ARALING ARTIKULO 26
AWIT BLG. 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan
Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
“Hindi natin kayang unawain ang lahat ng bagay tungkol sa Makapangyarihan-sa-Lahat.”—JOB 37:23.
MATUTUTUHAN
Puwede tayong mag-alala dahil sa mga bagay na hindi natin alam. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano makakatulong sa atin ang pagtanggap sa katotohanan na hindi natin alam ang lahat ng bagay, ang pagpopokus sa mga bagay na alam natin, at ang pagtitiwala kay Jehova.
1. Anong mga kakayahan ang ibinigay ni Jehova sa atin, at bakit?
KAYA nating mag-isip, matuto, umunawa, at gamitin o isabuhay ang mga natututuhan natin. Ganiyan tayo nilalang ni Jehova. Bakit? Gusto kasi niyang ‘matagpuan natin ang kaalaman tungkol sa kaniya’ at gumawa ng magagandang desisyon base dito.—Kaw. 2:1-5; Roma 12:1.
2. (a) Ano ang kailangan nating tanggapin? (Job 37:23, 24) (Tingnan din ang larawan.) (b) Bakit makakatulong kung tatanggapin natin na hindi natin alam ang lahat?
2 Kahit kaya nating matuto, marami pa rin tayong hindi malalaman. (Basahin ang Job 37:23, 24.) Tingnan ang nangyari kay Job. Dahil sa mga tanong ni Jehova sa kaniya, naunawaan niya na marami siyang hindi alam. Nakatulong iyon sa kaniya na maging mapagpakumbaba at baguhin ang pag-iisip niya. (Job 42:3-6) Makakatulong din sa atin kung tatanggapin nating hindi natin alam ang lahat. Mapapakilos tayo nito na magtiwala kay Jehova kasi sa kaniya manggagaling ang kaalaman na kailangan natin para makagawa ng magagandang desisyon.—Kaw. 2:6.
Gaya ni Job, makakabuti sa atin kung tatanggapin natin na may mga bagay tayong hindi alam (Tingnan ang parapo 2)
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilan sa mga hindi natin alam at ang mga puwede nating maramdaman dahil dito. Tatalakayin din natin kung bakit makakabuti sa atin na hindi natin alam ang mga iyon. Tutulong ang mga iyan para mas magtiwala tayo kay Jehova, ang “Isa na nakaaalam ng lahat ng bagay,” kasi alam niya kung ano lang ang dapat nating malaman.—Job 37:16.
KUNG KAILAN DARATING ANG WAKAS
4. Ayon sa Mateo 24:36, ano ang hindi natin alam?
4 Basahin ang Mateo 24:36. Hindi natin alam kung kailan darating ang wakas ng sistemang ito. Noong nandito sa lupa si Jesus, hindi rin niya alam ang “araw at oras” ng wakas.a Pero sinabi niya sa mga apostol na alam iyon ni Jehova, ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon. Siya lang ang may “karapatang magpasiya” kung kailan mangyayari ang mga bagay-bagay. (Gawa 1:6, 7) Alam ni Jehova kung kailan ang wakas ng sistemang ito, at hindi na natin kailangang malaman pa iyon.
5. Ano ang puwede nating maramdaman dahil hindi natin alam kung kailan darating ang wakas?
5 Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo maghihintay sa pagdating ng wakas. Kaya baka mainip tayo o madismaya, lalo na kung matagal na tayong naghihintay. O baka mahirapan tayong magtiis kapag tinutuya tayo ng kapamilya natin o ng iba kasi hindi pa dumarating ang wakas. (2 Ped. 3:3, 4) Baka maisip natin na kung alam lang natin ang eksaktong dating ng wakas, magiging mas madali sa atin na magtiis.
6. Bakit makakabuti sa atin na hindi natin alam kung kailan darating ang wakas?
6 Dahil hindi sinabi ni Jehova kung kailan eksaktong darating ang wakas, may pagkakataon tayong ipakitang naglilingkod tayo sa kaniya kasi mahal natin siya at nagtitiwala tayo sa kaniya. Hindi tayo naglilingkod kay Jehova dahil sa “deadline.” Nagpopokus tayo sa kung ano ang mga mangyayari pagkatapos ng “araw ni Jehova,” at hindi kung kailan ito darating. Kapag ginawa natin iyan, mas mapapalapit tayo kay Jehova, at sisikapin nating gawin ang lahat para mapasaya siya.—2 Ped. 3:11, 12.
7. Ano ang alam natin?
7 Mas mahalagang magpokus sa mga alam na natin. Halimbawa, alam nating nagsimula na ang mga huling araw noong 1914. Paano natin nalaman iyan? Nagbigay si Jehova ng mga hula na nagpapakitang nagsimula noong taóng iyon ang mga huling araw. Sinabi rin niya ang mga magiging kalagayan kapag nagsimula na ang panahong iyon. Kaya kumbinsido tayong “ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na.” (Zef. 1:14) Alam din nating may ipinapagawa sa atin si Jehova—sabihin sa lahat ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian.’ (Mat. 24:14) Ipinapangaral na ito sa mga 240 lupain at sa mahigit 1,000 wika. Gusto rin nating maging masigasig sa gawaing iyan, kahit hindi natin alam ang “araw at oras” ng pagdating ng wakas.
KUNG PAANO KUMIKILOS SI JEHOVA
8. Saan tumutukoy ang “gawa ng tunay na Diyos”? (Eclesiastes 11:5)
8 Hindi natin laging malalaman ang “gawa ng tunay na Diyos.” (Basahin ang Eclesiastes 11:5.) Tumutukoy ang “gawa ng tunay na Diyos” sa mga bagay na pinapangyari o hinahayaan ni Jehova na mangyari para matupad ang kalooban niya. Hindi natin laging mauunawaan ang lahat ng detalye tungkol dito—halimbawa, kung bakit niya hinayaang mangyari ang isang bagay o kung ano ang eksakto niyang gagawin para sa atin. (Awit 37:5) Kung paanong hindi pa rin lubusang maintindihan ng mga siyentipiko ang paglaki ng isang sanggol sa sinapupunan ng nanay niya, hindi rin natin lubusang mauunawaan ang “gawa ng tunay na Diyos.”
9. Ano ang puwedeng mangyari dahil hindi natin alam kung paano kumikilos si Jehova?
9 Dahil hindi natin alam kung paano kumikilos si Jehova para sa atin, baka mahirapan tayong gumawa ng mga desisyon. Baka mag-alangan tayong gumawa ng mga sakripisyo para mapalawak ang ministeryo natin, gaya ng pagpapasimple ng buhay o paglipat kung saan may malaking pangangailangan. O baka maisip natin na hindi tayo pinagpapala ni Jehova kasi hindi natin naaabot ang mga goal natin, wala tayong nagiging Bible study, o nagkakaproblema tayo sa mga atas natin.
10. Ano ang magagandang resulta dahil hindi natin alam kung paano kumikilos si Jehova?
10 Dahil hindi natin alam kung paano kumikilos si Jehova, mas naipapakita natin ang kapakumbabaan. Mas nauunawaan natin na talagang alam ni Jehova ang pinakamakakabuti para sa atin. (Isa. 55:8, 9) Mas nagtitiwala rin tayo sa kaniya kasi alam nating magtatagumpay tayo sa tulong niya. At kapag may magagandang resulta ang ministeryo o atas natin, ibinibigay natin ang papuri kay Jehova. (Awit 127:1; 1 Cor. 3:7) Hindi man mangyari ang mga inaasahan natin, hindi tayo masyadong mag-aalala kasi alam nating nakikita pa rin ni Jehova ang sitwasyon natin. (Isa. 26:12) Gawin lang natin ang makakaya natin, at magtiwalang tutulungan tayo ni Jehova. Makakaasa tayong gagabayan niya tayo, hindi man ito sa makahimalang paraan.—Gawa 16:6-10.
11. Ano ang alam natin?
11 Dapat nating tandaan na laging mapagmahal, makatarungan, at marunong si Jehova. Alam nating talagang pinapahalagahan niya ang mga pagsisikap natin para sa kaniya at sa mga kapatid. At alam din nating lagi niyang ginagantimpalaan ang mga tapat sa kaniya.—Heb. 11:6.
KUNG ANO ANG PUWEDENG MANGYARI SA ATIN
12. Ayon sa Santiago 4:13, 14, ano ang hindi natin alam?
12 Basahin ang Santiago 4:13, 14. Hindi natin alam kung ano ang puwedeng mangyari sa atin. Sa sistemang ito, lahat tayo ay “naaapektuhan ng panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Ecles. 9:11) Kaya hindi natin laging malalaman kung magtatagumpay ang mga plano natin o kung makikita pa natin ang resulta ng mga ito.
13. Ano ang puwede nating maramdaman dahil hindi natin alam kung ano ang puwedeng mangyari sa atin?
13 Mahirap talaga kapag hindi natin alam ang mga puwedeng mangyari. Bakit? Baka sobra tayong mag-alala, at hindi na tayo maging masaya. Kung may mangyaring hindi talaga natin inaasahan, baka sobra tayong malungkot o magalit. At kung hindi naman mangyari ang mga inaasahan natin, baka madismaya tayo at panghinaan ng loob.—Kaw. 13:12.
14. Ano ang dapat nating gawin para maging tunay na masaya? (Tingnan din ang mga larawan.)
14 Kapag naglilingkod tayo kay Jehova kahit may mga problema, ipinapakita nating mahal talaga natin siya. Mababasa sa mga ulat ng Bibliya na hindi niya laging pinoprotektahan ang mga lingkod niya sa lahat ng problema at na hindi niya itinatadhana ang buhay ng mga tao. Alam ni Jehova na puwede pa rin tayong maging masaya kahit hindi natin alam ang mangyayari sa atin. At magiging tunay na masaya tayo kapag nagpapagabay tayo at sumusunod sa kaniya. (Jer. 10:23) Kapag ginawa natin iyan, para bang sinasabi natin: “Kung kalooban ni Jehova, mabubuhay kami at gagawin namin ito o iyon.”—Sant. 4:15.
Kapag nagpapagabay at sumusunod tayo kay Jehova, nakikinabang tayo (Tingnan ang parapo 14-15)b
15. Ano ang alam natin tungkol sa hinaharap?
15 Hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas, pero alam nating nangako si Jehova ng buhay na walang hanggan—sa langit man o sa lupa. Alam nating hindi siya nagsisinungaling at walang makakapigil sa kaniya na tuparin ang mga pangako niya. (Tito 1:2) Si Jehova lang ang makakapagsabi ng ‘mga mangyayari at ng mga bagay na hindi pa nagagawa.’ Nagkatotoo ang lahat ng sinabi niya noon, kaya siguradong matutupad din ang lahat ng sinabi niyang mangyayari sa hinaharap. (Isa. 46:10) Alam din nating walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ni Jehova. (Roma 8:35-39) Papatibayin niya tayo, at bibigyan niya tayo ng karunungan at lakas para makapagtiis. Alam nating tutulungan at pagpapalain tayo ni Jehova.—Jer. 17:7, 8.
KUNG GAANO TAYO KAKILALA NI JEHOVA
16. Ano ang alam ni Jehova tungkol sa atin, at ano ang nararamdaman mo tungkol diyan? (Awit 139:1-6)
16 Basahin ang Awit 139:1-6. Dahil si Jehova ang lumalang sa atin, alam niya ang lahat ng detalye tungkol sa atin—kasama na ang mga emosyon at iniisip natin. Lagi siyang interesado sa atin. Nababasa niya ang puso natin, kaya alam niya kung ano talaga ang gusto nating sabihin at kung bakit natin ginawa ang isang bagay. Sinabi ni Haring David na kayang-kaya at handa tayong tulungan ni Jehova. Hindi ba nakakapagpatibay malaman na interesado sa atin ang Maylalang at Kataas-taasang Panginoon? Gaya ni David, baka masabi natin: “Ang gayong kaalaman ay lubhang kamangha-mangha para sa akin. Iyon ay napakalalim para maintindihan ko.”—Awit 139:6, tlb.
17. Bakit nahihirapan ang ilan na paniwalaang kilalang-kilala tayo ni Jehova?
17 Dahil sa kultura, pagpapalaki sa atin ng pamilya natin, at dating paniniwala, baka mahirapan ang ilan sa atin na paniwalaang mahal tayo ni Jehova at interesado siya sa atin. O baka dahil sa nagawa nating malubhang kasalanan noon, baka maisip natin na hindi na siya magiging interesado sa atin. Naramdaman din iyan ni David noon. (Awit 38:18, 21) Baka maisip naman ng isa na nagsisikap sundin ang mga pamantayan ng Diyos, ‘Kung kilalang-kilala ako ng Diyos, bakit gusto pa niya akong magbago imbes na tanggapin na lang kung sino ako?’
18. Bakit makakabuting tanggapin na mas kilala tayo ni Jehova kaysa sa sarili natin? (Tingnan din ang mga larawan.)
18 Makakabuti kung tatanggapin natin na mas kilala tayo ni Jehova kaysa sa sarili natin. Nakikita niya ang mabubuting bagay sa atin na baka hindi natin nakikita. At kahit alam niya ang mga kahinaan natin, mahal pa rin niya tayo kasi alam din niyang nagsisikap tayong gawin ang tama. (Roma 7:15) Kapag tinanggap nating nagpopokus si Jehova sa potensiyal natin, mapapatibay tayo nito na maglingkod sa kaniya nang tapat at masaya.
Kapag sobra tayong nag-aalala, mapapatibay tayo ni Jehova kung iisipin natin ang mga pangako niya sa hinaharap (Tingnan ang parapo 18-19)c
19. Ano ang alam natin tungkol kay Jehova?
19 Hindi tayo nagdududa na si Jehova ay pag-ibig. (1 Juan 4:8) Alam nating ibinigay niya sa atin ang mga pamantayan niya kasi mahal niya tayo at gusto niya ang pinakamabuti para sa atin. Alam din nating gusto ni Jehova na mabuhay tayo nang walang hanggan. Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit niya ibinigay ang pantubos. Dahil sa pantubos, alam nating puwede pa rin nating mapasaya si Jehova kahit nagkakamali tayo. (Roma 7:24, 25) Alam din nating “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa puso natin at alam niya ang lahat ng bagay.” (1 Juan 3:19, 20) Kilalang-kilala niya tayo, at alam niyang kaya nating gawin ang kalooban niya.
20. Ano ang makakatulong sa atin para hindi masyadong mag-alala?
20 Ibinigay na ni Jehova ang lahat ng impormasyong kailangan natin sa ngayon. Kapag tinanggap natin ang katotohanang iyan, hindi tayo masyadong mag-aalala sa mga bagay na hindi natin alam. Mas makakapagpokus tayo sa mas mahahalagang bagay. Kapag ginawa natin iyan, maipapakita nating nagtitiwala tayo kay Jehova, ang “Isa na nakaaalam ng lahat ng bagay.” (Job 36:4) Limitado lang ang alam natin ngayon. Pero sa hinaharap, alam nating marami pang ituturo si Jehova. At walang hanggan pa tayong matututo tungkol sa kaniya!—Ecles. 3:11.
AWIT BLG. 104 Tulong ng Banal na Espiritu ng Diyos
a Si Jesus ang mangunguna sa digmaan ng Armagedon. Kaya makatuwirang isipin na alam na niya ngayon kung kailan ito mangyayari.—Apoc. 6:2; 19:11-16.
b LARAWAN: Mag-amang naghahanda ng go bag para sa emergency.
c LARAWAN: Isang problemadong brother na iniisip ang magandang pangako ni Jehova sa hinaharap.