TALAMBUHAY
Napakaraming Itinuro sa Amin ng Dakilang Tagapagturo
CHECKPOINT ng mga sundalo, nagliliyab na barikada, bagyo, digmaan, at paglikas. Ilan lang iyan sa mga nakita at naranasan naming mag-asawa bilang mga payunir at misyonero. Pero hindi namin pinagsisihan ang mga naging desisyon namin. Sa lahat ng naranasan namin, sinuportahan at pinagpala kami ni Jehova. Napakaraming itinuro sa amin ng Dakilang Tagapagturo.—Job 36:22; Isa. 30:20.
HALIMBAWA NG MGA MAGULANG KO
Noong 1957, lumipat ang mga magulang ko mula Italy papuntang Kindersley, sa Saskatchewan, Canada. Di-nagtagal, nalaman nila ang katotohanan, at iyon na ang naging pinakamahalaga sa buhay namin. Naaalala ko noong bata pa ako, halos maghapon na nangangaral ang buong pamilya namin. Kaya minsan, pabiro kong sinasabi sa iba na nag-auxiliary pioneer ako noong walong taon ako.
Kasama ang pamilya ko, mga 1966
Mahirap lang kami. Pero naging magandang halimbawa ang mga magulang ko pagdating sa pagsasakripisyo para kay Jehova. Halimbawa, noong 1963, marami silang ibinentang gamit para makadalo sa internasyonal na kombensiyon sa Pasadena, sa California, U.S.A. Noong 1972 naman, lumipat kami sa Trail, sa British Columbia, Canada para mangaral sa mga nagsasalita ng Italian. Mga 1,000 kilometro iyon mula sa dati naming tirahan. Janitor si Tatay. At kahit may mga pagkakataon sana siyang ma-promote sa trabaho, hindi niya iyon tinanggap para makapagpokus siya sa paglilingkod kay Jehova.
Nagpapasalamat ako sa magandang halimbawang ipinakita ng mga magulang ko sa aming apat na magkakapatid. Iyon ang simula ng pagsasanay na natanggap ko para mapaglingkuran si Jehova. Hindi ko malilimutan ang aral na ito mula sa kanila: Kung uunahin ko ang Kaharian, hindi ako papabayaan ni Jehova.—Mat. 6:33.
SIMULA NG BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD
Noong 1980, ikinasal kami ni Debbie, isang magandang sister na nakapokus sa paglilingkod kay Jehova. Gusto naming maglingkod nang buong panahon. Kaya tatlong buwan pagkatapos naming ikasal, nagpayunir na si Debbie. Noong isang taon na kaming kasal, lumipat kami sa isang kongregasyon na malaki ang pangangailangan, at nagpayunir na rin ako.
Araw ng kasal namin, 1980
Pagkalipas ng ilang panahon, pinanghinaan kami sa atas namin. Kaya naisip naming lumipat, pero bago iyon, kinausap muna namin ang CO. Alam naming mahal niya kami kaya dineretso niya kami: “Baka may problema rin sa inyo. Masyado kasi kayong nakapokus sa negatibo. Subukan n’yo kayang hanapin y’ong mga positibo?” Saktong-sakto ang payo niya sa amin. (Awit 141:5) Sinunod namin agad iyon. Nakita namin na marami ngang mabubuting bagay sa atas namin. May mga kakongregasyon kami na gusto pang mas maglingkod kay Jehova, kasama na diyan ang mga bata at mga sister na may asawang di-Saksi. Napakagandang aral ulit nito para sa amin. Natutuhan naming hanapin ang positibo at hintayin na ayusin ni Jehova ang mga bagay-bagay sa tamang panahon. (Mik. 7:7) Naging masaya ulit kami sa atas namin, at bumuti rin ang sitwasyon.
Nakapaglingkod sa ibang mga bansa ang mga instructor sa unang PSS namin. Ipinakita nila y’ong mga picture nila doon, at ikinuwento nila ang mga hamon at pagpapalang naranasan nila. Dahil doon, naging goal naming magmisyonero.
Sa isang Kingdom Hall sa British Columbia, 1983
Para maabot ang goal na iyan, lumipat kami noong 1984 sa Quebec. Mahigit 4,000 kilometro iyon mula sa British Columbia. Dahil French ang wika ng karamihan doon, kailangan naming matuto ng bagong kultura at wika. Madalas, kinakapos din kami. Naalala ko no’n, mga tirang patatas lang mula sa bukid ang pagkain namin. Iba-ibang luto ng patatas ang ginagawa ni Debbie! Kahit marami kaming naranasang hamon, sinikap pa rin naming maging masaya. Kitang-kita rin namin kung paano kami tinulungan ni Jehova.—Awit 64:10.
Isang araw, may tumawag sa amin. Iniimbitahan kaming maglingkod sa Bethel sa Canada. Masaya kami sa imbitasyong iyon. Pero dahil nakapag-apply na kami para sa Gilead, nag-alangan kami. Pero tinanggap pa rin namin iyon. Pagdating namin doon, tinanong namin si Brother Kenneth Little, isang miyembro ng Komite ng Sangay, “Paano na po y’ong application namin sa Gilead?” Sinabi niya, “Saka na natin isipin ’yon.”
Isang linggo pagkatapos n’on, dumating ang imbitasyon namin sa Gilead. Kaya kailangan na naming magpasiya. Sinabi sa amin ni Brother Little: “Anuman ang piliin ninyo ngayon, siguradong may mga araw na maiisip at maiisip n’yo pa rin na sana, y’ong isa ang pinili ninyo. Pero parehong maganda iyan. Walang mas lamang sa mga iyan, kasi parehong pagpapalain iyan ni Jehova.” Kaya pinili naming mag-Gilead. Sa paglipas ng mga taon, nakita naming totoo ang sinabi ni Brother Little. Madalas din naming ipayo iyan sa iba na kailangang pumili ng magiging atas nila.
BILANG MGA MISYONERO
(Kaliwa) Si Ulysses Glass
(Kanan) Si Jack Redford
Masayang-masaya kami na makasama sa ika-83 klase ng Gilead, na may 24 na estudyante. Ginawa iyon sa Brooklyn, New York, noong Abril 1987. Sina Brother Ulysses Glass at Jack Redford ang mga pangunahing instructor namin. Ang bilis lumipas ng limang buwan! Setyembre 6, 1987 ang graduation namin. At naatasan kami sa Haiti, kasama sina John at Marie Goode.
Sa Haiti, 1988
Noong 1962, pinaalis sa Haiti ang mga misyonero. Mula noon, wala nang ipinadala ulit doon. Pero tatlong linggo pagka-graduate namin, nasa mga bundok na kami sa Haiti. Naatasan kami sa isang maliit na kongregasyon na may 35 kapatid. Batang-bata pa kami ni Debbie noon at wala pang masyadong karanasan, at kami lang ang nasa missionary home. Napakahirap ng mga tao doon, at marami ang hindi marunong magbasa. Doon namin naranasan ang mga kaguluhan sa politika, kudeta, protesta, at bagyo.
Marami kaming natutuhan sa mga kapatid sa Haiti. Marami silang problema, pero masaya pa rin sila. Mahal na mahal nila si Jehova at ang pangangaral. May isang may-edad na sister doon na hindi marunong magbasa. Pero mga 150 teksto ang kabisado niya. Dahil sa mga nararanasan ng mga tao doon, mas lalo naming gustong ipangaral na ang Kaharian lang ang solusyon sa mga problema ng tao. Masayang-masaya kami na mga regular pioneer, special pioneer, at elder na ang ilan sa mga una naming study doon.
Nakilala ko sa Haiti si Trevor, isang kabataang misyonero ng mga Mormon. Ilang beses din kaming nag-usap tungkol sa Bibliya. Lumipas ang mga taon, sumulat siya: “Mababautismuhan na ako sa susunod na asamblea! Gusto kong bumalik sa Haiti at maging special pioneer sa lugar kung saan ako nagmisyonero noon.” At iyon nga ang nangyari. Matagal siyang nag-special pioneer doon kasama ang asawa niya.
SA EUROPE AT AFRICA
Habang nasa atas ko sa Slovenia, 1994
Naatasan kami sa isang lugar sa Europe, kung saan lumuluwag na ang restriksiyon sa pangangaral. Noong 1992, dumating kami sa Ljubljana, Slovenia. Malapit iyon sa lugar kung saan lumaki ang mga magulang ko bago sila lumipat sa Italy. May mga digmaan pa rin noon sa mga lugar ng dating Yugoslavia. At pinapangasiwaan pa ang gawain sa lugar na iyon ng mga kapatid sa Vienna, Austria; Zagreb, Croatia; at Belgrade, Serbia. Pero magkakaroon na ng sariling mga sangay ang bawat bansa na bumubuo sa dating Yugoslavia.
Kaya kailangan ulit naming mag-adjust sa bagong wika at kultura. Sinasabi ng mga tagaroon, “Jezik je težek,” na ang ibig sabihin, “Mahirap matutuhan ang wika namin.” At totoo nga iyon! Hangang-hanga kami sa katapatan ng mga kapatid, kasi handa silang mag-adjust sa mga pagbabago sa organisasyon. Talagang pinagpala sila ni Jehova. Nakita ulit namin na talagang inaayos ni Jehova ang mga bagay-bagay sa tamang panahon. Naharap namin ang mga hamon sa Slovenia dahil sa mga natutuhan namin bago kami pumunta doon. At marami pa kaming natutuhan noong nandoon na kami.
Pero marami pang magiging pagbabago sa buhay namin. Noong 2000, naatasan kami sa Côte d’Ivoire, sa West Africa. Pero dahil sa digmaan doon, inilikas kami sa Sierra Leone noong Nobyembre 2002. Kakatapos lang din ng digmaan sa Sierra Leone, na tumagal nang 11 taon. Nahirapan kaming iwanan ang Côte d’Ivoire kasi biglaan iyon. Pero dahil sa mga natutuhan namin, naging masaya pa rin kami.
Napakaraming interesado doon. Napatibay rin kami ng mga kapatid kasi matagal silang nagtiis dahil sa digmaan. Kahit naghihirap sila, gusto pa rin nilang tulungan ang iba. May isang sister na gustong magbigay ng mga damit kay Debbie. Nahiya siyang tanggapin iyon, pero pinilit siya ng sister. Sinabi nito: “Kami ang tinutulungan ng mga kapatid sa ibang bansa noong digmaan. Kaya ngayon, kami naman ang tutulong.” Gusto naming tularan ang mga kapatid na ito.
Bumalik din kami sa Côte d’Ivoire, pero nagkaroon ulit ng kaguluhan doon. Kaya noong Nobyembre 2004, lumikas kami sakay ng helicopter papunta sa army base ng mga sundalo ng France. Tig-isang bag lang na tig-10 kilo ang dala namin. Sa sahig kami natulog noong gabing iyon. Kinabukasan, lumipad ulit kami papuntang Switzerland. Maghahatinggabi na nang dumating kami sa sangay doon. At sinalubong kami ng mga miyembro ng Komite ng Sangay, mga instructor ng Ministerial Training School, pati na ng mga asawa nila. Niyakap nila kami, at naghanda sila ng pagkain at maraming Swiss chocolate. Ramdam na ramdam namin ang pagmamahal nila.
Habang nagpapahayag sa mga refugee sa Côte d’Ivoire, 2005
Pansamantala kaming inatasan sa Ghana. At noong humupa na ang tensiyon sa Côte d’Ivoire, bumalik kami doon. Napakalaking tulong sa amin ni Debbie ng kabaitan ng mga kapatid para maharap namin ang mga nakaka-stress na paglikas at pabago-bagong atas. Kahit normal lang sa mga kapatid na magpakita ng pag-ibig, ayaw naming mabawasan ang pagpapahalaga namin doon. At para sa amin, kasama sa pagtuturo ni Jehova ang lahat ng naranasan namin.
SA MIDDLE EAST
Sa Middle East, 2007
Noong 2006, nakatanggap kami ng sulat mula sa world headquarters. Magkakaroon kami ng bagong atas sa Middle East. Ibig sabihin, may mga bagong karanasan, hamon, wika, at kultura na naman kaming haharapin. Marami kaming natutuhan sa lugar na iyon, kung saan malakas ang impluwensiya ng politika at relihiyon. Nag-enjoy kaming makasama ang mga kapatid na iba’t iba ang wika. Nakita namin na nagkakaisa sila kasi sumusunod sila sa tagubilin ng organisasyon. Napatibay kami sa mga kapatid na nagtiis ng pagsalansang mula sa pamilya, mga kaklase, katrabaho, at kapitbahay.
Noong 2012, nakadalo kami sa espesyal na kombensiyon sa Tel Aviv, Israel. Iyon ang unang pagkakataon na nagkaroon ulit ng malaking pagtitipon ang bayan ni Jehova sa lugar na iyon mula noong Pentecostes 33 C.E. Hindi talaga namin iyon makakalimutan!
Noong mga panahong iyon, inatasan kami sa isang bansa na may restriksiyon sa gawain natin. Nagdala kami ng mga literatura, nangaral, at dumalo sa maliliit na asamblea. Napakaraming sundalo at checkpoint doon. Pero maingat ang mga kapatid, kaya panatag kami habang ginagawa ang atas namin.
BALIK SA AFRICA
Habang naghahanda ng pahayag sa Congo, 2014
Noong 2013, may bago na naman kaming atas. Maglilingkod kami sa sangay sa Kinshasa, Congo. Napakalaki at napakaganda ng bansang iyon. Pero matindi ang kahirapan doon at madalas na may mga digmaan. Noong una, naisip namin: “Africa? Sanay na kami diyan.” Pero marami pa pala kaming mararanasan doon, lalo na dahil may mga lugar doon na walang maayos na daan at mahirap maglakbay. Pero kahit ganoon, marami kaming positibong bagay na nakita sa atas na ito—y’ong pagtitiis at kagalakan ng mga kapatid kahit mahirap sila, pag-ibig nila sa pangangaral, at pagsisikap nilang dumalo sa mga pulong at asamblea. Kitang-kita namin kung paano sumulong ang gawain doon dahil sa suporta at pagpapala ni Jehova. Marami kaming natutuhan at naging mga bagong kaibigan sa atas namin sa Congo.
Habang nangangaral sa South Africa, 2023
Bago mag-2018, naatasan naman kami sa South Africa. Ito ang pinakamalaking sangay na napaglingkuran namin. At y’ong mga atas namin, hindi pa namin nasubukan. Marami na naman kaming natutuhan, at malaking tulong pa rin ang mga natutuhan na namin noon. Mahal na mahal namin ang mga kapatid na matagal nang nagtitiis habang naglilingkod kay Jehova. Masaya rin kaming makita na nagkakaisa ang pamilyang Bethel kahit iba’t iba ang pinagmulan at kultura nila. Talagang sinisikap ng mga kapatid na sundin ang mga prinsipyo sa Bibliya. At ang kapayapaan na nararanasan nila, pagpapala iyon ni Jehova.
Sa loob ng maraming taon, marami kaming naging atas ni Debbie. Nag-adjust kami sa iba’t ibang kultura at natuto ng mga bagong wika. Hindi iyon laging madali. Pero ginamit ni Jehova ang organisasyon niya at ang mga kapatid para tulungan kami at ipakitang mahal niya kami. (Awit 144:2) Naging mas mabubuting lingkod kami ni Jehova dahil sa pagsasanay niya sa amin habang naglilingkod kami nang buong panahon.
Talagang nagpapasalamat ako sa mga itinuro sa akin ng mga magulang ko, sa suporta ng mahal kong asawa na si Debbie, at sa magagandang halimbawa ng mga kapatid. Alam naming marami pang ituturo sa amin ang Dakilang Tagapagturo, at determinado kaming magpasanay pa sa kaniya.