Pablo kay Timoteo, at ano ang mangyayari kapag ginawa nila iyan?

19 Sa mga liham ni Pablo kay Timoteo, kitang-kita natin na talagang mahal niya ang kaibigan niyang si Timoteo. At makikita rin sa mga liham na iyan na mahal na mahal ni Jehova kayong mga kabataang brother. Gusto niyang maging masaya kayo sa paglilingkod. Kaya sikaping sundin ang mga payo ni Pablo para mas makapaglingkod pa kayo sa iba. Kapag ginawa ninyo iyan, magkakaroon kayo ng maraming magagandang karanasan at ‘makakapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Tim. 6:18, 19.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ni Marcos?

  • Paano mo maipapakitang talagang nagmamalasakit ka sa iba, gaya ni Timoteo?

  • Anong mga payo mula kay Pablo ang makakatulong sa mga kabataang brother na mas makapaglingkod pa kay Jehova?

AWIT BLG. 80 Tikman at Tingnan ang Kabutihan ni Jehova

a Dahil nakadarama si Pedro ng matitinding emosyon, malinaw niyang nailarawan kay Marcos ang mga naramdaman ni Jesus sa iba’t ibang sitwasyon. Iyan ang posibleng dahilan kung bakit sa ulat ni Marcos, madalas niyang mabanggit ang mga emosyon at reaksiyon ni Jesus.—Mar. 3:5; 7:34; 8:12.

b LARAWAN: Inaasikaso ni Marcos ang mga pangangailangan nina Pablo at Bernabe sa paglalakbay nila bilang misyonero. Pinapatibay ni Timoteo ang mga kapatid sa kongregasyong dinadalaw niya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share