Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Setyembre p. 8-13
  • Ang Dapat Nating Gawin Kapag May Kawalang-katarungan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Dapat Nating Gawin Kapag May Kawalang-katarungan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • GALIT SI JEHOVA AT SI JESUS SA KAWALANG-KATARUNGAN
  • KUNG PAANO HINARAP NI JESUS ANG KAWALANG-KATARUNGAN
  • TULARAN SI JESUS SA PAGHARAP SA KAWALANG-KATARUNGAN
  • ANG MAGAGAWA NATIN NGAYON
  • Kung Paano Haharapin ang Kawalang-Katarungan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Makakamit Pa Ba Natin ang Katarungan?
    Iba Pang Paksa
  • Kaya Mong Harapin ang Kawalang-Katarungan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Setyembre p. 8-13

ARALING ARTIKULO 37

AWIT BLG. 114 “Maging Matiisin”

Ang Dapat Nating Gawin Kapag May Kawalang-katarungan

“Patuloy siyang umasa ng katarungan, pero kawalang-katarungan ang naroon.”—ISA. 5:7.

MATUTUTUHAN

Kung ano ang ginawa ni Jesus noong may nakita siyang kawalang-katarungan at kung paano natin siya matutularan.

1-2. Ano ang nagiging reaksiyon ng marami kapag may kawalang-katarungan, at ano rin ang puwede nating maisip?

PUNONG-PUNO ng kawalang-katarungan ang mundo ngayon. Di-patas ang trato sa maraming tao dahil sa kalagayan nila sa pinansiyal, kasarian, lahi, o iba pang dahilan. Marami ang nagdurusa dahil nasisira ng mga sakim na negosyante at politiko ang kalikasan. At puwedeng mangyari ang kawalang-katarungan sa atin mismo o sa isang malapít sa atin.

2 Gusto nating lahat na mabuhay sa isang mundo na panatag at patas. Kaya hindi na tayo nagtataka na marami ang nagagalit sa kawalang-katarungang nakikita nila sa ngayon. Gusto nilang magkaroon ng mga pagbabago sa lugar o bansa nila. May mga nangangalap ng pirma para sa mga petisyon nila, nagpoprotesta, at sumusuporta sa mga politikong nangangako ng solusyon sa kawalang-katarungan. Pero iba tayong mga Kristiyano. “Hindi [tayo] bahagi ng sanlibutan,” at hinihintay nating alisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan. (Juan 17:16) Pero posible pa rin tayong madismaya o magalit kapag may nakikita tayong kawalang-katarungan. Baka maisip natin: ‘Paano ko ba dapat harapin ang kawalang-katarungan? May magagawa ba ako ngayon habang hinihintay ang Kaharian ng Diyos?’ Para masagot ang mga iyan, alamin muna natin kung ano ang nararamdaman ni Jehova at ni Jesus kapag may nakikita silang kawalang-katarungan.

GALIT SI JEHOVA AT SI JESUS SA KAWALANG-KATARUNGAN

3. Bakit normal lang sa atin na magalit kapag may kawalang-katarungan? (Isaias 5:7)

3 Sinasabi ng Bibliya na “iniibig [ni Jehova] ang katuwiran at katarungan.” (Awit 33:5) At dahil nilalang niya tayo ayon sa larawan niya, normal lang sa atin na magalit kapag may nakikita tayong kawalang-katarungan. (Gen. 1:26) Hindi kailanman magiging tiwali o di-patas si Jehova, at ayaw rin niyang maging ganiyan ang sinuman. (Deut. 32:3, 4; Mik. 6:8; Zac. 7:9) Halimbawa, noong panahon ni propeta Isaias, narinig ni Jehova ang pagdaing ng mga Israelitang inaapi ng mga kababayan nila. (Basahin ang Isaias 5:7.) Ano ang ginawa niya? Pinarusahan niya ang mga hindi sumusunod sa Kautusan at nakikitungo nang di-patas sa iba.—Isa. 5:5, 13.

4. Ano ang nararamdaman ni Jesus kapag may tinatrato nang di-patas? (Tingnan din ang larawan.)

4 Gaya ni Jehova, mahal ni Jesus ang katarungan at galit siya sa kawalang-katarungan. Noong nandito siya sa lupa, nakita niya ang isang lalaking paralisado ang kamay. Pinagaling niya ang lalaki kasi naawa siya dito. Pero ibang-iba ang mga lider ng relihiyon. Mas mahalaga pa sa kanila ang tradisyon nila sa Sabbath kaysa sa pagtulong sa nagdurusang lalaki. Ano ang naramdaman ni Jesus sa reaksiyon nilang ito? “Lungkot na lungkot siya dahil manhid ang puso nila.”—Mar. 3:1-6.

Si Jesus sa sinagoga, habang kinakausap ang mga Judiong lider ng relihiyon tungkol sa papagalingin niyang lalaki na paralisado ang kamay. Masama ang tingin ng mga lider ng relihiyon kay Jesus.

Di-gaya ng mga lider ng relihiyon na manhid ang puso, naawa si Jesus sa mga tao (Tingnan ang parapo 4)


5. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa galit na posible nating maramdaman kapag may kawalang-katarungan?

5 Nakita natin na nagagalit si Jehova at si Jesus sa kawalang-katarungan. Kaya hindi mali kung nagagalit din tayo. (Efe. 4:26 at study note na “napoot”) Pero dapat nating tandaan na kahit makatuwiran pa ang galit natin, hindi nito masosolusyunan ang kawalang-katarungang nakikita natin. At kung hindi natin aalisin o kokontrolin ang galit natin, baka magkasakit lang tayo o ma-depress. (Awit 37:1, 8; Sant. 1:20) Kaya paano natin dapat harapin ang kawalang-katarungan? Makakatulong sa atin ang halimbawa ni Jesus.

KUNG PAANO HINARAP NI JESUS ANG KAWALANG-KATARUNGAN

6. Anong mga kawalang-katarungan ang nakita ni Jesus noong nandito siya sa lupa? (Tingnan din ang larawan.)

6 Maraming nakitang kawalang-katarungan si Jesus noong nandito siya sa lupa. Halimbawa, pinapahirapan ng mga lider ng relihiyon ang mga tao. (Mat. 23:2-4) Bukod diyan, malupit ang pamamahala ng Roma. Kaya gusto ng maraming Judio na mapalaya mula sa mga Romano. May ilang grupo pa nga, gaya ng grupong Mga Panatiko, na handang makipaglaban para dito. Pero hindi bumuo o sumuporta si Jesus sa mga grupong naghahangad ng pagbabago. Ang totoo, nang malaman niyang gusto siyang gawing hari ng mga tao, umalis siya at lumayo sa kanila.—Juan 6:15.

Si Jesus na naglalakad mag-isa paakyat ng bundok. Maraming tao ang nagtipon sa paanan ng bundok.

Nang malaman ni Jesus na gusto siyang gawing hari ng mga tao, umalis siya at lumayo sa kanila (Tingnan ang parapo 6)


7-8. Bakit hindi sinubukang alisin ni Jesus ang kawalang-katarungan noong nandito siya sa lupa? (Juan 18:36)

7 Noong nandito si Jesus sa lupa, hindi siya nakipagtulungan sa gobyerno ng tao para subukang alisin ang kawalang-katarungan. Alam niya kasing walang karapatan at kakayahan ang mga tao na mamahala sa ibang tao. (Awit 146:3; Jer. 10:23) Hindi rin kayang alisin ng mga tao ang pinakaugat ng problema—si Satanas na Diyablo at ang pagiging di-perpekto natin. Si Satanas ang tagapamahala ng mundo. Napakalupit niya, at iniimpluwensiyahan niya ang mga tao na maging di-makatarungan. (Juan 8:44; Efe. 2:2) At kahit napakabuti pa ng isang tao, hindi niya kayang maging patas sa lahat ng panahon dahil hindi pa rin siya perpekto.—Ecles. 7:20.

8 Alam ni Jesus na Kaharian ng Diyos lang ang makakapag-alis ng pinakaugat ng kawalang-katarungan. Kaya ginamit niya ang oras at lakas niya para ‘ipangaral at ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.’ (Luc. 8:1) Tiniyak niya sa “mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran” na mawawala ang kasamaan at kawalang-katarungan. (Mat. 5:6 at study note; Luc. 18:7, 8) Pero mangyayari iyan, hindi dahil sa pagsisikap ng mga tao, kundi dahil sa Kaharian ng Diyos, na “hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Basahin ang Juan 18:36.

TULARAN SI JESUS SA PAGHARAP SA KAWALANG-KATARUNGAN

9. Bakit ka kumbinsido na Kaharian ng Diyos lang ang makakapag-alis ng lahat ng kawalang-katarungan?

9 Mas marami nang kawalang-katarungan sa “mga huling araw” na ito kaysa noong panahon ni Jesus. (2 Tim. 3:1-5, 13) Pero si Satanas pa rin at ang mga di-perpektong taong iniimpluwensiyahan niya ang ugat nito. (Apoc. 12:12) Gaya ni Jesus, alam nating Kaharian ng Diyos lang ang makakapag-alis sa pinakaugat ng kawalang-katarungan. At dahil sinusuportahan natin ang Kahariang iyan, hindi tayo nagpoprotesta o umaasang masosolusyunan ng gobyerno ang problema. Iyan ang natutuhan ng sister na si Stacy.a Bago niya nalaman ang katotohanan, madalas siyang sumama sa mga kilusang nagsusulong ng pagbabago. Pero dumating ang panahon na nagdududa na siya kung nakakatulong ba ang ginagawa niya. Ikinuwento niya: “Minsan, kapag nagpoprotesta ako, naiisip ko kung tama ba talaga ang sinusuportahan ko. Pero ngayon, sigurado na akong Kaharian ng Diyos ang dapat kong suportahan dahil ito lang ang solusyon sa lahat ng problema. Alam kong si Jehova ang pinakamakakatulong sa mga biktima ng kawalang-katarungan.”—Awit 72:1, 4.

10. Bakit kontra sa payo ni Jesus sa Mateo 5:43-48 ang mga kilusan at protesta? (Tingnan din ang larawan.)

10 Marami ang sumasali sa mga kilusan o protesta para magsulong ng mga pagbabago. Pero habang nagpoprotesta sila, lalo lang silang nagagalit. Nalalabag din nila ang mga batas, at nasasaktan nila ang iba. (Efe. 4:31) Napansin ng brother na si Jeffrey: “Maraming protesta ang mukhang payapa sa umpisa pero biglang nauuwi sa karahasan at nakawan.” Pero tinuturuan tayo ni Jesus na mahalin ang lahat, kahit ang mga taong hindi natin kapareho ng opinyon o umuusig sa atin. (Basahin ang Mateo 5:43-48.) At bilang mga Kristiyano, sinisikap nating sundin iyan at tularan siya.

Isang sister na naglalakad sa isang mataong kalsada. Kalmado lang siya at hindi niya tinitingnan ang mga nagpoprotesta.

Kailangan nating magsikap para makapanatiling neutral sa mga isyu sa mundo ngayon (Tingnan ang parapo 10)


11. Bakit posibleng mahirapan tayo kung minsan na tularan si Jesus?

11 Alam nating Kaharian ng Diyos lang ang talagang makakapag-alis ng kawalang-katarungan. Pero kapag tayo na mismo ang nakaranas nito, baka mahirapan tayong tularan si Jesus. Ganiyan ang nangyari sa sister na si Janiya, na nakaranas ng diskriminasyon. Inamin niya: “Galit na galit ako. Talagang nasaktan ako at gusto ko ng hustisya. Kaya naisip kong sumali sa isang grupo na laban sa diskriminasyon at pagtatangi ng lahi. Akala ko, gagaan ang pakiramdam ko dahil doon.” Pero paglipas ng panahon, nakita ni Janiya na kailangan niyang gumawa ng pagbabago. Sinabi niya: “Nagpapaimpluwensiya na pala ako sa iba. Mas nagtitiwala na pala ako sa mga tao kaysa kay Jehova. No’ng mapansin ko iyon, itinigil ko na ang pakikisama sa kanila.” Totoo, normal lang na magalit tayo kapag nakakaranas tayo o nakakakita ng kawalang-katarungan. Pero dapat natin itong kontrolin para makapanatili tayong neutral sa mga isyu sa mundo ngayon.—Juan 15:19.

12. Bakit kailangan nating maging maingat sa impormasyong pinapakinggan natin, binabasa, o pinapanood?

12 Ano ang makakatulong para hindi tayo masyadong magalit kapag nakakakita tayo ng kawalang-katarungan? Dapat tayong maging maingat sa impormasyong pinapakinggan natin, binabasa, o pinapanood. May mga post sa social media na pinapatindi ang mga nangyayaring kawalang-katarungan at humihikayat sa mga tao na kumilos para magkaroon ng mga pagbabago. Kadalasan ding may pinapanigan ang mga nagbabalita. At kahit may nangyari talagang kawalang-katarungan, makakatulong ba kung tututukan natin ang pangyayaring iyon? Kung uubusin natin ang panahon natin sa mga impormasyong iyon, baka mas lalo lang tayong mag-alala, madismaya, o magalit. (Kaw. 24:10) Baka nga makalimutan pa natin na Kaharian ng Diyos lang ang makakapag-alis ng lahat ng kawalang-katarungan.

13. Bakit makakatulong ang regular na pagbabasa ng Bibliya para hindi tayo masyadong maapektuhan ng kawalang-katarungang nakikita natin?

13 Kapag araw-araw nating binabasa ang Bibliya at pinag-iisipan ang mga nababasa natin doon, makakatulong iyon para hindi tayo masyadong maapektuhan ng kawalang-katarungan. Masyadong naapektuhan ang sister na si Alia sa kawalang-katarungan sa lugar nila. Nagalit siya kasi hindi napaparusahan ang mga taong may kagagawan nito. Sinabi niya: “Minsan, naitanong ko sa sarili ko kung naniniwala ba talaga akong kikilos si Jehova para alisin ang kawalang-katarungan. ’Tapos, nabasa ko y’ong Job 34:22-29. Naipaalala n’on sa akin na nakikita ni Jehova ang lahat. Siya lang ang nakakaalam kung ano talaga ang makatarungan, at siya lang ang may kakayahang ipatupad iyon.” Hinihintay nating alisin ng Kaharian ng Diyos ang kawalang-katarungan. Pero may magagawa ba tayo ngayon habang hinihintay iyon?

ANG MAGAGAWA NATIN NGAYON

14. Ano ang magagawa natin para hindi na natin madagdagan ang kawalang-katarungan sa mundo? (Colosas 3:10, 11)

14 Hindi natin mapipigilan ang iba na gumawa ng kawalang-katarungan. Pero may magagawa tayo para hindi na natin madagdagan iyon. Gaya ng binanggit kanina, tinutularan natin si Jesus. Ipinapakita nating mahal natin at nirerespeto ang iba, kahit ang mga gumagawa ng kawalang-katarungan. (Mat. 7:12; Roma 12:17) Napapasaya natin si Jehova kapag mabait at patas tayo sa lahat.—Basahin ang Colosas 3:10, 11.

15. Paano makakatulong ang pagtuturo natin ng Bibliya?

15 Ano ang pinakamagandang magagawa natin sa ngayon? Ituro natin sa mga tao ang mga katotohanan sa Bibliya. Puwedeng baguhin ng “kaalaman tungkol kay Jehova” ang isang taong marahas para maging mabait at mapagpayapa. (Isa. 11:6, 7, 9) Ganiyan ang nangyari kay Jemal. Bago niya nalaman ang katotohanan, sumali siya sa isang rebeldeng grupo na lumalaban sa gobyerno. Sinabi niya: “Hindi mo kayang pilitin ang mga tao na magbago. Pero kapag nag-aral sila ng Bibliya, puwede silang magbago. Iyan ang nangyari sa akin.” Dahil sa natutuhan ni Jemal, hindi na siya nakikipaglaban. Isipin ito: Kapag mas maraming tao ang nabago ng mga katotohanan sa Bibliya, mas mababawasan ang mga gumagawa ng kawalang-katarungan.

16. Bakit gusto mong sabihin sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos?

16 Gaya ni Jesus, gustong-gusto nating sabihin sa iba na Kaharian ng Diyos lang ang talagang makakapag-alis ng kawalang-katarungan. Napakalaking tulong ng pag-asang iyan sa mga taong naaapi sa ngayon. (Jer. 29:11) Ito ang sinabi ni Stacy, na nabanggit kanina: “Mula nang malaman ko ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, mas kaya ko nang harapin ang kawalang-katarungang nararanasan o nakikita ko. Talagang gumaan ang loob ko dahil sa mensahe ng Bibliya.” Kailangan mong maging handa para masabi mo sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. At mas magiging handa kang sabihin iyan sa mga nakakasama mo sa school o sa trabaho kapag mas kumbinsido ka sa mga natalakay natin sa artikulong ito.b

17. Paano tayo tinutulungan ni Jehova sa ngayon na maharap ang kawalang-katarungan?

17 Alam nating habang si Satanas ang namamahala sa sanlibutan, makakakita at makakaranas tayo ng kawalang-katarungan. Pero alam din nating bubuti ang kalagayan kasi nangangako si Jehova na “palalayasin [niya] ang tagapamahala ng mundong ito.” (Juan 12:31) At habang hinihintay natin iyan, may natatanggap tayong tulong ngayon mula kay Jehova. Gamit ang Bibliya, sinasabi ni Jehova kung bakit napakaraming kawalang-katarungan at kung ano ang nararamdaman niya kapag nakikita niya tayong nagdurusa dahil dito. (Awit 34:17-19) At sa pamamagitan naman ng Anak niya, itinuro niya sa atin kung paano natin dapat harapin ang kawalang-katarungan. Itinuro din niya na permanenteng aalisin ng Kaharian ang lahat ng problema. (2 Ped. 3:13) Kaya patuloy sana nating ipangaral ang mabuting balita ng Kahariang iyan habang hinihintay natin ang panahong mapupuno na ng “katarungan at katuwiran” ang buong lupa.—Isa. 9:7.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit posible tayong maapektuhan kapag may nakita tayong kawalang-katarungan?

  • Bakit hindi tayo umaasang maaalis ng mga tao ang kawalang-katarungan?

  • Ano ang magagawa natin ngayon kapag may kawalang-katarungan?

AWIT BLG. 158 Maghihintay Kami

a Binago ang ilang pangalan.

b Tingnan din ang apendise A number 24-27 sa brosyur na Mahalin ang mga Tao—Gumawa ng mga Alagad.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share