ARALING ARTIKULO 27
AWIT BLG. 79 Turuan Mo Silang Maging Matatag
Tulungan ang mga Bible Study na Manindigan sa Katotohanan
“Manghawakan kayong mahigpit sa pananampalataya . . . Magpakalakas kayo.”—1 COR. 16:13.
MATUTUTUHAN
Kung paano tutulungan ang mga Bible study na magkaroon ng pananampalataya at lakas ng loob para makapanindigan sa katotohanan.
1-2. (a) Bakit nag-aalangan ang ilang Bible study na manindigan sa katotohanan? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
NAG-ALANGAN ka rin ba noon na maging Saksi ni Jehova? Baka natakot ka sa magiging reaksiyon ng mga katrabaho, kaibigan, o kapamilya mo. O baka naisip mong hindi mo kayang sundin ang mga pamantayan ng Diyos. Kung oo, maiintindihan mo kung bakit nag-aalangan ang ilang Bible study na manindigan sa katotohanan.
2 Alam ni Jesus na puwedeng makapigil ang mga iyan sa isang tao na magdesisyong maglingkod kay Jehova. (Mat. 13:20-22) Pero patuloy niyang tinulungan ang mga nahihirapang sumunod sa kaniya. Sa halimbawa ni Jesus, makikita natin kung paano natin matutulungan ang mga Bible study na (1) alamin ang mga pumipigil sa kanila na sumulong, (2) mapalalim ang pag-ibig nila kay Jehova, (3) unahin sa buhay nila si Jehova, at (4) makayanan ang pag-uusig. Aalamin din natin kung paano natin iyan gagawin gamit ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman para matulungan natin sila na manindigan.
TULUNGAN SILANG MALAMAN ANG MGA NAKAKAPIGIL SA KANILA
3. Bakit nahirapan si Nicodemo na maging tagasunod ni Jesus?
3 Si Nicodemo ay isang prominenteng lider ng mga Judio. Mga anim na buwan pa lang mula nang magsimulang mangaral si Jesus, kumbinsido na si Nicodemo na isinugo ng Diyos si Jesus. (Juan 3:1, 2) Pero “dahil sa takot sa mga Judio,” palihim lang siyang nakipagkita kay Jesus. (Juan 7:13; 12:42) Baka naisip niyang maraming mawawala sa kaniya kapag naging alagad siya ni Jesus.a
4. Paano tinulungan ni Jesus si Nicodemo na maintindihan kung ano ang gusto ng Diyos na gawin niya?
4 Marami nang alam si Nicodemo sa Kautusan, pero hindi pa niya naiintindihan kung ano ang gusto ng Diyos na gawin niya. Paano siya tinulungan ni Jesus? Nagbigay si Jesus ng panahon para turuan si Nicodemo—ginawa pa nga niya ito kahit gabi na. At sinabi rin niya kay Nicodemo ang mga dapat nitong gawin para maging tagasunod niya: magsisi, magpabautismo, at manampalataya sa Anak ng Diyos.—Juan 3:5, 14-21.
5. Paano natin matutulungan ang Bible study natin na malaman kung ano ang nakakapigil sa kaniya?
5 Kahit marami nang alam sa Bibliya ang Bible study mo, baka kailangan pa rin niya ng tulong para malaman kung ano ang nakakapigil sa kaniya na sumulong. Halimbawa, baka nauubos ang oras niya sa trabaho o ayaw ng pamilya niya na maging Saksi siya. Gaya ni Jesus, magbigay ng panahon sa kaniya. Puwede mo siyang yayaing magmeryenda o mamasyal. Kapag mas relaxed siya, mas masasabi niya sa iyo ang mga pinagdadaanan niya. Pagkatapos, tulungan mo siyang makita kung ano ang puwede niyang gawin. At ipaalala sa kaniya kung bakit niya iyon gagawin—para kay Jehova, hindi para sa iyo.
6. Paano mo matutulungan ang Bible study mo na manindigan sa katotohanan? (1 Corinto 16:13)
6 Kapag sigurado ang Bible study mo na tutulungan siya ni Jehova, lalakas ang loob niya na isabuhay ang mga natututuhan niya. (Basahin ang 1 Corinto 16:13.) Paano mo siya matutulungan? Isipin ito: Hindi ba noong nag-aaral ka sa school, mas gusto mo ang teacher na matiyagang nagtuturo sa iyo at tinutulungan kang mas magtiwala sa kakayahan mo? Gusto rin nating maging ganiyan sa Bible study natin. Itinuturo natin sa kaniya ang mga gusto ni Jehova, at tinutulungan natin siyang magtiwala na kaya niyang gawin ang mga iyon sa tulong ni Jehova. Ano pa ang puwede nating gawin?
TULUNGAN SILANG MAPALALIM ANG PAG-IBIG NILA KAY JEHOVA
7. Paano tinulungan ni Jesus ang mga tao na mapalalim ang pag-ibig nila kay Jehova?
7 Alam ni Jesus na kung mahal ng mga alagad niya ang Diyos, isasabuhay nila ang mga natututuhan nila. Kaya tinuruan niya sila ng mga bagay na magpapalalim ng pag-ibig nila sa Ama nila sa langit. Halimbawa, ikinumpara niya si Jehova sa isang ama na nagbibigay ng mabubuting bagay sa mga anak nito. (Mat. 7:9-11) Posibleng may mga tagapakinig si Jesus na sabik sa pagmamahal ng isang ama kasi hindi nila ito naramdaman. Ano kaya ang naging reaksiyon nila nang marinig nila ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa maawaing ama na tinanggap ang nagsisisi niyang anak? Siguradong kitang-kita nila dito ang pagmamahal ni Jehova sa mga anak niya.—Luc. 15:20-24.
8. Paano mo matutulungan ang Bible study mo na mapalalim ang pag-ibig niya kay Jehova?
8 Matutulungan mo ang Bible study mo na mapalalim ang pag-ibig niya kay Jehova kung papalitawin mo ang mga katangian ni Jehova tuwing tinuturuan mo siya. Tulungan siyang makita ang pag-ibig ni Jehova sa bawat bagay na natututuhan niya. Halimbawa, kapag pinag-aaralan ninyo ang pantubos, ipakita sa kaniya na ginawa iyon ni Jehova hindi lang para sa sangkatauhan, kundi para din sa kaniya mismo. (Roma 5:8; 1 Juan 4:10) Tulungan ang Bible study mo na makita kung gaano siya kamahal ni Jehova. Malamang na mapakilos siya nitong mahalin din si Jehova.—Gal. 2:20.
9. Ano ang nakatulong kay Michael na maglingkod kay Jehova?
9 Tingnan ang karanasan ni Michael na mula sa Indonesia. Bata pa lang siya, alam na niya ang katotohanan. Pero hindi siya nagpabautismo. Noong 18 siya, nag-abroad siya para magtrabaho bilang driver ng truck. Bumalik siya sa Indonesia para magpakasal pero nag-abroad ulit para magtrabaho. Habang nasa ibang bansa siya, nagsimulang makipag-aral ng Bibliya at sumulong ang asawa niya at anak nilang babae. Nang mamatay ang nanay niya, umuwi si Michael para alagaan ang tatay niya. Pumayag din siyang magpa-Bible study. Talagang nagustuhan ni Michael ang seksiyong “Pag-aralan” sa aralin 27 ng Masayang Buhay Magpakailanman. Naluha siya nang pag-isipan niya ang nararamdaman ni Jehova habang nakikita Niyang nagdurusa ang Anak Niya. Kaya talagang napahalagahan ni Michael ang pantubos, at napakilos siya nito na gumawa ng mga pagbabago at magpabautismo.
TULUNGAN SILANG UNAHIN SI JEHOVA
10. Paano tinulungan ni Jesus ang mga alagad niya na unahin sa buhay nila si Jehova? (Lucas 5:5-11) (Tingnan din ang larawan.)
10 Kumbinsido naman ang mga alagad na si Jesus ang Mesiyas. Pero kailangan pa nila ng tulong para maintindihan na dapat nilang unahin sa buhay nila ang pangangaral. Mga ilang buwan na ring alagad ni Jesus sina Pedro at Andres bago niya sila imbitahan na sundan siya nang buong panahon. (Mat. 4:18, 19) May negosyo sila sa pangingisda, at lumilitaw na kasosyo nila sina Santiago at Juan. (Mar. 1:16-20) Kahit malakas ang negosyo nila, “iniwan [nina Pedro at Andres] ang kanilang mga lambat.” At malamang na gumawa sila ng paraan para mapaglaanan ang pamilya nila. Paano kaya sila nagkaroon ng lakas ng loob na unahin si Jehova? Nakita kasi nilang gumawa ng himala si Jesus kaya nakumbinsi silang paglalaanan sila ni Jehova.—Basahin ang Lucas 5:5-11.
Tinulungan ni Jesus ang mga alagad niya na unahin sa buhay nila si Jehova. Paano natin siya matutularan? (Tingnan ang parapo 10-11)b
11. Paano makakatulong ang mga karanasan natin para mapatibay ang pananampalataya ng Bible study natin?
11 Di-gaya ni Jesus, hindi natin kayang gumawa ng mga himala. Pero puwede tayong magkuwento ng mga karanasan na makakatulong sa Bible study natin. Halimbawa, baka naaalala mo pa kung paano ka tinulungan ni Jehova noong magsimula kang dumalo sa mga pulong. Malamang na ipinaliwanag mo sa boss mo na hindi ka makakapag-overtime kapag araw ng pulong. Habang ikinukuwento mo iyan sa Bible study mo, sabihin na napatibay ka kasi nakita mong pinagpala ni Jehova ang desisyon mong unahin Siya sa buhay mo.
12. (a) Bakit makakatulong sa Bible study natin kung magsasama tayo ng iba’t ibang kapatid? (b) Ano pa ang puwede nating gamitin para matulungan ang Bible study natin? Magbigay ng halimbawa.
12 Makakatulong din sa Bible study mo ang karanasan ng ibang mga kapatid. Kaya magsama ng mga kapatid na iba’t iba ang pinagmulan at naranasan. Ipakuwento sa kanila kung paano nila nalaman ang katotohanan at kung ano ang mga ginawa nila para unahin ang paglilingkod kay Jehova. Bukod diyan, panoorin din ninyo ng Bible study mo ang mga video sa mga seksiyong “Pag-aralan” at “Tingnan Din” sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman. Halimbawa, kapag nasa aralin 37 na kayo, tulungan siyang makita ang mga aral sa video na Ilalaan ni Jehova ang Pangangailangan Natin.
TULUNGAN SILANG MAKAYANAN ANG PAG-UUSIG
13. Paano inihanda ni Jesus ang mga alagad sa pag-uusig?
13 Ilang beses na sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na pag-uusigin sila ng iba, pati na ng mga kapamilya nila. (Mat. 5:11; 10:22, 36) At noong malapit nang matapos ang ministeryo ni Jesus, sinabi niya na puwede pa nga silang patayin dahil sa paglilingkod nila kay Jehova. (Mat. 24:9; Juan 15:20; 16:2) Kaya itinuro niya sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin kapag nangangaral. Pinayuhan niya sila na huwag makipagtalo sa mga kumokontra sa kanila at na maging maingat para maipagpatuloy nila ang ministeryo nila.
14. Paano natin matutulungan ang Bible study natin na maging handa sa pag-uusig? (2 Timoteo 3:12)
14 May magagawa tayo para matulungan ang Bible study natin na maging handa sa pag-uusig. Sabihin natin sa kaniya ang posibleng maging reaksiyon ng mga katrabaho, kaibigan, o kapamilya niya dahil nag-aaral siya ng Bibliya. (Basahin ang 2 Timoteo 3:12.) Baka pagtawanan siya ng mga katrabaho niya kasi sinusunod na niya ang mga pamantayan ng Bibliya. O baka kontrahin ng mga kapamilya niya ang mga bago niyang paniniwala. Maganda kung masasabi na natin agad sa Bible study natin ang tungkol sa pag-uusig, para kapag dumating iyon, hindi siya magugulat at handa na siya.
15. Ano ang makakatulong sa Bible study natin na makayanan ang pag-uusig mula sa pamilya?
15 Kung pinag-uusig ang Bible study mo ng pamilya niya, tulungan siyang pag-isipan kung bakit ganoon ang reaksiyon nila. Baka iniisip ng mga kapamilya niya na hindi totoo ang mga itinuturo natin. O baka hindi maganda ang tingin nila sa mga Saksi. Ganiyan din ang naranasan ni Jesus sa pamilya niya. Inisip pa nga nila na nababaliw na siya. (Mar. 3:21; Juan 7:5) Kaya turuan ang Bible study mo na magtiis at maging mabait pa rin sa iba, pati na sa mga kapamilya niya.
16. Paano natin matutulungan ang Bible study natin na maging mataktika kapag nagpapatotoo sa iba?
16 Kapag nagpapatotoo ang Bible study mo sa kapamilya niya, mas maganda kung hindi niya ito papaulanan ng napakaraming impormasyon kahit interesado pa ito. Baka kasi dahil doon, hindi na ulit ito magtanong tungkol sa mga paniniwala niya. Kaya turuan siyang magpatotoo nang unti-unti para gustuhin pa rin ng kapamilya niya na makinig sa susunod. (Col. 4:6) Puwede rin niyang sabihin sa kapamilya niya na puntahan ang website na jw.org. Sa ganitong paraan, puwedeng maghanap ang kapamilya niya ng higit pang impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova kung kailan nito gusto.
17. Paano mo matutulungan ang Bible study mo na masagot ang mga tanong tungkol sa mga Saksi ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
17 Para matulungan ang Bible study mo na masagot ang mga posibleng itanong sa kaniya ng mga kapamilya o katrabaho niya, puwede mong gamitin ang serye sa jw.org na “Karaniwang mga Tanong.” (2 Tim. 2:24, 25) Gamit naman ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, pag-usapan ninyo ang seksiyong “May Nagsasabi” sa dulo ng bawat aralin. Pasiglahin siyang mag-practice kung paano niya ipapaliwanag ang paniniwala niya. At kung kailangan, tulungan siyang ma-improve iyon. Makakatulong sa kaniya ang ganiyang pagpa-practice para magkaroon siya ng lakas ng loob na ipaliwanag ang paniniwala niya.
Mag-practice kayo ng Bible study mo na mangaral para lumakas ang loob niya (Tingnan ang parapo 17)c
18. Paano mo matutulungan ang Bible study mo na maging isang di-bautisadong mamamahayag? (Mateo 10:27)
18 Inutusan ni Jesus ang mga tagasunod niya na ipangaral ang mabuting balita. (Basahin ang Mateo 10:27.) Kapag nangangaral na ang Bible study mo, matututo siyang mas magtiwala kay Jehova. Kaya tulungan siyang gawin iyon agad. Ano ang puwede mong gawin para maging isang di-bautisadong mamamahayag ang study mo? Kapag may kampanya sa pangangaral ang kongregasyon ninyo, ipaliwanag sa kaniya ang mga puwede niyang gawin para makasama siya. Sabihin sa kaniya na mas madaling mangaral sa panahon ng kampanya. Makakatulong din sa kaniya kapag may mga bahagi na siya sa midweek meeting kasi mas matututo siyang ipaliwanag ang paniniwala niya.
IPAKITANG NAGTITIWALA KA SA BIBLE STUDY MO
19. Paano ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya sa mga alagad niya, at paano natin siya matutularan?
19 Bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa mga alagad niya na makakasama nila siya ulit. Hindi nila agad naunawaan na ang ibig niyang sabihin, aakyat din sila sa langit. Pero sigurado pa rin si Jesus na gusto nilang maging tagasunod niya. (Juan 14:1-5, 8) Alam niyang kailangan lang nila ng panahon para maintindihan ang ilang mga bagay, gaya ng pag-asa nila sa langit. (Juan 16:12) Matutularan din natin si Jesus. Puwede nating ipakitang nagtitiwala tayo na gusto ng Bible study natin na maglingkod kay Jehova.
Kapag nangangaral na ang Bible study mo, matututo siyang mas magtiwala kay Jehova. Kaya tulungan siyang gawin iyon agad
20. Paano ipinakita ng isang sister sa Malawi na nagtitiwala siya sa Bible study niya?
20 Nagtitiwala tayong gusto ng Bible study natin na gawin ang tama. Ganiyan ang ginawa ni Chifundo, isang sister sa Malawi. Gamit ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, bina-Bible study niya si Alinafe, na isang Katoliko. Pagkatapos nilang pag-aralan ang aralin 14, tinanong ni Chifundo si Alinafe kung ano ang tingin nito sa paggamit ng imahen sa pagsamba. Sumamâ ang loob nito at sinabi, “Nasa sa ’kin na kung gagamit ako ng imahen!” Inisip ni Chifundo na baka huminto na si Alinafe sa pagba-Bible study. Pero naging matiyaga si Chifundo. Ipinagpatuloy pa rin niya ang Bible study nila at umasa siyang maiintindihan din ni Alinafe ang turong ito. Pagkatapos ng ilang buwan, itinanong ni Chifundo ang tanong sa aralin 34: “Mula nang mag-aral ka ng Bibliya at makilala mo ang Diyos na Jehova, ano ang napansin mong epekto nito sa iyo?” Naalala ni Chifundo: “Maraming magagandang sinabi si Alinafe noon. Isa sa mga nagustuhan niya, hindi ginagawa ng mga Saksi ang sinasabi ng Bibliya na mali.” Di-nagtagal, hindi na gumamit si Alinafe ng mga imahen at nabautismuhan siya.
21. Paano natin matutulungan ang Bible study natin na manindigan sa katotohanan?
21 Alam nating si Jehova ang nagpapalago, pero may magagawa tayo para tulungan ang Bible study natin na sumulong. (1 Cor. 3:7) Hindi lang natin itinuturo sa kaniya ang gusto ng Diyos na gawin niya. Tinutulungan din natin siyang mas mapalalim ang pag-ibig niya kay Jehova. Gusto rin nating unahin niya sa buhay niya si Jehova at umasa sa Kaniya para makayanan ang pag-uusig. Kapag ipinakita nating nagtitiwala tayo sa Bible study natin, mas mapapalakas natin ang loob niya na isabuhay ang pamantayan ni Jehova at manindigan sa katotohanan.
AWIT BLG. 55 Huwag Matakot sa Kanila!
a Dalawa’t kalahating taon matapos makausap ni Nicodemo si Jesus, miyembro pa rin siya ng mataas na hukuman ng mga Judio. (Juan 7:45-52) Naniniwala ang ilang istoryador na naging alagad lang si Nicodemo noong patay na si Jesus.—Juan 19:38-40.
b LARAWAN: Iniwan ni Pedro at ng mga kasama niya ang negosyo nila sa pangingisda para maging tagasunod ni Jesus.
c LARAWAN: Tinutulungan ng isang sister ang Bible study niya na maghanda sa pangangaral.