ARALING ARTIKULO 35
AWIT BLG. 121 Kailangan ang Pagpipigil sa Sarili
Madadaig Mo ang mga Maling Pagnanasa
“Huwag ninyong hayaang patuloy na maghari ang kasalanan sa inyong mortal na katawan para hindi kayo maging sunod-sunuran sa mga pagnanasa nito.”—ROMA 6:12.
MATUTUTUHAN
Kung paano natin maiiwasan na sobrang malungkot dahil sa mga maling pagnanasa at kung paano natin madadaig ang mga pagnanasang iyon.
1. Ano ang pinagdadaanan nating lahat?
MINSAN ba, parang gustong-gusto mong gawin ang isang bagay na ayaw ni Jehova? Kung oo, huwag kang panghinaan ng loob. Sinasabi ng Bibliya: “Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao.” (1 Cor. 10:13)a Ibig sabihin, pinaglalabanan din ng iba ang mga maling pagnanasang pinaglalabanan mo. At madadaig mo ang mga iyon sa tulong ni Jehova.
2. Anong mga tukso ang posibleng pinaglalabanan ng ilang Kristiyano at Bible study? (Tingnan din ang mga larawan.)
2 Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.” (Sant. 1:14) Ibig sabihin, magkakaiba ang mga tuksong puwedeng makaakit sa bawat isa. Halimbawa, may mga Kristiyanong natutuksong gumawa ng imoralidad sa hindi nila kasekso; ang iba naman, sa kasekso nila. May ilan na natutuksong tumingin ulit sa pornograpya kahit naihinto na nila ito noon. Ganiyan din ang nararamdaman ng marami na huminto na sa pagdodroga o sobrang pag-inom ng alak. Ilan lang iyan sa mga pinaglalabanan ng mga Kristiyano at Bible study. Malamang na naranasan na nating lahat ang sinabi ni apostol Pablo: “Kapag gusto kong gawin ang tama, ang masama ang nasa akin.”—Roma 7:21.
Puwede tayong matukso nang hindi natin inaasahan (Tingnan ang parapo 2)d
3. Ano ang puwedeng maramdaman ng isa kapag paulit-ulit siyang natutukso ng isang bagay?
3 Kung paulit-ulit kang natutukso ng isang bagay, baka maramdaman mong wala ka na talagang magagawa at hindi mo iyon kayang labanan. Baka maramdaman mo ring hindi ka na katanggap-tanggap kay Jehova dahil lang may maling pagnanasa ka. Tandaan na hindi totoo ang mga iyan! Pero bakit natin nararamdaman iyan? At paano natin madadaig ang mga maling pagnanasa? Sasagutin natin ang mga tanong na iyan sa artikulong ito.
ANG GUSTO NI SATANAS NA MARAMDAMAN NATIN
4. (a) Bakit gusto ni Satanas na maramdaman nating hindi natin kayang labanan ang mga maling pagnanasa? (b) Bakit makakasigurado tayong kaya nating labanan ang tukso?
4 Kapag natutukso tayo, gusto ni Satanas na maramdaman nating hindi natin kayang labanan iyon. Nilinaw ni Jesus na talagang susubukan ni Satanas na tuksuhin tayo. Kaya tinuruan niya ang mga tagasunod niya na ipanalangin: “Huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na masama.” (Mat. 6:13) Naniniwala si Satanas na hindi mananatiling tapat kay Jehova ang mga tao kapag natutukso sila. (Job 2:4, 5) Bakit niya naisip iyan? Kasi siya mismo, nagpadala sa pagnanasa niya at hindi nanatiling tapat kay Jehova. At iniisip niyang ganiyan din tayo. Naniniwala siyang madali rin nating iiwan si Jehova kapag natutukso tayo. Inisip pa nga niyang ganiyan din ang perpektong Anak ng Diyos! (Mat. 4:8, 9) Pero talaga bang hindi natin kayang labanan ang mga maling pagnanasa? Kaya natin! Alam nating totoo ang sinabi ni apostol Pablo: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Fil. 4:13.
5. Bakit natin masasabing nagtitiwala si Jehova na madadaig natin ang mga maling pagnanasa?
5 Kung ikukumpara kay Satanas, ibang-iba ang tingin sa atin ni Jehova. Nagtitiwala siyang madadaig natin ang mga maling pagnanasa. Paano natin nalaman iyan? Kasi inihula ni Jehova na isang malaking pulutong ng tapat na mga lingkod niya ang makakaligtas sa malaking kapighatian. At alam nating hindi makakapagsinungaling ang Diyos natin. Sinabi niya na hindi lang iilan, kundi marami ang makakapasok sa bagong sanlibutan na may malinis na katayuan. Sinasabi sa Bibliya na “nilabhan nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” (Apoc. 7:9, 13, 14) Patunay iyan na nagtitiwala si Jehova na kaya nating madaig ang mga maling pagnanasa.
6-7. Bakit gusto ni Satanas na maramdaman nating hindi na tayo katanggap-tanggap kay Jehova dahil sa mga maling pagnanasa natin?
6 Gusto rin ni Satanas na maramdaman nating hindi na tayo katanggap-tanggap kay Jehova dahil sa mga maling pagnanasa natin. Bakit? Kasi siya mismo, hindi katanggap-tanggap kay Jehova. At naiinggit siya sa atin kasi may pag-asa tayong mabuhay nang walang hanggan, pero siya, wala. (Gen. 3:15; Apoc. 20:10) Kaya huwag isipin na hindi na tayo katanggap-tanggap kay Jehova. Ang totoo, sinasabi ng Bibliya na gusto tayong tulungan ni Jehova. “Hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.”—2 Ped. 3:9.
7 Maliwanag, si Satanas ang may gusto na isipin nating hindi natin kayang labanan ang mga tukso at hindi na tayo katanggap-tanggap kay Jehova dahil sa mga maling pagnanasa natin. Kung tatandaan natin iyan, mas malalabanan natin siya.—1 Ped. 5:8, 9.
ANG PUWEDE NATING MARAMDAMAN DAHIL MAKASALANAN TAYO
8. Bukod sa mga maling gawain, saan pa tumutukoy ang kasalanan? (Awit 51:5) (Tingnan din ang “Karagdagang Paliwanag.”)
8 May isa pang dahilan kung bakit puwede tayong panghinaan ng loob habang pinaglalabanan natin ang mga maling pagnanasa. Ano iyon? Ang pagiging makasalanan natin, na namana natin kina Adan at Eva.b—Job 14:4; basahin ang Awit 51:5.
9-10. (a) Ano ang naging epekto kina Adan at Eva ng pagiging makasalanan nila? (Tingnan din ang larawan.) (b) Ano ang epekto sa atin ng pagiging makasalanan natin?
9 Tingnan ang naging epekto kina Adan at Eva ng pagiging makasalanan nila. Pagkatapos nilang suwayin si Jehova, nagtago sila at sinubukang takpan ang kahubaran nila. Ito ang sinasabi ng Kaunawaan sa Kasulatan tungkol diyan: “Dahil sa kasalanan, nakadama sila ng sumbat ng budhi, kabalisahan, kawalang-kapanatagan, at kahihiyan.” Para bang nakulong sila sa isang bahay na apat lang ang kuwarto. Puwede silang magpalipat-lipat ng kuwarto, pero hindi sila makakalabas ng bahay. Hindi nila matatakasan ang pagiging makasalanan nila.
10 Gaya nina Adan at Eva, makasalanan tayo. Pero di-tulad nila, may bisa sa atin ang pantubos. Puwede tayo nitong linisin sa kasalanan at bigyan ng malinis na konsensiya. (1 Cor. 6:11) Pero dahil makasalanan pa rin tayo, nararamdaman din natin ang mga naramdaman nina Adan at Eva. Nakokonsensiya rin tayo, nag-aalala, at nahihiya dahil sa pagiging makasalanan natin. Sinasabi ng Bibliya na malakas ang impluwensiya ng kasalanan sa mga tao, “kahit sa mga hindi nakagawa ng pagkakasalang gaya ng kay Adan.” (Roma 5:14) Pero kahit ganiyan ang kalagayan natin, huwag nating isiping hindi na natin kayang labanan ang kasalanan o hindi na tayo katanggap-tanggap kay Jehova. Ano ang makakatulong sa atin para magawa iyan?
Dahil sa kasalanan, nakadama sina Adan at Eva ng pagkakonsensiya, pag-aalala, kawalang-kapanatagan, at kahihiyan (Tingnan ang parapo 9)
11. Kapag pakiramdam natin na hindi natin kayang labanan ang mga maling pagnanasa, ano ang dapat nating gawin, at bakit? (Roma 6:12)
11 Kung minsan, dahil hindi tayo perpekto, para bang may bumubulong sa atin at nagsasabing hindi natin kayang labanan ang mga maling pagnanasa. Pero hindi natin iyon dapat pakinggan. Sinasabi ng Bibliya na huwag nating “hayaang patuloy na maghari ang kasalanan” sa atin. (Basahin ang Roma 6:12.) Ipinapakita niyan na posible talagang hindi tayo magpadala sa mga maling pagnanasa. (Gal. 5:16) Sigurado diyan si Jehova, kasi kung hindi, hindi niya iyan ipapagawa sa atin. (Deut. 30:11-14; Roma 6:6; 1 Tes. 4:3) Maliwanag, kaya talaga nating labanan ang mga maling pagnanasa.
12. Kapag pakiramdam natin na hindi tayo katanggap-tanggap kay Jehova, ano ang dapat nating gawin, at bakit?
12 Kung minsan din, dahil hindi tayo perpekto, para bang may bumubulong sa atin at nagsasabing hindi tayo katanggap-tanggap kay Jehova dahil lang may mga maling pagnanasa tayo. Pero hindi rin natin iyon dapat pakinggan. Sinasabi ng Bibliya na naiintindihan ni Jehova na hindi tayo perpekto. (Awit 103:13, 14) “Alam niya ang lahat ng bagay” tungkol sa atin. Kaya alam din niya na dahil makasalanan tayo, may mga maling pagnanasa tayo. (1 Juan 3:19, 20) Pero hangga’t hindi natin isinasagawa ang mga maling pagnanasa, malinis ang tingin sa atin ni Jehova. Paano natin nasabi iyan?
13-14. Dahil may mga maling pagnanasa tayo, ibig bang sabihin hindi na tayo katanggap-tanggap kay Jehova? Ipaliwanag.
13 Ipinapakita sa Bibliya na magkaiba ang pagnanasa ng maling bagay at ang pagsasagawa nito. Hindi natin mapipigilang magkaroon ng maling pagnanasa, pero mapipigilan nating isagawa iyon. Halimbawa, dating nagsasagawa ng homoseksuwalidad ang ilang unang-siglong Kristiyano sa Corinto. Sinabi ni Pablo: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon.” Ibig bang sabihin, nawala na ang pagnanasa nilang magsagawa ng homoseksuwalidad? Malamang na hindi, kasi madalas na mahirap mawala ang ganoong pagnanasa. Pero para kay Jehova, ‘nahugasan na at naging malinis’ ang mga Kristiyanong nagpigil ng sarili at hindi nagsagawa ng mga pagnanasa nila. (1 Cor. 6:9-11) Puwede ring maging ganiyan ang tingin ni Jehova sa iyo.
14 Anumang maling pagnanasa ang pinaglalabanan mo, kaya mong madaig iyon. Hindi mo man lubusang maalis iyon, puwede mong pigilan ang sarili mo para hindi mo magawa “ang mga bagay na hinahangad ng [iyong] laman at isip.” (Efe. 2:3) Paano mo madadaig ang mga maling pagnanasa?
DAIGIN ANG MGA MALING PAGNANASA
15. Bakit dapat nating iwasan ang pagdadahilan kung gusto nating madaig ang mga maling pagnanasa?
15 Para madaig ang mga maling pagnanasa, huwag ipagdahilan ang mga kahinaan mo. Iwasan ang “maling pangangatuwiran” kasi dadayain mo lang ang sarili mo. (Sant. 1:22) Halimbawa, baka idahilan ng isa, ‘Mas malakas pa ngang uminom ang iba kaysa sa akin.’ O kaya naman, baka sisihin pa niya ang iba at isipin, ‘Kung mas malambing lang sana ang asawa ko, hindi ako matutuksong tumingin sa pornograpya.’ Kung magdadahilan siya at hindi aaminin ang mga kahinaan niya, mas malamang na magpadala siya sa mga maling pagnanasa niya. Kaya huwag ipagdahilan, kahit sa isip lang, ang isang maling gawain. Ikaw ang may responsibilidad sa lahat ng ginagawa mo.—Gal. 6:7.
16. Paano mo mapapatibay ang determinasyon mong gawin ang tama?
16 Makakatulong din kung papatibayin mo ang determinasyon mong huwag magpadala sa mga maling pagnanasa. (1 Cor. 9:26, 27; 1 Tes. 4:4; 1 Ped. 1:15, 16) Alamin kung ano ang pinakanakakatukso sa iyo at kung kailan ka pinakanahihirapang labanan iyon. Halimbawa, may isang pagnanasa ka ba na talagang hirap kang labanan? Mas nahihirapan ka bang labanan ang tuksong iyon kapag pagod ka o gabing-gabi na? Paghandaan ang posibleng mangyari, at isipin kung ano ang gagawin mo kapag nangyari na iyon. Gawin iyan bago dumating ang nakakatuksong sitwasyon.—Kaw. 22:3.
17. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jose? (Genesis 39:7-9) (Tingnan din ang mga larawan.)
17 Tingnan ang nangyari kay Jose. Nang akitin siya ng asawa ni Potipar, hindi na siya nagdalawang-isip—tumanggi siya agad. (Basahin ang Genesis 39:7-9.) Ano ang matututuhan natin dito? Bago pa akitin si Jose ng asawa ni Potipar, nakapagdesisyon na siyang gagawin niya ang tama. Matutularan mo siya kung papatibayin mo na ang determinasyon mong gawin ang tama bago ka pa matukso. Kapag ginawa mo iyan, madali na lang sa iyo na tanggihan ang tukso kasi napagdesisyunan mo na iyon.
Gaya ng ginawa ni Jose, tanggihan agad ang tukso! (Tingnan ang parapo 17)
REGULAR NA SURIIN ANG SARILI
18. Ano pa ang puwede mong gawin para madaig ang mga maling pagnanasa? (2 Corinto 13:5)
18 Para madaig ang mga maling pagnanasa, kailangan mong “patuloy na subukin,” o regular na suriin, ang sarili mo. (Basahin ang 2 Corinto 13:5.) Sa pana-panahon, suriin ang paraan ng pag-iisip mo at mga desisyong ginagawa mo. Gumawa ng mga pagbabago kung kailangan. Halimbawa, pagkatapos mong matanggihan ang isang tukso, tanungin ang sarili: ‘Gaano katagal bago ko natanggihan iyon?’ Huwag madismaya kung hindi ka nakatanggi agad. Sa halip, gumawa ng mga pagbabago para mas maging desidido ka na sa susunod. Pag-isipan: ‘Kaya ko bang mas mabilis na alisin sa isip ko ang mga maling pagnanasa? Mas nahihirapan ba akong tanggihan ang tukso dahil sa libangan ko? Inaalis ko ba agad ang tingin ko kapag may lumitaw na imoral na larawan o eksena? Kumbinsido ba ako na para talaga sa ikakabuti ko ang mga pamantayan ni Jehova kahit kailangan kong magsikap na pigilan ang sarili ko?’—Awit 101:3.
19. Bakit mas mahihirapan tayong labanan ang mga maling pagnanasa kapag hindi tayo naging maingat sa maliliit na desisyon?
19 Habang sinusuri natin ang sarili natin, iwasan nating gumawa ng palusot para sa mga maling pagnanasa. Sinasabi ng Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at desperado.” (Jer. 17:9) Sinabi rin ni Jesus na nanggagaling dito ang “masasamang kaisipan.” (Mat. 15:19) Halimbawa, baka naihinto na ng isa ang panonood ng pornograpya. Pero paglipas ng panahon, baka maisip niyang okey lang tumingin sa mahahalay na larawan basta walang nakahubad. O baka isipin niya, ‘Hindi naman maling magpantasya, basta hindi ko gawin ’yon.’ Kapag ganiyan mag-isip ang isa, parang hinahayaan niya ang puso niya na “magplano para sa mga pagnanasa ng laman.” (Roma 13:14) Paano natin maiiwasan iyan? Tandaan na kapag gumagawa tayo ng di-magagandang desisyon, kahit na parang maliliit lang iyon, puwedeng humantong ang mga iyon sa mas malalaking pagkakamali, gaya ng paggawa ng kasalanan.c Kaya dapat tayong maging maingat kahit sa maliliit na desisyon, at iwasan nating gamiting dahilan ang “masasamang kaisipan.”
20. Ano ang pinapanabikan natin sa hinaharap, at anong tulong ang natatanggap natin sa ngayon?
20 Gaya ng natalakay natin, malalabanan natin ang mga tukso sa tulong ni Jehova. Dahil sa pantubos, may pag-asa rin tayong mabuhay nang walang hanggan sa hinaharap. Sabik na tayong paglingkuran si Jehova nang hindi na nagkakaroon ng maling pagnanasa. Pero habang hinihintay natin iyon, sigurado tayong kaya nating labanan ang mga maling pagnanasa at puwede tayong maging katanggap-tanggap kay Jehova. Sa tulong niya, madadaig natin ang mga maling pagnanasa!
AWIT BLG. 122 Magpakatatag!
a Ganito isinalin ng Magandang Balita Biblia ang tekstong ito: “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao.”
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa Bibliya, ang salitang “kasalanan” ay madalas na tumutukoy sa paggawa ng mali, gaya ng pagnanakaw, pangangalunya, o pagpatay. (Ex. 20:13-15; 1 Cor. 6:18) Pero sa ibang mga teksto sa Bibliya, tumutukoy ang “kasalanan” sa pagiging di-perpekto na minana natin mula nang ipanganak tayo, kahit wala pa tayong nagagawang anumang mali.
c Pansinin ang kabataang lalaki sa Kawikaan 7:7-23. Dahil hindi siya naging maingat sa maliliit na desisyon, hindi niya nalabanan ang maling pagnanasa at nakagawa siya ng seksuwal na imoralidad.
d LARAWAN: Kaliwa: Isang kabataang brother na nakaupo sa coffee shop habang nakatingin sa dalawang lalaking nakatitig sa isa’t isa. Kanan: Isang sister na nakatingin sa dalawang naninigarilyo.